Banner Before Header

Dacera case: Paano ngayon ‘yan?

0 282
MATAPOS “lumabas” ang ‘autopsy report’ ng PNP sa pagkamatay ng maganda at bata pa (23 anyos) na si flight attendant, Christine Angelica Dacera, “nabahiran” ng “tamang duda” ang mga Pinoy sa deklarasyon ni Chief PNP Debold Sinas na ‘solved’ na ang pagkamatay ni Dacera.

Sa “pamantayan” kasi ng PNP, mga kabayan, ‘case solved and close’ na ang isang kaso kapag may “nakilala” na mga suspek at nasampahan sila ng kaso.

Batikos naman ng mga miron, partikular sa ‘social media’ mistulang ‘rush job’ (na naman) ang tinuran ni Chief PNP dahil sa “kumalat” na ‘certified true copy’ ng naturang autopsy report na pirmado pa ni ‘PNP medico-legal officer,’ P/Major Michael Rey Sarmiento.

Sa kanya kasing ulat, ‘rupture aortic aneurysm’ ang sanhi ng pagkamatay ni Decera!

May petsang Enero 2, 2021, ang autopsy report ni Sarmiento o isang araw lang matapos nilang eksaminin ang bangkay ni Decera na natagpuang walang malay sa kuwarto ng isang hotel sa Makati City noong Bagong Taon.

Bagaman naisugod pa siya sa ospital, nadeklara namang ‘DOA’ (dead on arrival).

Translation? Ang sinasabi ng autopsy report ay “naputukan” ng ugat sa bandang ulo si Decera, dahilan kaya siya namatay.

At kung “naputukan ng ugat” si Dacera eh, ‘anlinaw, hindi siya pinatay!

Lumabas din sa nasabing report na bagaman totoong “ginalaw” si Dacera, matagal na itong nangyari dahil ‘healed’ o “gumaling” na ang ‘laceration’ sa kanyang ari.

***

Ang resulta ng autopsy ng PNP, sabihin pa, ay taliwas sa deklarasyon ni Chief PNP Sinas at lalo pang “nagpasama ng loob” ng pamilya  at mga kaibigan ni Christine.

Dahil paano nga ba sila mananawagan ng “katarungan” kung hindi naman nagahasa at pinatay si Christine, aber?

Mistula ring nauna ang pagtatalak, ehek, ang pagsasalita ni Chief PNP na ‘solved’ na ang insidente dahil mayroon na nga silang kinasuhan, matapos namang “pauwiin” (translation: palayain ng piskalya) ang mga naarestong suspek ‘for insufficiency of evidence’ o kawalan ng matibay na ebidensiya laban sa kanila.

Sa nangyaring ito, hindi lang higit na sumama ang loob ng pamilya ni Cristine, bagkus, kahit sila ay lalo pang “naguluhan” dahil malinaw na magkasalungat ang sinasabi ng lider ng PNP at ang hawak nilang ebidensiya, ang autopsy report na sila rin, ang SOCO/PNP Crime Lab, ang gumawa, hayz!

Kaya nauunawaan natin kung bakit gusto nilang muling ma-awtopsiya ang bangkay ng kanilang kaanak.

Ang tanong: May makukuha pa kayang mga ebidensiya sa bangkay ni Cristine para patunayan na “malaki ang tama” ng deklarasyon ni Chief PNP na pinatay at ginahasa si Christine samantalang naembalsamo na siya o “nalinis” na ng punerarya ang kanyang bangkay para naman sa kanyang burol at paglilibing?

Paano ngayon ‘yan?

Leave A Reply