Banner Before Header

Dahil sa ‘pizza,’ 2021 budget, tagilid!

0 355
NOONG nakaraang Miyerkules, Setyembre 16, 2020, nagpulong sa Malakanyang si Pang. Rody, Senate Pres. Tito Sotto III, Speaker Alan Peter Cayetano, kasama sina House Majority Leader Rep. Ferdinand Martin Romualdez at Sen. Bong Go.

At ayon sa mga miron, bukod sa isyu ng korapsyon sa PhilHealth at pag-amyenda sa Red Tape Law, napag-usapan din (siyempre) ang panukalang P4.5 trilyon 2021 badyet.

Umalis naman (daw) ng Palasyo si Speaker Alan na mistulang nasa “alapaap” dahil sa komento ni PDU30 na “kawawa naman si Lord.”

Ang siste, binigyang-kahulugan ito ng kampo ni Speaker Alan ni hindi na rin pabor sa ‘term-sharing’ nila ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco si Pang. Digong dahil totoo naman na mabilis sa pag-aksyon ang liderato ni Speaker Alan sa mga ‘priority bills’ ng Palasyo.

Pansinin: Sapul nang maupo si Speaker Alan, 18 panukalang batas ang naipasa na ng Kongreso sa pagsisimula ng trabaho ng Kamara noon lang Hulyo; 12 sa mga batas na ito ay pawang mga ‘national bills’ na kailangan ng ating gobyerno.

Ayon pa nga sa kanyang mga ‘rah-rah boys’ inaasahan din na maipasa ng Kongreso ang 2021 badyet ngayong buwan—isang “rekord” na mahirap mapantayan.

Kumbaga, sa impresibong ‘performance’ ng Kamara ni Speaker Alan, eh, bakit pa nga ba “gagalawin” ang tabakuhan, ehek, ang kasalukuyang sitwasyon? Sa madaling salita, tama na, tigilan na, ang term sharing, ganun ba ‘yun?

Kung matutuloy ang term sharing, dapat ay “isuko” ni Speaker Alan ang kanyang “silya” kay Cong. Lord ngayong Oktubre.

‘Yun nga lang, makabubuti siguro kay Speaker Alan na “pakalmahin” ang kanyang mga bataan, ehek, kakampi sa Kongreso.

Dangan kasi, nagkainggitan, err, “nagkainitan” pala sina CamSur Rep. LRay Villafuerte, “kakampi” ni Speaker Alan, at Negros Oriental third district representative, Arnolfo Teves, noong isang linggo. Si Teves ay “kaalyado” naman ni Velasco.

At ang isyu ay hindi tungkol sa prinsipyo, bagkus, sa ‘pizza’ (“pitsa”) kung saan “sinisilip” ahay, itinatanong, ni Teves ang bilyones na alokasyon (P8 bilyon) para sa distrito ni Speaker Alan, ang Taguig City. Ayon pa kay Teves, aabot naman sa mahigit P11 bilyon ang mapupunta para sa ‘infra projects’ sa distrito ni Villafuerte.

Translation? Eh, “paano” naman sina ‘Eddie,’ ‘Patty’ at ‘Sally,’ tama ba, Cong. Teves?

Na maaring ‘ma-hostage’ ang 2021 badyet dahil sa hindi magandang “hatian” ng “pitsa,” err, ‘pizza’ sa Kongreso ay isa sa pangamba ni presidential son at deputy speaker, Rep. Paolo Duterte ng Davao City.

Mayroon pala kasi siyang ‘text message’ na mabilis na “umikot” sa Kamara sa posibilidad na madeklarang “bakante” ang lahat ng posisyon! Translation? Isa itong “kudeta” laban kay Speaker Alan.

At kung matuloy ito, eh, diskaril ang ‘time table’ ni Speaker Alan para sa 2021 budget.

Uulitin din natin na ang dahilan sa kanilang “galit” kay Speaker Alan ay walang kinalaman sa prinsipyo kundi sa kasibaan, agh, kagustuhan, ng ibang mambabatas na mapaglingkuran ng sagad, err, sapat, ang kanilang mga distrito sa pamamagitan ng bilyones na alokasyon sa kanilang mga sariling proyekto.

Abangan natin ang susunod na kabanata.

Leave A Reply