MULING nagulantang ang mga bansa sa daigdig matapos muling makatuklas ng bagong variant ng COVID-19 na tinatawag ngayong Omicron.
Pinangangambahan ngayon na ang variant na ito ay lubhang nakakahawa. Sa South Africa kung saan ito unang natuklasan ay tumaas ang hospitalization rate kahit pa sa hanay ng mga mayroo nang bakuna.
Kaya naman naghahabol ngayon ang mga eksperto para maunawaan ang kakayanan ng bagong variant na ito. Dahil sa katangian nitong maka-iwas sa bakuna, lubhang nababahala ang mga eksperto na baka muling magkaroon ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 at mabalewala ang mga naunang bakuna.
Dahil sa bantang ito, muling nagsara ng kanilang borders ang mga bansa mula sa mga may kaso ng Omicron variant na ito. Dito sa Pilipinas, nagtukoy na ng nasa 14 bansa na nasa travel restrictions.
Sa tingin natin lohikal ang hakbang na ito ng gobyerno para mapigilan ang maaaring pagpasok at pagkalat ng variant na ito sa bansa.
Bagamat hindi natin minamaliit ang kaalaman natin sa bagong variant na ito hindi natin kailangang ikulong muli ang ating mga sarili sa takot.
Mas marami na tayong karanasan ngayon kumpara noong unang lumaganap ang COVID-19 noong 2020.
Hindi man naging madali, pero napatunayan nating kaya nating paganahin ang ekonomiya kahit na mayroong pandemya; Kaya nating ipagpatuloy ang mga politikal na usapin sa bansa kahit na may pandemya. Kaya nating mabuhay na nariyan ang pandemya.
Kung ating babalikan noong unang natuklasan ang Delta variant, nabahala din ang daigdig sa banta sa buhay at kalusugan na dala nito.
Bagamat malaki ang naging epekto nito lalo na sa India kung saan ito lubos na nakapaminsala, dito sa Pilipinas, naging maalam tayo sa pagsugpo sa naturang variant.
Bagamat nakapagtala tayo ng mga kaso ng Delta variant, hindi ito lubusang kumalat tulad ng inaasahan. Hindi tayo natulad sa bansang India.
Ito ay dahil sa pagkatuto rin natin sa panahon ng pandemya kasabay ng ating patuloy na pagbabakuna sa ating mga kababayan. Nagkaroon tayo ng ibang mind set sa pagharap ng pandemya na hindi tayo lubusang nagpakulong sa takot.
Habang hindi pa tapos ang mga opisyal na pagsusuri o pag-aaral sa Omicron variant ang mga eksperto, hindi natin kailangang takutin mabuti ang ating mga sarili at limitahan muli ang mga maaari nating gawin.
Syempre, magkaiba ang naghahanda sa tinatakot natin ang ating mga sarili.
Sa pagdating ng bagong variant na Omicron na hanggang ngayon ay patuloy pa ring pinag-aaralan ng mga eksperto, magandang mahalaw natin ang ating naging aral sa hindi pagkalat mabuti ng Delta variant.
Kasabay ng patuloy na pag-iingat, patuloy na pagbabakuna at pagkatuto natin sa panahon ng pandemya, nakatitiyak tayo na may laban tayo sa Omicron variant na ito.
Dapat mas higit tayong handa sa ngayon anumang variant ng COVID-19 ang dumating.
Hindi lamang tayong mga Pilipino kundi maging ang buong daigdig.
Alam nating mas higit na alam na ng mga eksperto ngayon ang gagawin sa panahon ng pandemya. Alam nating “mas kaya” na natin ngayon.