ANG smuggling ang nagpapasakit sa ulo ng kahit sinong maupong hepe ng Bureau of Customs (BoC).
Iyan ang problema, isa kasing “profitable” na negosyo ang ismagling.
At dahil nga “kumikita” ang mga ismagler, kayang-kaya nilang “bulagin” sa kinang ng salapi ang mga tiwaling lingkod bayan.
Ang magandang balita, marami pa rin namang matitinong lingkod bayan sa Aduana.
Sa pamumuno ni BoC Chief Rey Guerrero, ang kampanya laban sa ismagling ay tuloy-tuloy.
Ang mga pinaghihinalaang ismagler ay tinutuluyang sampahan ng mga kasong kriminal.
Kagaya na lang sa ginawa ng “Bureau’s Action Team Against Smugglers” (BATAS) noong Abril 16.
Kinasuhan ng BATAS sa Department of Justice (DoJ)ang may-ari ng Bianmintina Store dahil sa iligal importation at pagbebenta ng iba’t ibang sigarilyo.
Ayon sa rekord, nagkakahalaga ng P1.5 milyon ang mga sigarilyo .
Kinasuhan din ng ahensya ang Hightower Incorporated at ang kanyang customs broker dahil sa misdeclaration at pag-import ng “prohibited fish products.”
Ang mga produktong isda, na kinabibilangan ng round scad at mackerel, ay magkakahalaga ng P2.6 milyon.
Marami ang naniniwala na ang pagsasampa ng mga kasong kriminal sa DoJ ay warning ng BoC sa mga ismagler.
Ang kailangan lang ay i-monitor ng BoC ang mga isinasampa nilang kaso.
Dapat may makulong na ismagler.
***
Patuloy ang mga dayalogo na ginagawa ng BoC sa mga port user.
Ginagawa ang mga Webinar sa ibat-ibang collection districts sa buong bansa.
Naglalayong ipaalam sa mga stakeholder ang mga programa, polisiya at patakaran ng ahensya.
Noong Abril 15, 2021, ay ginanap ng BoC sa taong ito ng unang “online stakeholders dialogue” sa Port of Davao.
Ang online dialogue ay dinaluhan ng mga pangunahing importer-exporter at customs broker ng Port of Davao.
Ayon kay District Collector Erastus Sandino Austria, ang mga ganitong dialogo ay magandang “opportunity to discuss our common goals and viewpoints.”
“Through this, we are able to review our processes, rationalize our reform agenda, and arrive at better solutions,” aniya pa.
Ang mga pinag-usapang topic ay kinabibilangan ng mga proseso sa pag-import ng mga bakuna laban sa Covid-19.
Kailangang mailabas kaagad ang mga kargamentong naglalaman ng mga bakuna.
Hindi puwedeng ma-delay ang paglabas ng mga bakuna dahil kailangang madala kaagad sa storage facility ang mga mga ito.
Alam naman natin kung gaano kaselan ang mga bakunang gamit kontra Covid 19. Kailangan ang ibayong ingat upang hindi maaksaya.
***
Mabuti naman at pati si Pangulong Ridy Duterte ay pabor sa mga nagsulputang ‘community pantry.’
Sa totoo lang, malaking tulong sa gobyerno ang mga pantry na ito.
Hindi maikakaila na marami talagang nahihirapan ngayon.
Mabuti nga at may mga taong nagmamagandang loob.
Sa nakikita natin ay walang ibang layunin ang mga taong nasa likod ng mga community pantry kundi makatulong sa kapwa.
Basta walang ginagawang iligal, pabayaan nating tumulong ang mga kababayan natin sa mga nangangailangan.
Salamat sa mga kakabayan nating nagmamagamdang loob na tumulong. Muling ipinapakita ng mga Pilipino ang kanilang malasakit sa kapwa sa panahon na tulad nito.
Mabuhay kayo!
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email: vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)