Banner Before Header

Decriminalize Libel

0 684
TOTOO at dapat na aminin, may mga journalist o nagkukunwaring mamamahayag ang abusado, iresponsable at sadyang dapat na kasuhan ng libelo.
Sila ay mga propagandista na ginagamit ang kalayaan sa pamamahayag sa paninira ng reputasyon, dangal at pagkatao ng kanilang target na pasamain sa publiko — ang dahilan ay maaaring sila ay bayarang ‘character assassins’ o sa dahilang politikal.

Pero mas marami sa amin ay matapat sa tungkukin bilang bahagi ng ‘4th Estate’ o pundasyon ng mamamayan laban sa katiwalian, malupit at mapanupil na pamamahala ng mga buktot sa pamahalaan at ng organisadong mga kriminal.

Sa layuning mapigil ang mga tiwali sa panulat at pamamahayag, nagiging biktima ng krimeng libelo ang matatapat na tagabandila ng katotohanan at ang mga tagapagtaguyod ng karapatan ng taumbayan na maihayag ang kanilang saloobin, hinaing at aksiyon laban sa mga tiwali sa lipunan.

Ginagamit kasi ng mga kriminal at korap ang krimeng libelo upang sikilin, takutin at busalan ang matatapat na journalist sa pagsisiwalat ng kabulukan at kriminal na gawain.

Isang ‘drug lord’ ang buong tapang na nagsampa ng kasong libelo laban sa isang editor at reporter nito dahil sa sinigurado ng abogado nito na isang retiradong huwes na maipakukulong at pagmumultahin pa ng daan-daang libong piso.

Sa malaking takot, natigil ang expose laban sa drug lord.
Isa ito sa dahilan kaya sinuportahan natin noon si dating Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na burahin na sa kodigo penal ang pananagutang kriminal sa libelo.

Ani Jinggoy, sapat at tamang parusa sa libelo ay ang pagbabayad ng multa, hindi ang pagkabilanggo.

Ang magbayad ng malaking halaga ay malaking banta at dahilan upang ang isang mamamahayag ay mapigil o matakot na magsulat at magpahayag ng kasiraan laban sa isang tao.

Panahon na ngayon na baguhin ang batas na libelo, at alisin ang parusa at pananagutang kriminal.

Kung maaari nga, alisin na ang krimeng libelo.

***

Lumalakas ang panawagan na i-decriminalize na ang libelo at ngayon, 10 bansa, kabilang ang France, Croatia at Ivory Coast ay inalis na ang pagkabilanggo at multa na lamang ang parusa sa libelo.

Sa United States, 33 estado ang wala nang batas na libelo at 17 na lamang ang mayroon nito.

May mungkahi noong 2008 si retired Supreme Court Associate Justice Vicente Mendoza na magpasa ng isang batas na magbibigay ng proteksiyon sa kalayaan sa pamamahayag at sa karapatan ng isang tao na pangalagaan ang ang dangal.
Nais niya na magkaroon ng batas na ‘political libel’ para sa mga taong gobyerno. Sa batas na ito, pananagutan ng nagdedemanda na patunayan na totoo ang bintang na malisya at libelo sa akusado.

Kung ang nagdedemanda ay pribadong tao, nasa akusado naman ang tungkuling patunayan na wala siyang intensiyon at interes na wasakin ang reputasyon at dangal ng nagsasakdal.

Ang totoo, salungat ang krimeng libelo sa ‘freedom of expression and of the press’ na ginagarantiyahan ng ating Konstitusyon at maging sa UN Declaration of Human Rights na isa ang bansa natin na buong pagmamalaking nagtaguyod nito.

Bunga ng garantiyang ito ng ating Saligang Batas ng kasunduan sa UN Declaration, nagagawa ng nasa pamamahayag na malayang magsiwalat ng mga ulat at maghayag ng pagtutol at magsabi ng mga gawaing labag sa interes at kagalingan ng publikong bayan.

Panahon na upang igalang ng ating Kongreso at sundin ang resolusyong pinagtibay sa ika-103 sesyon ng United Nations Human Rights Committee na sinasabi: na salungat sa Article 19, paragraph 3 ng International Covenant on Civil and Political Rights ang Revised Penal Code ng Pilipinas na nagbibigay ng parusang kriminal sa libelo.

Tunay na ginagamit ang batas sa libelo ng mga nasa kapangyarihan upang busalan ang bibig ng mga tunay na mamamahayag.

Kinasuhan at naparusahan pero inabsuwelto ng Supreme Court ang yumaong si Ka Louie Beltran nang kasuhan ng libelo ni yumaong Presidente Cory Aquino.
Ginamit na armas ni Mike Arroyo ang krimeng libelo laban sa 43 journalist na kritikal sa administrasyon noon ng maybahay niyang si Pres. Gloria M. Arroyo.

Iniurong na lang ni Mike Arroyo ang demanda niya nang gumaling mula sa isang delikadong operasyon na muntik na niyang ikamatay.

Ilang ulit na nademanda ang maraming editor, reporter at kolumnista na sinampahan ng maraming kasong libelo — sa intensiyong takutin, sikilin ang kalayaan sa pamamahayag.

Panahon na muli nating buhayin at igiit sa Kongreso na gawin na, agad-agad na alisin ang parusang kriminal sa libelo.

***

Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.

Leave A Reply