Banner Before Header

Dito tayo sa hindi peke; dito na tayo sa totoong may malasakit sa tao!

0 406
AT LEAST, hindi nawawala, nandyan lang, kungdi man numero uno, malapit sa second o third spot si Yorme Isko sa mga presidential survey.

Hindi na masama, magandang puwesto na ito, sabi nga ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, para sa isang tulad niyang “pipitsugin” na kandidato.

Sabi nga ni Yorme, “Thank you in advance. Basta, ako, dere-deretso lang, focus lang kami na umikot nang umikot sa tao, alamin ang gusto nila, makatulong sa problema nila at mapagaan ang dalahin nila.”

Pakiramdam nga ni Yorme Isko, maganda na ang nakuhang second o third place sa mga survey na nangunguna ang iba pang presidential aspirants.

Lagi naman kasing ganun siya sa umpisa ng labanan: laging dehado, laging parang talunan, pero sa huli, nangingibabaw, at sa huli, panalo.

Ganyan ang rekord niya sa Maynila: Walang milyong pera na panggastos, pero sa suporta ng tao, nanalo siya sa dalawang higanteng politiko sa nakaraang eleksiyon sa Maynila noong 2019.

Ganyan din ang pakiramdam namin – na mangyayari sa Mayo 2022.

***

Depende sa sasagot, mapaniniwalaan ba ang survey?

Kasi, kung mapapansin, sa lahat ng pollster na nangunguna si BBM (Bongbong Marcos), 13 percent ang naitalang undecided o wala pang napipisil na iboto.

Ayon sa mga political analyst, itong 13 percent ay katumbas ng 45 percent ng rehistrado at kuwalipikadong botante, at ito ang magdedesisyon kung sino ang mananalo.

Marami rin sa sektor na angat sa buhay, mga edukado at propesyonal na kabilang sa ABC sectors ay undecided pa rin, o wala pang napupusuang iboto.

Dito umaasa si Yorme Isko na bukal ng mga botong magbibigay sa kanya ng panalo, lalo na at sa mga kandidato, siya ang may pinakamagandang rekord at akomplisment.

Si BBM ay ang daming dalang bagahe o pabigat sa kanyang kandidatura, at ito ang akusasyong tagapagmana ng sinasabing nakaw na yaman na kinamal daw ng amang diktador.

Weak leader ito, sabi ni Presidente Rodrigo Duterte, bukod pa sa bintang na sumisinghot daw ito ng cocaine – na wala pa namang patunay kung totoo.

Pero nakapagdududa ito, lalo na at noong maging gobernador ng Ilocos Norte, walang maipakitang progreso sa lalawigan at ano ba ang maipagmamalaking rekord ni BBM bilang senador?

Kuwestiyonable ang ipinagmamalaking diploma sa Harvard o natapos na kurso sa unibersidad.

Manipulado ang resulta ng survey, paratang ng mga kritiko ni Marcos at ang pananahimik sa mga akusasyon laban sa kanya ay ano ang maipakakahulugan?

‘Guilty’ si BBM kung abogado ang tatanungin.

Dagdag na pabigat sa kanya ay ang walong petisyon sa pagkansela ng CoC at disqualification sa kanyang kandidatura.

May batayan man o wala ang petisyon, sinong matinong botante ang boboto sa isang walang kredibilidad at kaduda-dudang kuwalipikasyon ni Marcos Jr.?

***

Mistulang comedian na ang dating ni VP Leni na katawa-tawa lagi ang mga sinasabi sa media at interbyu.

Lutang daw lagi – na parang nakasinghot daw ng kung anong substance dahil hindi maintindihan, magulo at paulit-ulit ang pinagsasabi.

Mapurol ang utak sa matematika, maging sa history, nagdududa tuloy ang marami kung paano siya naging abogada at ekonomista.

Tuwing nasa “baba” o laylayan ng bayan, ano ang dala, kamera, media at tulong na ano pa nga ba kungdi pakitang tao.

Sa Odette, kamera at media at photo ops ang inasikaso at nagkagulo pa sa mga relief at rescue operations, at kinailangan pang mag-fundraising ng ilang araw bago nagpadala ng tulong sa mga pinerwisyo ng bagyo.

At hanggang ngayon, nakadikit sa balat ni Nanay Leni ang markang dinaya niya – sa tulong ng Smartmatic – si BBM.

Peke, huwad at mandaraya ang isyu sa Nanay raw ng bayan.

At ang pagpapalit ng kulay e, yellow na yellow pa rin ang galaw nito kahit na naging kulay pink ang ipinakakaing lugaw.

Pekeng VP na pati lugaw, mapusyaw, halatang di tunay na bigay sa wagas na kalooban sa pagtulong sa nangangailangan.

***

Sa nakaraang eleksiyon noong 1992 maliban ang 1998 election na nanguna si Boss Erap Estrada, lahat ng idineklarang “sure winner” ng political surveys ay nangamote sa mismong araw ng eleksiyon.

1992, dominante si Sen. Miriam Santiago pero tinalo ni Fidel Ramos; 2004, walang maniniwala na matatalo pa si Da King Fernando Poe Jr. pero nasulot ng ‘Hello Garci’ ni Aling Gloria.

Sino ang mag-aakala nga noon na matatalo pa si Sen. Manny Villar na idineklarang sure winner na ng mga surveys pero pinatumba ng Cory magic na nagpanalo kay Noynoy.

***

Ok, top choice ngayon si BBM, pero paano kung madiskuwalipika siya, kanino papanig ang mga supporter niya?

Malabo si Nanay ng Bayan na laging lutang na lutang.

Eh, wala na sa karera sina Sen. Ping Lacson at si Sen. Manny Pacquiao na kahit ano pang gawin, walang rehistro sa isip ng mga botante.

Sa opinyon ko, si Yorme Isko na lamang ang mas credible na kandidato kasi, malinaw na malinaw ang kanyang programa de gobyerno.

At may patunay na ito sa ginawa at ginagawa niya sa Maynila.

Sikat ang Maynila sa buong bansa at ito ang ginagawang modelo ng ibang siyudad sa mabilis na progreso at mahusay at lantad sa bayan na transparent governance.

Sa Bilis-Kilos na pagdamay sa mga binagyo ni Odette, kaisa ang mamamayang Manilenyo at ng City Council, nagpondo si Yorme ng P2.5M na ayuda, ito ay bukod pa sa personal na tulong ng alkalde, donasyong gamit at pera ng mga negosyante at personal na pagtulong ng mga tauhan ng City Hall sa rescue at clearing operations ng mga sinalantang kababayan sa Visayas at Mindanao.

Sino ang makatutulad sa COVID-19 Field Hospital na ipinatayo ni Isko sa harap ng Quirino grandstand sa loob lamang ng mahigit na 50 araw?

Moderno sa gamit at pasilidad na mga ospital at public schools; ayuda sa seniors, PWDs, estudyante, paglilinis sa mga bangketa, modernong Manila Zoo, de kalidad na serbisyo, dagsang investment at magagandang parke, pasilidad at interconnectivity sa serbisyong bayan.

Tatag ng loob laban sa pagtatanggol sa soberenya ng Pilipinas laban sa dayuhang nais na kumamkam sa ating teritoryo sa WPS;

Programa para sa tiyak na food security at ang mabilisang kilos laban sa gutom, sakit at kawalan ng trabaho gawa ng pandemyang COVID-19.

Di man top choice sa survey, buo ang tiwala ko, sa tunay na survey o sa Mayo 9, 2022, si Yorme Isko ang magwawagi.

Sa tunay tayo, hindi sa peke, hindi sa lutang at huwad.

Sa totoo tayo na may tunay na malasakit.

Ikaw NaISKO sa 2022!

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply