Banner Before Header

Epektibo ang programa ng PNP laban sa kriminidad

0 159
HINDI na tayo nagtataka kung bakit mainit ngayon ang mga balita tungkol sa “agricultural smuggling” sa Pilipinas.

Sa diyaryo, telebisyon, radyo at pati na sa social media ay lutang na lutang ang mga nakukumpiskang puslit na produktong agrikultura, kagaya ng mga gulay, sa ibat-ibang parte ng ating bansa.

Galit kasi si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at ang kanyang administrasyon sa “agricultural smuggling” na lalong nagpapahirap sa mga magsasaka at mangingisda.

Paanong hindi magagalit ang administrasyong Marcos, alam niyang nahihirapan na ang mga magsasaka dulot ng pagbaha ng mga puslit na produktong agrikultura sa lokal na merkado.

Hindi mabibili ang mga produkto ng mga magsasaka natin kasi murang-mura ang benta sa mga puslit na produkto.

Malulugi talaga ang mga magsasaka dahil mas mahal ang production cost sa bansa, lalo na ang gastos sa fertilizer, pesticide at iba pang gamit sa pagsasaka.

Samantalang ang mga puslit na produkto ay kayang ibenta ng mura dahil nga  wala namang binabayarang buwis ang mga ismagler.

Kaya nga tuwang-tuwa ang mga magsasaka sa balitang apat na individuals na sangkot sa agricultural smuggling ang nasentensiyahang makulong mula tatlo hanggang apat na taon.

Ayon sa report, ang presiding judge ng 3rd Municipal Trial Court (MTC) ng Orion-Pilar, Bataan ang naggawad ng sentensiya sa apat.

Ang apat, na hindi pinangalanan sa report, ay napatunayang “guilty beyond reasonable doubt” sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Ayon sa record, ang apat na akusado ay nahuling nagkakarga ng mga puslit na bigas at sigarilyo sa Orion Dockyard sa Orion, Bataan noong Pebrero 24, 2021.

Ang mga kontrabando ay lulan ng barkong LCT Yellow River.

Sana magsilbing babala na ito sa mga ismagler.

***

Naniniwala tayo na epektibo ang programa ng gobyerno laban sa kriminalidad.

Ayon kay PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., tuloy-tuloy ang kanilang programa kahit na may ilang puna dito.

Sa ilalim ng programa ng PNP, lalo nilang pinaiigting ang ugnayan ng pulisya at ng local government units (LGUs), kasama na ang mga opisyal ng mga barangay.

Ayon pa kay Azurin, ang gusto ng gobyerno ay maibalik ang pananaw ng publiko na ang mga pulis ay kakampi at hindi kaaway ng taumbayan.

Sinabi pa ni General Azurin na malinaw ang utos ni Pangulong Marcos na mahigpit na ipatupad ang mga batas at hindi nalalabag ang mga karapatang-pantao.

Gagamit lang ng puwersa kung talagang kailangan.

Tama naman ang utos ni Pangulong Marcos dahil maliwanag naman na ang mandato ng PNP, na civilian in nature pero national in scope, ay protektahan at pagsilbihan ang taumbayan.

Sa ilalim ng administrasyon ni Heneral Azurin ay nasa tamang landas ang PNP para mapalapit muli ang mga men and women in uniform sa mamamayan, lalo na sa mga mahihirap.

Kaya kailangang mawala sa pambansang pulisya ang mga iilang bugok na sumisira sa imahe ni Mamang Pulis.

Hindi ba, Pangulong Marcos at Vice President Sara Z. Duterte?

***

Panahon na para lumikha tayo ng sapat na local jobs upang hindi na tayo umasa sa ibang bansa para magkaroon ng trabaho ang ating mga manggagawa.

Malaki ang naitutulong ng manpower export industry, pero hindi tayo dapat umasa na lang habang panahon sa industriyang ito.

Mas mabuting dito na lang sa Pilipinas gamitin ang mga magagaling nating kababayan ang kanilang talento para lalong mapabilis ang pag-unlad ng bansa.

Ang nangyayari ay pinapag-aral natin ang ating mga anak para lang tumulong sa pag-unlad ng ibang bansa.

Masakit ang nangyayari, pero wala tayong magawa dahil kailangan namang mabuhay ng matiwasay ng ating mga manggagawa.

Sana umaksiyon na tayo para matigil na ang pagtungo sa ibang bansa ng ating mga mangagawa.

Bigyan lang natin ng kaunti pang panahon si Pangulong Marcos.

Sigurado tayong kaya niyang tugunan ang problemang ito.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email:tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang huong pangalan at tirahan.)

Leave A Reply