MABILIS na kumalat sa buong daigdig ang COVID-19 at nag-iibang anyo pa.
Ang nakakatakot, mas mababagsik ang mga nagsusulputang bagong variant.
Ngayon nga pati mga musmos ay tinatamaan ng COVID-19.
Ang balitang ito ay lumabas pagkatapos na payagan ng gobyerno na puwede ng lumabas ang mga batang limang gulang pataas.
Paano pa magkakaroon ng face-to-face classes eh mga bata na ang nagkakasakit ng COVID-19?
Mukhang matagal pang maibabalik sa normal ang sitwasyon sa sektor ng edukasyon.
Hangga’t hindi nararating ng bansa ang tinatawag na “Herd Immunity” ay malabo ang face to face classes.
Hindi puwedeng ipagsapalaran ang kalusugan ng mga mag-aaral.
Kaunting tiis pa.
Hindi ba, Pangulong Rody Duterte at Education Sec. Leonor Briones?
***
Ramdam na ang eleksyon!
Nagsimula na ang batuhan ng putik dahil sa pulitika.
Okay lang ito dahil isang democratic country ang Pilipinas.
Sana lang ay hindi maapektuhan ang serbisyo.
Lalona’t nandiyan pa rin ang COVID-19 pandemic.
Okay lang ang mga maaanghang na sagutan basta isyu lang ang pinag-uusapan.
At huwag naman sanang humantong sa sakitan ng katawan.
Eleksyon lang ito.
Ika nga, better luck next time sa mga matatalong kandidato.
Ang mga matatalo ay may mahalagang papel na puwedeng gampanan pagkatapos ng halalan.
Sila ang magiging fiscalizers para masigurong hindi umabuso ang mga nanalo.
Sana lang, huwag makipagkutsabahan ang mga talunan sa mga nanalong kandidato.
***
Dalawang claimants ng party drug na ‘Ecstasy’ ang inaresto ng mga otoridad sa opisina ng Philpost sa Quezon City noong Lunes, Hulyo 12, 2021.
Hindi muna pinangalanan ang mga suspek dahil meron pang isinasagawang follow-up operations ang mga otoridad (kinilala ng PDEA ang mga suspek na sina Maria Isabella Albano, 27, residente ng Quezon City at, Jessica Muñoz, 27, residente ng Bacoor, Cavite—Editor).
Galing Germany, ang mga tableta ay itinago sa isang foot spa machine.
Ang 5,637 pirasong Ecstasy tablets ay nagkakahalaga ng P9 milyon.
Nabuko ang droga nang idaan sa X-Ray machine ang shipment.
Idinaan din sa K-9 sniffing ang shipment.
Nadiskubre nga ang mga droga nang dumaan sa 100 percent physical examination ang kargamento.
Sinabi ni Port of NAIA District Collector Carmelita S. Manahan-Talusan na ang parcel ay idineklarang naglalaman ng laruan, sandals, bags, medyas at pants.
Ang mga nagkasa ng operasyon ay ang BoC, PDEA at IADITG.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email: tingnannatin08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)