Banner Before Header

Filipino Muna (Pilipino Muna)

0 563
BAKIT mas maunlad ang ibang Asianong bansa kaysa Pilipinas, at ano ang masakit na sagot?

Mas tinatangkilik kasi natin ang gawang ‘stateside,’ at aminin natin at hindi, hanggang ngayon, kolonyal pa rin ang isip natin.

Mas gusto natin ang gawa sa ibang bansa, pero ang gawang sariling atin, saka na, kung wala nang mabibiling iba pa.

Noong matapos ang World War II, isinulong ni Presidente Carlos P. Garcia ang ‘Filipino First Policy’ — na binigyang prayoridad ang negosyong Pinoy kaysa dayuhan, lalo na ang mga produktong gawa natin.

Sa bisa ng Resolution No. 202 ng National Economic Council noong Agosto 28, 1958, lumikha ng mga batas, at nagbuhos ng tulong na salapi ang administrasyon ni Garcia para sa lokal na kapitalistang Pinoy.

Kinontra ng mga dayuhang investor at ng mga Chinese-Filipino ang polisiyang ito na sinuportahan ng oposisyon kaya sa eleksiyon ng 1961, tinalo siya at nahalal na pangulo si Diosdado Macapagal.

Sa panahon ni Presidente Ferdinand Marcos, pinatindi niya ang prayoridad ng negosyo at pagtangkilik sa gawa, negosyo at produktong Pilipino at sinimulan niya ang pagtatayo ng imprastraktura na magpapabilis sa pag-unlad ng negosyong Pilipino.

Inadhika rin ang polisiyang Pilipino Muna sa Konstitusyon ng 1987, na inaasahang magbibigay ng insentibo sa mga tatangkilik sa produkto at negosyong Pilipino, bago ang dayuhan.

Kasama sa mga makabayang probisyon ay limitado lamang sa 100 porsiyento Pilipino ang pagmamay-ari at pamamahala sa negosyong may kinalaman sa media.

Nakalulungkot na ang mga korporasyong Pilipino tulad ng Steel Mill, Fil-Oil Corporation, NLEX, SLEX ay ibinenta ng mga sumusunod ng mga nagdaang pangulo matapos na mapatalsik si Marcos — na inisip na una muna ang Pilipino, bago ang dayuhan. Pinakamasahol sa mga pumalit kay Marcos ay si Pang. Fidel Ramos na mas kilala bilang si ‘Boy Benta.’

Sa kasalukuyan, itinataguyod ito ng administrasyon ni Presidente Rodrigo Roa Duterte pero ang malungkot, kahit na nais na itaguyod ang Pilipino Muna, wala na tayong sariling kumpanyang Pilipino na masasabi.

Wala tayong sariling produktong masasabi kaya napag-iwanan na tayo ng mga katabing bansa: halos lahat ng ating tinatangkilik ay gawang dayuhan.

Kung mayroon man, ito ay ang lokal na industriya ng Turismo na mabuting lubos nating tangkilikin at unahing puntahan, bago ang ibang bansa.

Nitong 2018, gumastos ng P3.2-Trilyon ang mahigit 5-milyong dayuhang dumating sa bansa, at kumita ang gobyerno ng P2.2-Trilyon sa mga buwis at iba pang bayarin.

Napigil ang malakas na ambag sa ekonomiya ng lokal na turismo dahil sa krisis ng COVID-19 pandemic, at sana nga, sa pagtutulungan ng lahat ng taong gobyerno at ng mamamayang Pilipino, mas lumago ang turismo at makatulong sa pagbangon ng ating lugmok na kabuhayan.

***

PANG-ILAN na bang commissioner ng Bureau of Customs (BoC) si Rey Leonardo Borja Guerrero?

Hindi na natin mabibilang ang makikisig na ginoong naupo sa BoC at lahat ay nangako na babaguhin ang baluktot na gawain sa Aduana.

Lahat sila ay naglunsad ng maraming anti-smuggling campaign, nagpalabas ng sangkaterbang memorandum at naglagay at nagpalit ng mga tao at tauhang pinagkakatiwalaan para sugpuin ang talamak na ismagling , lagayan, tarahan at iba pang ilegal na koleksiyon na nagpabantog sa bulsa ng mga taong pinagkakatiwalaang gaganap ng tungkuling matapat sa bayan.

Marami sa kanila ay umalis sa Customs na nakangiti ang mga labi na nakatitiyak na sa kanilang nakamal na kayamanan — sa legal o ilegal na paraan man, ang pamilya nila ay mabubuhay nang parang nasa paraiso at hindi makararamdam ng hirap o pasakit man lang pagkat sobra sa sapat ang nasa kanilang libreta de bangko at makapal ang bulsa.

Samantala, sa mga kampanya sa katiwalian, ang mga kasabwat sa pagnanakaw sa bayan, partikukar sa BoC ay nananatiling nariyan, maaaring naligalig sa mga reporma ng mga naipupuwestong bagong commissioner at mga katulong nito, pero sa katagalan, sa paggamit ng impluwensiya ng salapi, ng mga koneksiyon sa Malakanyang, sa Senado at Kongreso, nakababalik sila na mas makamandag kaysa dati.

Ito ang sitwasyong kinaroroonan hanggang ngayon ni Comm. Guerrero, na balitang pinapapalitan na ng mga bata ni President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. Abangan!

***

MARAMI nang nagtanong nito, kaya ba nating magkaroon ng malinis na pamamahala?

Maaari bang matuldukan ang kabulukan at katiwalian sa gobyerno at kahit sa mga trabaho at transaksiyon sa pribado?

Maraming kakampi ang kasamaan, at tanging ang matibay na paninindigan, matibay na pagtitiwala na ang baluktot na landas gaano pa kalalim ang pagkakatago nito, ito ay lulutang upang maituwid sa pagkakaliko.

Tayo ang makasasagot sa tanong na kaya ba nating matuldukan ang mga katiwalian.

Nasa taong bayan ang sagot nito.

(Para sa inyong suhestiyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply