PATULOY ang pagpupursigi ng mga taga-Bureau of Customs dahil nakikita na nila na malapit na nilang maabot ang kanilang tax collection target na P721 bilyon sa taong ito.
Sa katunayan, kailangan na lang nilang makakolekta ng P82.1 bilyon sa nalalabing tatlong buwan ng 2022 para ma-realize ang mataas nilang assigned tax take.
Maliwanag pa sa sikat ng araw na hindi lang maaabot kundi malalampasan pa ng malaki ang 2022 tax collection goal nila para sa kasalukuyang taon.
Noon ngang nakaraang buwan ng September ay umabot ng P79.5 bilyon ang nakolektang buwis nina Commissioner Ruiz, ang dating “DRUG BUSTER” ng Visayas.
Bago pumasok sa BoC ay nanungkulan si Ruiz bilang regional director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Visayas.
Pag-upo ni Ruiz bilang BoC chief, sinimulan niyang sarhan ang mga revenue loophole na kung saan tumatagas ang mga buwis at taripa na dapat mapunta sa kaban ng ahensya.
Inayos pa niya ang trade facilitation processes sa Aduana at nanawagan sa kanyang mga tauhan, lalo na sa mga district collector, na tumulong kay Pangulong Marcos para mapabuti ang kalagayan bansa.
Nagbubunga na nga ang mga ginagawa nina Commissioner Ruiz at Finance Secretary Benjamin Diokno para gumanda ang performance ng mga “men and women in BOC uniform.”
Naniniwala tayo na sa liderato ni Commissioner Ruiz, marami pang magandang pagbabago ang makikita sa BoC.
***
Walang dudang tuloy-tuloy na pinapalakas ng Bureau of Customs (BoC) ang kanilang maritime patrol capability.
Kailangang gawin ito nina Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz dahil ang Pilipinas ay binubuo ng mahigit pitong libong isla na kung saan puwedeng magparating ng kontrabando.
Nandiyan naman ang Philippine Navy (PN), Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police-Maritime Group.
Pero dapat namang magkaroon ng sariling fast boats ang BoC para tugisin ang mga ismagler na gumagamit ng sasakyang dagat para magparating ng kontrabando sa bansa.
Huwag natin kalimutan na may iba pang trabaho ang mga taga-PN, PCG at PNP-Maritime Group.
Kaya nga natutuwa ang taumbayan sa pagpapalakas ng BoC sa kanilang kapabilidad para habulin ang mga isgmagler sa dagat.
Sa kasalukuyan ay mayroon ng dalawampung modernized “Fast Patrol Vessels” (FPVs) ang ahensya na naka-deploy ngayon sa ibat-ibang collection districts sa bansa.
Ang Ports of Batangas, Subic, Limay (Bataan), Cebu, Cagayan de Oro at Davao ay may tig-dadalawang FPVs, samantalang ang Port of Iloilo ay may isang FPV.
Ang Port of Manila at Port of Zamboanga naman ay may tatlo at apat na patrol boats, ayon sa pagkakasunod.
Ang pagpapalakas sa BoC maritime patrol ay malaking tulong sa kampanya ng gobyerno laban sa mga ismagler, lalo na ang mga nagpupuslit ng iligal na droga at produktong agrikultura.
***
Marami ang naniniwala na nasa tamang landas si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa implementasyon ng kanyang “friend to all, enemy to none” policy.
Bilang isang developing country, hindi natin kayang magkaroon ng mga kaaway sa international community.
Kailangan natin ang tulong ng iba’t ibang bansa, lalo na ang mga kasama natin sa regional grouping na “Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).”
Naniniwala rin tayo na dapat daanin sa “peaceful negotiations” ang mga gusot at problema na kinakaharap natin, kasama na ang masalimuot na isyu sa West Philippine Sea.
Ayon nga kay Pangulong Marcos, huwag naman natin pabayaan na agawin ng ibang bansa ang ating mga teritoryo, lalo na ang mga fishing ground ng ating mga kababayan.
Kailangan lang na daanin natin sa mapayapang negosasyon at dayalogo ang pagresolba sa mga problemang ito sa tulong ng United Nations at iba pang international organizations.
Kailangan natin ay pagkakaisa para makamtan ang mga minimithi natin nang walang dumadaloy na dugo.
Tama ba kami, Pangulong Bongbong Marcos Jr.?
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0197-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)