UMANI ng batikos ang ginawang implementasyon ng ilang yunit ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa utos ni PNP Chief Rodolfo Azurin at PBBM na tiyakin ang kaligtasan ng mga kasapi ng midya, matapos gawing isyu laban sa gobyerno ng mga operatiba ng CPP-NPA at mga kakampi nila sa oposisyon ang pagkapaslang noong Oktubre 3, sa Las Piñas City, kay Percy Lapid, isang radio blocktimer.
Hindi rin kasi natin malaman kung sinong ‘bright boy’ or ‘girl,’ ‘dyan sa NCRPO ang nakaisip na personal na puntahan sa kani-kanilang bahay ang mga kasapi ng midya upang personal na alamin kung may mga natatanggap silang mga ‘death threats.’
Bakit sablay ang sistemang ito ni NCRPO director, P/BGen. Jonnel Estomo, kapatid na Lea Botones?
Eh, mantakin mo ba naman, bukod sa hindi nakauniporme ang mga kumag, agh, ang mga pulis, hindi man lang din dumaan sa mga opisyal ng barangay para sa ‘proper coordination.’
Personal sa atin, “okay” lang naman na “pasyalan” ka ng pulis sa sarili mong bahay pero ‘yung hindi nakauniporme at hindi kasama si tserman?
Ano ang iisipin ng iyong mga kapitbahay, kasambahay at siyempre, ikaw mismo? “Nakakapraning,” hindi ba? Aber, naka-sibilyan, may sukbit na baril at hinahanap ka, anong iisipin mo, dear readers?
Matapos paslangin si Lapid, natuwa pa nga tayo na mismong si MPD director P/BGen. Andre Perez Dizon, ang nagpunta sa National Press Club (NPC) upang tiyakin sa atin na “nakaalalay” ang MPD sa mga kasapi ng midya.
Sa pagkaalam pa natin, ganito rin ang sistemang isinagawa ng ibang police stations—kinakausap ang mga lokal na ‘press corps’ at tinitiyak sa kanila na handang magresponde ang PNP sa ano mang pagbabanta at pananakot sa kanilang hanay.
Sa totoo lang, maganda ang intensyon ni Chief PNP at PBBM pero kung may mga “tolongges” mag-isip katulad ng ilan dyan sa NCRPO, eh, palpak at sasablay talaga sa implementasyon, hayyz!
At teka pala, DILG secretary Benhur Abalas. Alam mo ba na bago ang eleksyon, upang tiyakin na walang mapapatay o mapagbabantaan na kasapi ng midya, iniatas ng iyong pinalitan, si DILG secretary Ed Año nag awing mga ‘media safety vanguards’ (MSVs) ang LAHAT ng mga police PIOs at spokesman sa buong bansa. Ito ay isa sa panukala ng mga lehitimong media organizations katulad ng NPC, PAPI at KBP na sinuportahan naman ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS).
Napatunayang epektibo ang MSVs dahil sa nakaraang halalan walang napaulat na kasapi ng media na napatay, nasaktan o pinagbantaan.
Hindi ba naging mas mainam kung “pinakilos” na lang din ng DILG/PNP ang mga MSVs para sa mas maayos na implementasyon ng utos ni Gen Azurin at PBBM?
Ang nangyari tuloy, nakahanap na naman ng basehan sa kanilang ‘anti-government propaganda’ ang mga kalaban ng gobyerno.
At dahil lang yan sa “sablay” ng NCRPO, susme!