“INABOT” pa ng dalawang araw, o nung Miyerkules, Hulyo 1, 2020, bago “umatras” at “binago” ni PNP spokesman, P/BGen. Bernard Banac, ang unang opisyal na posisyon ng PNP na “misencounter” ang ginawang pamamaslang ng mga elemento ng Jolo, Sulu PNP, sa apat na miyembro ng ‘Intelligence Service Group’ (ISG) ng Phil. Army noong Lunes, Hunyo 29, 2020.
At ang ginawang “pagbawi,” sabihin pa, ay dahil na rin sa mga batikos ng publiko at “pag-alma” ng liderato ng Phil. Army, sa pangunguna ni CGPA Gilbert Gapay, na nagsabing walang “misencounter” bagkus, “rubout” ang buong pangyayari.
Kaya nga ngayon, ang ‘revised official statement’ ng PNP, ‘shooting incident’ ang nangyari—isang deskripsyon na sa ganang atin ay “bitin” pa rin o “may kalabuan” pa rin, sa totoo lang, hehehe!
Dangan kasi, kung ‘shooting incident,’ sa ordinaryong miron, ang impresyon ay may hawak pa rin na baril ang mga biktima, hindi ba, dear readers?
Subalit, kung pagbabatayan ang mga ‘videos’ at litrato ng insidente na mabilis na kumalat sa ‘social media,’ aba’y walang armas ang mga sundalo at pinaslang sila ng walang kalaban-laban, tsk,tsk,tsk!
Sa kanyang ‘social media post’ noong Miyerkules, napansin natin na ‘high blood’ din itong ating kaibigan na si ex-AFP chief, Ricardo ‘Bong’ Visaya!
Aniya pa, kung “hindi” kaya ni PNP chief, P/Gen. Archie Gamboa, na magpatupad ng disiplina sa PNP, eh, dapat na siyang lumayas, ehek, umalis sa puwesto, aguy,aguy,aguy!
Idinagdag pa ni Gen. Bong (na una nating nakilala noong siya pa ang deputy brigade commander ng 202ND Brigade sa Laguna) dapat nang tigilan ng Kampo Crame ang “pagtatakip” sa kanilang mga abusadong tauhan, gets mo ba, Gen. Archie, sir?
At “ito” mga kabayan, ang nagpapatuloy na “problema” ng PNP, hindi ba?
‘Yun bang… ambilis—at palagi nilang ginagawa—na pagtakpan ang mga pang-aabuso ng mga “ogags” na pulis!
At sa muli nating nasaksihan, kailangan pang “umalma” ang publiko at ang mga lider ng AFP, bago “kumambyo” sa kanilang posisyon ang PNP.
Ang “nakakainis” pa, pansin ng mga miron, aba’y hanggang ngayon, hindi man lang ‘nag-sorry’ sa ginawang pagtatahi ng kasinungalingan ng PNP itong si Gen. Banac, ahahay!
Eh, sana nga, maging ‘wake-up call’ na sa PNP at sa lahat ng ating mga ‘law enforcers’ ang madugo at masaklap na insidenteng ito sa Jolo.
“Panahon” na kasi ngayon ng ‘social media,’ mga ‘smart phones’ at mga ‘CCTV,’ kaya napakahirap na talagang magtahi ng kasinungalingan at pagtakpan ang katotohanan.
At sa ganang atin, malaki ang tama ni Gen. Bong, dear readers.
Na hangga’t hindi tumitigil sa pagtatakip ng mga kabulastugan ang PNP, hindi matitigil ang pang-aabuso ng mga pulis. Tumpak, hindi ba, kasamang Non Alquitran.
At kung hindi mo pa rin alam, Pang. Rody, karamihan sa mga Pinoy ay “aprub” sa “ATL” (anti-terrorism law) na pinirmahan mo noong Biyernes, Hulyo 3, 2020.
Hindi ATL, o ang RA 11479, per se, ang ayaw ng mga Pinoy.
Ang kanilang “pangamba,” PNP ang magpapatupad nito eh, “paktay” (daw) tayo d’yan, ahahay!
Abangan! ###