MAINIT na pinag-uusapan ngayon sa Aduana kung sino ang papalit kay Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero pag-upo ng bagong Pangulo ng Pilipinas.
Siguradong isa ang Bureau of Customs (BOC) sa mga pag-aagawang opisina ng gobyerno dahil ang akala ng marami ay isang “gold mine” ang Aduana.
“Gold mine” nga marahil sa isang tiwaling lingkod-bayan pero hindi sa mga matinong opisyal.
Sakit kasi ng ulo ang aabutin ng mamumuno dito kung mahina-hina ang loob ng uupong customs commissioner.
Baka wala pang isang taon sa puwesto ay mag-alsa-balutan na ito.
Isa pa, kaliwat-kanang isyu ang ipupukol laban sa kanya, mula sa mga taong naglalaway sa pinakamataas na puwesto ng gobyerno sa tinatawag na “snake-infested waterfront.”
Ang maganda kay Sir Jagger, naging matatag ito kaya nagtagal siya sa kanyang mainit na upuan sa pantalan.
Dahil sanay sa labanan, alam ni Guerrero kung paano “talunin” ang mga naninira sa kanya.
Ang pinaka-matindi niyang depensa ay ang maganda niyang performance bilang hepe ng BOC.
Kitang-kita naman ito ni Pangulong Duterte kaya walang nagawa ang mga taong gustong maalis sa puwesto ang dating AFP chief.
“Nganga” ang inabot nila dahil wala namang dahilan para sibakin si Sir Jagger sa puwesto.
***
Talaga namang nakalulungkot ang nangyayari sa mga magkakamag-anak, magkakaibigan at magkakapitbahay tuwing may eleksyon sa bansa.
Pulitika ang dahilan kung bakit nagkakagalit-galit sila.
Mayroon namang ibang hindi na nag-uusap at wari mong may nakakahawang sakit ang mga kalaban sa pulitika.
Natatangay sila ng kanilang mga emosyon dahil sa mga nakikita at naririnig sa social media na kagagawan naman ng mga taong nakikinabang sa mga maperang pulitiko.
Pakinggan niyo na lang ang mga pinagsasabi nila pero huwag basta maniwala sa mga “kasinungalingang” ipinagkakalat nila upang “siraan” o “purihin” ang mga amo nila.
Huwag awayin at murahin ang mga sumusuporta sa mga kalaban ng inyong mga minamanok na kandidato.
Ang isipin ninyo, pagkatapos ng eleksyon sa Mayo 9, 2022, ay baka mabalitaan niyo na lang na magkaibigan na muli ang mga dating magkaka-away na kandidato.
Samantalang kayo, galit na galit pa rin sa mga kamag-anak, kapitbahay o kaibigan ninyo. Hindi tama ‘yan kasi kapag may masamang nangyari sa inyo, sila rin ang unang tutulong sa inyo at hindi ang mga suportado ninyong pulitiko.
Kaya relaks lang tayo kung ang pinag-uusapan ay ang magulong mundo ng pulitika.
Dahil sa larangan ng maruming pulitika ay walang permanenteng kaibigan. Ang permanente lang ay personal na interes, ayon sa mga eksperto.
***
Iba na ang panahon ngayon hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.
Akalin niyo ba namang nagkaroon tayo ng dalawang bagyo – ang “Agaton” at “Basyang” – sa kasagsagan ng tag-araw.
Ang masakit, ang “Agaton,” ang unang bagyong pumasok sa tinatawag na Philippine Area of Responsibility o PAR” sa taong ito na pumatay ng marami at sumira ng bilyon-bilyong pisong halaga ng mga ari-arian.
Ilan pa kayang mapanirang sama ng panahon ang darating sa atin? Tag-araw pa lang ngayon at wala pa tayo sa “rainy season” na maaaring magsimula sa Hunyo o Hulyo.
Huwag na natin sisihin ang “climate change” o “global warming.” Ang mahalaga ay paghandaan natin ang pagdating ng mga mas mapanirang “natural disasters.”
Alisin na natin ang mga bahay at ibang structure sa mga lugar na inaasahan nating tatamaan ng mga malalakas na bagyo.
Ang mga daluyan ng tubig, na kagaya ng ilog, sapa at estero, ay i-dredge at alisin ang mga basurang itinapon ng mga walang disiplinang mga residente at passersby.
Kung hindi natin gagawin ito ay siguradong babahain ang mga nakapaligid na komunidad dahil madaling umapaw ang mga baradong daluyan ng tubig.
Sa dumi ng raragasang tubig mula sa mga ilog, sapa at estero ay tiyak na sakit, na kagaya ng nakamamatay na leptospirosis, ang aabutin ng mga taong lulusong sa baha.
Aksyon na bago pa dumating ang tag-ulan!
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).