Banner Before Header

Ibalik muna ang tiwala bago ang pag-amyenda sa batas

0 251
SA planong pag-amyenda sa 1987 Constitution, tinatarget ay ang Sections 16, 17, 18, 19, 20 ng Articles VI, VII, VIII na nagbibigay ng sobrang kapangyarihan sa Presidente tulad ng  pagsibak sa tungkulin sa sinomang opisyal at kawani ng mga departamento, kawanihan, korporasyon at iba pang sangay sa ilalim ng Executive Branch, kahit walang makatwirang dahilan.

Nasa kamay rin ng Pangulo ang kapangyarihang magdeklara ng martial law, suspendihin ang  writ of habeas corpus at palayain at bigyan ng presidential pardon ang isang kondenadong kriminal.

Sa 1987 Constitution, kahit na may Local Government Code, mahigpit pa rin ang hawak ng Malakanyang sa mga lokal na pamahalaan.

‘Restrictive naman daw ang Article XII (National Economy and Patrimony) na nililimitahan ang pag-aari ng mga dayuhan sa 40 porsiyento sa ano mang negosyo na maaaring ipasok na ‘foreign direct investment.’ kaya lugmok pa rin sa hirap ang ekonomiya ng bansa.

Dahil (daw) dito, walang gana at atubili ang malalaking mga higanteng foreign investments na ibuhos ang kanilang kapital sa negosyo.

Gawin na raw 100 porsiyento ang karapatang magmay-ari ng lupa at negosyo ang mga dayuhan at kung luluwagan ito, darami ang industriya.

Inihalimbawa ng ilang mambabatas ang kaluwagang ibinibigay ng Vietnam at ng Singapore sa mga dayuhang investor kaya ang dalawang bansang ito ay naging mabilis ang paglago ng ekonomiya at industriya.

May nagpapanukala na payagan ang mga dayuhan na magmay-ari ng kompanya sa media – na sa batas natin, reserbado lamang ito sa mamamayang Filipino.

Sa mga negosyo, 40 porsiyento lamang ang puwedeng isapi sa kapital ng isang dayuhan, at ito ay nais na luwagan upang dumami ang investor sa bansa.

***

Pero sa kabila ng restrictions, nagagawa ng mga dayuhan, kasabwat ang magagaling na politiko at eksperto sa batas, na mapalusutan ang mahigpit na batas at marami sa mga dayuhan ay 100 porsiyento sa pag-aari ng mga negosyo sa paggamit ng mga ‘dummy’ at patong-patong na paglikha ng korporasyon na gamit ang mga Filipinong kasosyo.

Maaari ngang may dapat nang amyendahan sa ating Saligang Batas, pero may malaking takot ang mga mamamayan sa ating mga politiko at mambabatas.

Sa pagkalikot sa batas, mabubuksan na ang pagkakataon na maraming batas ang baguhin tulad ng term limit ng mga politiko at halal ng bayan.

Paano kung sa pagkalikot sa ating Saligang Batas ay itakdang palawigin si Presidente Rodrigo Roa Duterte nang lampas sa 2022.

Na tiniyak ng Pangulo na wala siyang balak na magtagal sa Malakanyang, pero mapagkakatiwalaan ba natin ang mga mambabatas na hindi nila ito gagawin at tuluyan nang alisin ang term limit sa pagtakbo sa halalan ng lahat ng opisyal ng gobyerno?

Baka sa pagpaluluwag sa ‘restrictions’ ay tuluyan nang maisuko ang soberanya ng bansa kapalit ang kamal-kamal na salapi ng mga dayuhan at ng mapagsamantalang oligarko.

***

Kinatatakutan din na baka galawin ang iba pang artikulo at probisyon sa Saligang Batas na dito, malaki ang takot ng mga mamamayan.

Walang tiwala ang mga mamamayan sa Kongreso at Senado – na binuo ang sarili bilang constitutional assembly.

Sa mahigit na 30 taon, bakit ngayon lamang naisip ng mga mambabatas na amyendahan ang Konstituyon?

Maasahan ba sila na gumawa ng batas na tatapyas sa kanilang kapangyarihang politikal na ginagamit nila sa walang takot na pagsimot sa kaban ng bayan?

Gagawa pa ang mga politiko at mambabatas ng amyenda na dudurog sa dinastiya at poder na hawak ng kanilang angkan?

Kasalukuyan, hindi na magkasundo ang Senado sa proseso at pagboto sa mga aamyendahang batas, at kung kailan ito dapat na tapusin at iharap sa bayan para sa isang plebisito.

Gusto ng Kamara, bumoto sila na kasama ang Senado pero giit ng mga senador dapat hiwalay sila sa pagboto sa pagtitibaying mga amyenda sa batas.

Kung dito pa lamang ay hindi na sila magkasundo, paano pa maibabalik ang tiwala sa kanila ng mamamayan?

***

May mga patutsada nga ang maraming netizen sa social media na unang amyendahan ay ang Kongreso at Senado.

Sarkastiko ang mga komento at ang unang gawin ng mga mambabatas ay buwagin na ang kanilang sarili.

Tiyak na balak ng ating mambabatas na amyendahan ang ating Saligang Batas, pero para sa atin, ang mungkahi ay unahin muna ng ating mga mambabatas na maibalik ang tiwala ng sambayanang Filipino bago ang pag-amyenda sa Saligang-Batas.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com. 

Leave A Reply