TULOY na tuloy na ang pagbubukas ng klase sa mga pribado at pampublikong paaralan sa buong bansa.
Kailangan nating gawin ito dahil baka tamarin na ang mga batang mag-aral kung mananatili silang nasa labas ng eskuwelahan.
Ang kailangan ng mga bata ay guidance ng mga guro na nag-aral ng mahabang panahon para magpaka-dalubhasa upang maturuan ang mga bata.
Hindi natin puwedeng iasa sa mga magulang o ibang kamag-anak ang pagtuturo sa ating mga anak.
Alam naman natin na maraming magulang ang hindi naman nakapag-aral kaya walang matututuhan ang mga bata kung aasa tayo sa kanila.
Isa pa, hindi rin naaasikaso ng mga magulang ang kanilang mga anak dahil abala sila sa paghahanapbuhay, lalo na kung ang isang nanay o tatay ay single parent.
Kaya naniniwala tayo na matutugunan ni Bise Presidente Sarah Duterte, na siya ring kalihim ng Department of Education, upang ayusin ang mga problema sa sektor ng edukasyon.
Sabi nga ni Pangulong Marcos, si Ma’am Sara ay isang abogada at ina, kaya niyang pamunuan ang DepEd.
***
Hindi nakapagtatakang nairehistro ng Bureau of Customs (BOC) ang pinakamataas na buwanang revenue collection sa kanyang kasaysayan noong nakaraang Hulyo.
Ito ang unang buwan sa anim na taong administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Ipinakita ng mga opisyal at tauhan ng BOC, na pinamumunuan ngayon ni Commissioner Yogi Filomeno Ruiz, na determinado nilang gagampanan ang kani-kanilang trabaho sa Aduana.
Noong nakaraaang buwan ng Hulyo, umabot ng P84.424 bilyon ang koleksyon ng graft-prone agency, ayon sa mga paunang report ng BOC-Financial Service.
Ito ay lampas ng P23.639 bilyon sa target nitong koleksyon na P60.785 bilyon para sa Hulyo 2022.
Mula Enero hanggang Hulyo 2022 ay umabot na ng tumataginting na P481.139 bilyon ang tax collection ng BOC, lampas ng P82.542 bilyon sa target nitong P388.597 bilyon.
Ayon pa sa record, ang January-July 2022 koleksyon ay mataas ng P122.224 bilyon kumpara sa koleksyon na P358.915 bilyon sa kahalintulad na period noong 2021.
Inaasahang tataas pa ang koleksyon ng BOC sa susunod na buwan ng Setyembre, ang una sa apat na buwang “ber months” ng taon, dahil sa papalapit na Kapaskuhan.
Sa Pilipinas, nagsisimula ang mahabang “Holiday Season” sa buwan pa lang ng Setyembre.
Sa totoo lang, upang makasiguro, sa dami ng mga naninirahan o nagtatrabahong kababayan natin sa labas ng bansa, maaga pa lang ay nagpapadala na ang mga ito ng regalo sa kanilang mga mahal sa buhay.
Gusto kasi nilang matanggap ng kanilang mga kamag-anak at kaibigan ang mga pamasko nila bago dumating ang araw ng Pasko sa December 25.
May ugali kasi tayong mga Pilipino na magbigay ng kung anu-anong regalo sa mga mahal sa buhay sa panahon ng pinakamahaba at pinakamasayang “Christmas Season” sa buog mundo.
Congrats po sa mga taga-BOC dahil sa napakagandang collection performance ninyo.
Keep up the good work!
***
Pinapalakpakan ng taumbayan, lalo na ng mga mahihirap sa buong bansa, ang pag-usad ng “Ilocos Express” lulan sina Pangulong Marcos at miyembro ng kanyang Gabinete.
Dala-dala ng “Ilocos Express” ang maraming programa at proyekto na magbibigay ng solusyon sa maraming problema sa bansa, kasama na ang COVID-19, kahirapan, kawalan ng trabaho, illegal drugs, korapsyon at iba pang challenges.
Hindi madaling bigyan na solusyon ang mga problemang ito pero naniniwala tayo na may sapat na “political will” ang administrasyong Marcos para magtagumpay sa huli.
Ang kailangan lang ay tulong ng taumbayan, kasama na ang mga kritiko, na kailangang-kailangan ng mga namumuno ngayon.
Kalimutan muna ang mga hindi natin pagkakaunawaan dahil mabigat ang mga kinakaharap nating challenges at pagsubok.
Ang isipin natin ay kapakanan ng sambayanang Pilipino na hirap na dahil sa halos dalawang taong “lockdown” dulot ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Sa isang demokrasya, kagaya ng Pilipinas, kailangan din natin ang “constructive criticism.”
Pero hindi iyong “destructive criticism.”
Punahin natin ang mga hindi tamang desisyon at gawain ng gobyerno pero sa maganda at maayos na pamamaraan.
Magtulungan na lang tayo kung gusto nating umunlad ang ating mahal na bayan.
Tama ba kami, Bise Presidente Sara Z. Duterte?
(Para sa inyong komento at suheatiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)