NAKAPAGTATAKA talaga, walang ingay, walang tumatalak sa Bureau of Customs (BoC) sa malaking eskandalo at kahihiyan sa naipuslit na dalawang Bugatti Chiron, hehehe!
Aba naman, kung may konting kahihiyan, kung may dangal pa at bait sa sarili ang mga tao riyan sa BoC, dapat ay nag-submit na sila ng irrevocable resignation, pero wala pong ganyang nangyari. Sabagay, “pakapalan” lang ‘yan, hindi ba, mga katoto?
At nagmamalaki pa ang ilan sa taga-BoC kasi sa kanilang press release, nabawi o na-recover na nila ang dalawang smuggled Bugatti Chiron. Eh, ‘di wow!
Real talk: hindi nyo nabawi o na-recover — kusang isinauli ang dalawang sports car ng mga nakabili nitong dalawang dayuhan mula China at Vietnam.
Maraming dapat ipaliwanag ang BoC: paano nailusot ang dalawang Bugatti Chiron — na naglalaro sa $3,300,000 hanggang $3,900,000 ang presyo ng bawat isa nito o nakakagulantang na P165 milyon bawat isa– wala pa rito ang customs duties, taxes at ibang bayarin sa gobyerno.
Ang daming milagro, sabi ni Sen. Raffy Tulfo sa hearing noong Nobyembre 2023, wala raw record ng Customs mula 2019 hanggang 2024 na may naipasok na dalawang Bugatti?
Pero sa matiyagang pagbusisi ng opisina ni Sir Raffy, abah, nailabas nga sa BoC ang dalawang sports car at naitehistro pa sa Land Transportation Office, ang isa ay may plate number NIM 5450 sa pangalan ng isang Thu Thrang Nguyen at ang isa, may plakang NIM 5448 sa pangalan ng isang Menguin Zhu.
Kaya lang napansin itong Bugatti kasi, madalas makitang tumatakbo sa Pasay, sa Muntinlupa at iba pang lugar sa Metro Manila at sa dakong huli ay ibinebenta pa nga sa social media!
Abah, kung itinago pala ng matagal-tagal itong 2 Bugatti Chiron cars, walang makakaalam na nabudol tayo ng mga tiwaling opisyal sa Customs — na ayon sa ating sources ay naipasok noong panahon ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz na ini-appoint ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. noong Hulyo 2022—at sinibak, err, pinalitan naman noong Pebrero 2023 ni Comm. Bienvenido Rubio.
Ayon pa kay Sen. Tulfo, magkasabay na nairehistro ang dalawang Bugatti noong May 30, 2023 at parehong inimport ng Frebel Import and Export Corporation. Batay umano sa ‘B/L’ (bill of lading), isinakay ito sa barko papuntang ‘Pinas noong Disyembre 24, 2022.
Ang tanong ni Sen. Tulfo ay tanong din ng marami: kung hindi nagbayad ng customs duties at iba pang taxes ang dalawang Bugatti, sa madaling salita, kung “pinalusot
ng mga ismgaler, eh, paano ito naparehistro sa LTO?
Sarkastiko, sinabi pa ng senador: “Naghimala po si Eddie…may kambal na Certificate of Payment ang dalawang Bugatti na ito na inisyu ng Bureau of Customs!”
Sabi noong una ng Customs, wala silang rekord ng pagdating ng dalawang Bugatti, pero lumabas na noong Disyembre 27, 2022, nagbayad daw ang importer na Frebel ng humigit-kumulang na P24.7 milyon at ang Certificate of Payment ay pirmado umano ni Customs Deputy Collector Harold Agama at ng Examiner na si Rosario De Leon.
Sabi ng Customs noon, walang rekord ang dalawang Chiron, samakatuwid walang ibinayad, pero meron pala, nairehistro pa sa LTO!
Mahal na Pangulong BBM, abaH, wala pa ring gumugulong na ulo ng mga sinungaling, ng mga madarambong at corrupt sa Customs!
Finance Sec. Ralph Recto, alam natin na galit kayo, sa mga tiwali, sa mga mambubudol sa gobyerno at dahil nasa poder mo ang Customs, ano na po ang inyong gagawin sa kabulastugang ito ng mga “tao” ninyo … wala na lang ba dahil “nabawi” na ang dalawang sasakyan? ‘Anyare na ngayon?
Ganoon na lang po ba ‘yun, Sec. Recto, walang sisibakin at walang makakasuhan? Naman?!
Bakit hindi tinatanong si dating Commissioner Yogi Filemon Ruiz, na sa imbestigasyon ni Sen. Tulfo, noong 2022, maraming luxury cars ang maluwag na naipasok sa bansa, nairehistro sa LTO at ngayon, buong yabang na ipinapasyal ng mga may-ari nito.
Mabuti po kayang busisiin ang lahat na mga imported at registered sports car sa panahon ni Ruiz at ang tanong pa ni Sen. Tulfo, sino iton si ‘Yasser Abbas’ na Director for Imports and Assessment Services ng BoC?
Bintang kasi ni Sen. Raffy, sa kamay ni Abbas dumadaan ang approval ng mga ganoong uri ng sasakyan—‘di umano.
At eto pa ang isang kagila-gilalas na himala — kung paniniwalaan ang Immigration, wala raw itong rekord na may dayuhang ang pangalan ay Thu Trang Nguyen at Menguin Zhu na dumating at umalis ng Pilipinas!
Baka naman may rekord, itinatago lang ng BI? Baka naman…nakapasok ng ‘Pinas pero ibang pangalan ang ginamit? Puwede rin kaya na maraming “kaibigan” itong dalawang dayuhan sa BOC, BI at iba pang ahensiya ng ating gobyerno?
Sa balita, noong una ay walang tinukoy kung ang dalawang banyaga ba ang nag-surrender ng Bugatti Chiron na ipinagmamalaking nabawi raw ng Customs.
Kung sina Nguyen at Zhu ang mismong rehistradong may-ari ng 2 sportscar, dapat ay hindi lang ito tanungin, bagkus, dapat silang arestuhin ng PNP at ng Customs, mismo!
Kasi, malinaw dito ang kasabihan na, “When money Talks, Everybody Listens.”
Sa daang milyones na sangkot sa smuggling na ito ng dalawang Bugatti Chiron, hindi na tayo magugulat kung maraming bunganga ang “namantikaan” at marami rin ang nagbulsa ng milyones!
Kumbaga, hindi lamang sa Lotto ni Mel Robles maraming nagiging “Melyonaryo,” lalo na sa Customs, tama po ba tayo, mga bossing?
Dapat may pagulunging ulo si Commissioner Bienvenido Rubio, tama ba, Pang. BBM?
Ginawa lang kasi siyang “ogags” at “engot” ng kanyang mga tauhan.
Para naman kay LTO chief Teofilo Guadiz, “kalusin” mo rin, Sir, ang mga tao mo na sandamakmak din ang anomalya at ang mga smuggled na sasakyan ay nairerehistro kahit walang binayarang taxes sa gobyerno.
Susme!
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).