Banner Before Header

#IskoGustoKita! (Sa halip na ‘Iskomunista?’)

0 561
HALATANG desperado, takot na takot ang mga kalaban ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa lumalakas niyang kandidatura para sa darating na May 2022 elections. At dapat nga lang ba?

Aba, kahit alam nila na hindi komunista, hindi miyembro ng New People’s Army (NPA) si Yorme, idinidikdik nila sa isip ng taumbayan na siya ay komunista na, NPA pa umano!

Mali, maling-mali po.

Taktikang paloko ang estilo ng mga loko na ang marangal na apelyido ni Yorme na “Domagoso,” e ginawang “Jomagoso,” mula sa pangalang Jose Maria ‘Joma” Sison, founding chairman ng Communist Party of the Philippines at ng National Democratic Front.

Para idiin sa utak ng mga botante ang galit, kung tawagin nila si Yorme ay “IsKomunista.”

Kung sa boxing eh, bawas puntos ito at dahilan pa ng pagkatalo kasi, suntok-sa-bayag ang ganitong bulok na propaganda.

***

Hindi po, komunista si Isko, lalong hindi siya NPA, at ito ang totoo.

Mananalo bang alkalde ng Maynila si Yorme Isko kung NPA nga siya, ang labo-labo naman nito.

Dahil sobrang popular at laging nagta-top sa survey ng mga presidentiables, ikinalat nga ng mga loko ang mga larawan ni Yorme Isko na kasama sina Joma, Fidel Agcaoile at iba pang lider ng CPP-NDF na kuha noon sa peace talks na ginanap noong Agosto 2016 sa Netherlands, Oslo, Norway at Rome.

Ang mga loko, hindi ipinakita na sa peace talks, kasama rin ni Isko ang matataas na lider ng gobyerno na inutusan ni Presidente Rodrigo Roa Duterte na kausapin sina Joma; nandoon ang taga-DND, mga heneral at mga abogado ng gobyerno at ng NDF.

Inimbita si Yorme sa peace talks para maging observer, hindi para kumampi sa mga komunista.

Sabi nga ni Yorme Isko, kasama ang mga komunista, taga-gobyerno, militar, nakinig siya, nalaman niya ang mga problema sa insurgency, poverty at paano gagawin para maging mapayapa ang bansa.

“…Nakikinig ako doon, so, meron akong mga natutunan,” aniya pa.

Kaya kung susuwertehin na maging pangulo si Yorme Isko, alam niya ang gagawin upang matigil na ang awayan ng gobyerno at ng mga rebelde; may nakahanda na siyang plano kung paano wawakasan ang CPP-NPA.

***

Komo ba kasama ni Yorme Isko sina Joma, e komunista na siya?

Noong 2016, ini-appoint ni Pres. Duterte sina Judy Taguiwalo at Ka Paeng Mariano sa Gabinete – itong dalawa ay kilalang “maka-komunista.”

Si dating DWSD Sec. Judy ay kilalang lider ng kababaihan (Makibaka), UP professor; si Mariano ay lider ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, isang leftist partylist at dating kongresman ng Anak-Pawis at ini-appoint na Agrarian Reform secretary.

Noong Davao City mayor si Duterte, kaibigan niya ang mga lider-komunista sa Mindanao kaya madali niyang napapalaya sa kamay ng mga NPA ang mga hawak nilang sundalo, pulis at mga pribadong tao.

Nakaisang taon lang sina Taguiwalo at Mariano sa Gabinete, kasi ni-reject sila ng Commission on Appointments.

Dahil ba sa BFF noon ni Duterte ang mga NPA at isinama sa Gabinete sina Mariano at Taguiwalo, komunista at NPA na rin ang Presidente?

Hindi, hindi, at gayundin, hindi matatawag na komunista at NPA si Yorme dahil lang sa litrato at naging observer ng peace talks.

***

Sinungaling ang mga propagandistang galit kay Yorme, kasi maraming litrato siya na kasama ang mga heneral, taga-DND at taong gobyerno, e bakit mga larawang kasama sina Joma lang ang ikinakalat nila?

Obvious ang dahilan: gusto nilang siraan si Yorme at galitin ang taumbayan para hindi siya ibotong presidente.

Hindi tumatalab ang taktikang ito na noon ay nabigo na at patuloy na mabibigo.

Remember ‘yung ‘Red Scare tactics’ noon ni US Sen. Joseph McCarthy?

Noong 1950, itsinismis ni McCarthy na yun daw US State Department e napasok na ng 250 na communist infiltrators.

Nang imbestigahan ng Senado at ng US Congress, napatunayang hindi totoo, tsismis lang at napahiya si McCarthy.

Nangyari, sa kahihiyan, nang sumunod na eleksiyon, itinapon sa inodoro ang tsismosong senador.

Ganyan ang mangyayari sa mga tsismosong nagkakalat na komunista at NPA si Yorme.

Hindi na uubra ang ‘guilt by association’ ng mga kalaban ni Yorme Isko, kasi ang nangyayari, lalong dumarami ang sumusuporta sa kanya, at ano ang patotoo nito.

Pansinin, laging nasa top three o madalas ay top one si Isko sa survey ng mga kandidatong iboboto sa Mayo 2022.

Pumalpak na ang paninirang bold star si Isko.

Pumalpak na rin ang hashtag na # Iskowithdraw.

Ngayon e niluluto naman ng mga lokong spin master, na baka raw si Isko eh pumayag nang maging bise presidente ni Aling Pink?

Hehehehe, lahat ng ganyang black propaganda e hindi na tumatalab sa mga botanteng mulat at gusto ng pagbabago.

Naniniwala ang marami, kung ano ang nagawang magandang pagbabago ni Yorme sa Maynila, kung paano naging epektibo ang ‘Bilis-Kilos’ ng kandidato ng Aksyon Demokratiko,  ganyan din ang maasahang pagbangon at pagbabago sa bansa.

Baka IskoGustoKita; baka Domagoso, sa Malakanyang ka na ang mauuso!

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply