HINDI natin kaibigan, di kailanman, magiging kaibigan ang China.
Ang kaibigan ay hindi nilalamangan; ang kaibigan ay pinagmamalasakitan; ang kaibigan ay tinutulungan, hindi pinagsasamantalahan.
Handa ba tayo na ipaglaban at tindigan ang maraming insidente ng agresyon ng China?
Alam natin, wala tayong ikakaya – sa ngayon – kung giyera ang huling baraha upang igiit ang ating soberanya sa ipinag-aagawang mga isla at teritoryo sa West Philippine Sea (WPS) na tinatawag ding South China Sea (SCS).
Ilan sa agresibong aksiyon ng China ay tulad ng nangyari noong Hunyo 9, 2019 sa WPS, partikular sa Recto Bank nang binangga ng Yuemaobinyu 42212, isang pleasure boat ng China ang F/B Gem-Ver, isang malaking bangkang pangisda na lulan ang 22 mangingisdang Filipino, pawang residente ng Occidental Mindoro.
Salamat at nailigtas sila ng mga mangingisdang Vietnamese na nasa lugar ng karagatang iyon.
Atin ang teritoryo ng karagatang iyon, ayon mismo sa hatol ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa The Hague Netherlands noong Hulyo 12, 2016, at ang Recto Bank ay saklaw ng exclusive economic zone (EEZ).
Ibig sabihin sa EEZ, lahat ng yamang-dagat, enerhiya sa tubig at hangin sa WPS ay ating karapatan na angkinin, at pakinabangan, ayon sa ating pangangailangan.
Ang hatol ng PCA ay hindi kinilala ng China at ang batayang nine-dash line na ginagamit nito sa pag-angkin sa WPS ay hinango sa lumang mapa noong 1947, at ayon sa hatol, walang batayang legal at ‘historical’ ito.
Kaylapit ng Scarborough Shoal (Bajo de Masinloc sa Zambales) ay 120 nautical miles sa atin; ito ay 500 nautical miles ang layo sa China.
Tama ang sabi ni Department of National Defense (DND) Secrtetary Delfin Lorenzana, nasa imahinasyon lamang ng China ang pag-angkin nito sa ating teritoryo – na simula noon ay hindi kinikilala ng China ang EEZ ayon sa United Nations Convention of the Laws of the Sea (UNCLOS).
***
Pinakahuling agresibong pag-angkin ng China sa halos buong WPS ay nangyari nitong Agosto 20, 2020 nang palayasin ng mga barkong de giyera ng China ang ating mangingisda at ang hayagang paghahamon sa atin na giyera.
Ilan sa agresyon at mga paglabag ng China sa teritoryo ay nangyari noon pang 2011 at patuloy hanggang ngayon, tulad ng pagpapaputok ng baril at pagtataboy gamit ang water cannon sa mga mangingisdang Pilipino.
Pagtatayo ng istrukturang nabal at militar tulad ng paliparan sa Johnson Reef at 3,125 metrong paliparan sa Kagitingan Reef at daungan ng submarine sa Mischief (Panganiban Reef) at ang sunod-sunod na pagdaraos war drills.
Iligal na pangingisda at pagkuha ng mga endangered species; pagharang sa mga sasakyang dagat ng Pilipino sa Scarborough Shoal; pagpapalayas sa barko natin’ pananakot na palulubugin ang mga barko natin at kailangan kumuha ng fishing permit ang mangingisdang Pilipino sa karagatang atin mismo!
‘Wag nating kalimutan ang girian sa Bajo de Masinloc noong Abril 11, 2012 na sangkot ang BRB Gregorio Del Pilar na kinompronta ng barkong de giyera ng China na tumagal ng tatlong buwan; mga insidente sa Benham Rise noong Enero 2018 at ang reklamasyon na ginawang base militar sa Paracel Islands.; bukod pa ang artipisyal na isla ng Spratleys na kumpleto sa paliparan, eroplano, barko de giyera at mga kagamitang pangkomunikasyon.
Upang mapigil ang agresyon ng China, noong Abril 2018, nagpanukala si Presidente Rodrigo Roa Duterte na hatiang-60-40 sa explorasyon ng mineral at langis sa West Philippine Sea.
***
Marami pa tayong mababangit na pangyayari nang agresibo at patalikod na aksiyon ng China na patunay na wala itong paggalang sa ating soberanya at ang salitang pagkakaibigan ay sa papel lamang.
Ang deklarasyong patakarang malayang ugnayan sa bansa ay kungdi isang biro ng gobyernong Duterte ay maituturing na pagpapakita ng pagiging sunud-sunuran ng gobyerno sa China at maging hanggang ngayon sa US.
Mahigit ding 50 taon na naging kolonyal tayo ng US at ngayon, kundi mababago ang direksiyon ng patakarang panlabas ng gobyernong ito, hindi malayong magkatotoo nga ang sarkastikong tawag sa atin na bagong probinsiya ng China ang Pilipinas.
Sa harap ng unti-unting “pananakop” ng China sa ating bansa, ano ang pwede nating gawin upang itindig ang ating bandila at soberanya?
***
Sa huling pangyayari, nag-iingay ang US sa mga paglabag ng China sa teritoryo at yamang-dagat ng Pilipinas, kaya nagpakita rin ito ngayon ng lakas militar sa pagpapadala ng barkong USS Stratton, isang US Coast Guard Cutter at ang banta na ang anomang pag-atake sa Pilipinas, iyon ay magsisindi ng mitsa ng pakikialam militar at ang pag-iral ng Mutual Defense Treaty ng US at Pilipinas noong 1951.
Pero ang pag-iingay ng US ay maaaring dahilan upang pangatwiranan ang pagpapalakas ng barkong pandigma sa teritoryo ng WPS at muling iparamdam ang presensiya sa Asya na ang US pa rin ang tanging bansa na may kakayahang banggain ang lakas ng China.
Ang laro ngayon ng gobyernong Duterte ay ang pagpapanatili pa rin ng “pagkakaibigan” sa China at ang unti-unti ring pakikipagmabutihan ngayon sa US, lalo na ngayon na si President Donald Trump ay nagpapakita ng pagkagiliw kay Duterte nang binigyan ni Tatay Digong ng ‘absolute pardon’ si US Marine Cpl. Joseph Scott Pemberton, Bagaman hindi ito nagustuhan ing sambayanang Pilipino ay pinandigan ito ni Presidente Duterte.
Si Pemberton ay convicted sa pagpatay sa Filipino transgender woman na si Jennifer Laude noong 2014 at nahatulan ng korte sa Olongapo City ng 6-10 taong pagkakakulong.
***
Mahirap ang kalagayan natin: maiipit tayo sa giriang China at US na kapwa may pansariling interes sa Pilipinas.
Komunistang imperyalista ang China at hindi nababago ang patakarang imperyalismo ng US.
Kapwa nais ng US at China na mangibabaw sa mundo.
Kung sa larong chess, tayo ay ang “Hari” na nais na ma-checkmate ng dalawang bansang ito.
Panahon na ating tindigan ang sariling interes at kung paano ito gagawin, ito ay tanong na kayhirap maihanap ng tama at angkop na sagot!
Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.