SA paglaban sa mga tuso, buwayang negosyante at mga kasabwat nila – mga taong gobyerno at pribadong tao o kompanya – hindi ito nasa kamay lang ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. Opo, laban ito ng lahat, lalo na ang ating mga mambabatas at ng mamamayan.
Kundi maipakukulong at maparurusahan ang mga economic saboteurs, lalong lulugmok tayo sa kahirapan, at ang pangarap ni PBBM na food security ay magiging isang pangakong bangungot na magpapahina sa tiwala ng bayan sa kanyang administrasyon.
May mga survey nang lumabas na nagsabing “significantly decline” ang popularidad ni PBBM, at ang dahilan ay di-mapigil na pagtaas ng presyo ng bigas, gulay, karne, isda at iba pang produktong agrikultura.
Nasa panic mood na ba ang administrasyong ito – hindi naman po, kasi agad na kumilos si Pres. Marcos at sinertipikahang urgent ang isang batas na magpapataw ng mabigat na parusang life sentence, milyon-milyong pisong multa at iba pang mabibigat na parusa sa mga “buwaya,” walang pusong smuggler, hoarder at profiteers.
Malaking pinsala sa ekonomiya ang idinudulot ng mga economic saboteurs na promotor ng ismagling, hoarding, price manipulation, tax evasion, money laundering, at iba pa.
Lahat ng sektor ay pinipinsala ng mga economic saboteurs, hindi lang ang gobyerno at publiko, higit ang grupo ng magsasaka, manggagawa, at matutuwid na negosyante.
Naalaala ko, noon ay may Senate Bill 2432 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act na iniakda ni Sen. Cynthia Villar na nagtatakdang isang mabigat na krimen ang agricultural economic sabotage.
Sa batas na ito, bubuo ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Council (AESC) na magbabalewala sa R.A. 10845 (Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016).
Naalaala ko rin po, sa panahon nina dating presidente Cory Aquino at Erap Estrada, naging very effective ang Economic Intelligence and Investigation Bureau (EIIB) laban sa mga ismagler at saboteurs na pinamunuan ni retired Gen. Jose Almonte.
Ang daming naipakulong ang EIIB at mungkahi natin, PBBM, baka pwede nyong rebisahin at buhayin ang EIIB habang hindi pa naisasabatas ang urgent bill na nais nyo na pagtibayin ng Kamara at ng Senado (nilusaw ni Pang. Erap ang EIIB dahil sa katiwalian—Editor).
***
Kung ako ang tatanungin, gawing isang uri ng treason o pagtataksil sa bayan ang agricultural sabotage, kasi po, hindi lang ang publiko ang pinapahirapan kungdi lahat, lalo na ang mahihirap nating magsasaka, mangingisda at mga producer ng pagkaing karne at katulad na produkto.
Sa mga mapatutunayang gumawa ng krimeng ito, bukod sa perpetual life sentence o habambuhay na pagkakulong, dapat na pagbayarin ng hindi bababa sa P100 milyon o katumbas ng halaga ng smuggled agricultural products.
Kung kasangkot ang isang taong gobyerno, alisan siya ng karapatang bumoto, alisan ng karapatang mahalal o humawak kahit posisyong janitor sa pamahalaan, at dapat na kumpiskahin ang salapi o property na nakamal sa masamang gawaing ito.
Ganoon din ang mapatunayan kasangkot o nagkasala ay isang korporasyon o juridical person, dapat na ilapat sa mga mga opisyal ang lahat ng mabibigat na pananagutang kriminal at sibil, ayon sa batas.
Kailangan ng isang batas na magpoprotekta sa ating magsasaka at mangingisda at tagaprodyus ng pagkain, at magagawa ito kung madaling kikilos ang Senado sa pamumuno ni Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, pakiusap po: ‘wag na kayong magpatumpik-tumpik pa.
Ngayon kailangan ang mabilis na aksyon, bigyan nyo ng mabisang armas si PBBM, pagsuutin natin siya ng kamay na bakal, bigyan natin siya ng malaki at matibay na lambat na huhuli sa mga mananabotahe sa ekonomya ng bansa.
Dapat ang batas na ito ay isang bitag at matibay na lambat na pag nadakma ang mga tiwaling saboteurs, wala silang ligtas, wala silang malulusutang butas ng batas.
Ang ating inaasahang resulta kung may ganitong batas: maibaba at magiging accessible sa lahat, lalo na sa sektor ng mahihirap ang pagkain at matitiyak ang noon ay ipinangakong national food security ng ating Pangulong Marcos.
***
Matuto tayo sa kasaysayan ng mundo na ang mga gobyerno ay bumagsak hindi dahil lang sa rebelyon, kungdi sa pagkulo ng mahahapding sikmura ng taumbayan.
Tandaan ang rebelyon sa France, sa Russia at iba pang gobyerno na nawalan ng tiwala ang taumbayan gawa ng katotohanang, walang batas-batas sa sigaw ng nagugutom na iyak ng mga sanggol at ng yayat na bisig ng paggawa.
Kaya po, Senate Pres. Zubiri, Speaker Romualdez, bigyan nyo ng Kamay na Bakal, makapal na baluti ang ating Pangulo laban sa mga bandidong kriminal ng ating pambansang kabuhayan.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).