MAY nangyayari bang sabotahe sa Bureau of Customs (BoC)? Tulad ba ng PhilHealth, sistematiko rin ba ang katiwalian sa Aduana?
May “mafia” ba sa BoC at napaglalaruan ng mga pinagkakatiwalaang opisyal at tauhan niya si Customs Comm. Yogi Filemon Ruiz?
Buweno, narito ang ilan sa kumakalat na usap-usapan tungkol sa Intelligence unit ng (IG) at Enforcement Group (EG).
***
Trabaho ng grupong ito na makatulong sa paglakas ng revenue collection ng gobyerno, pero tila raw hindi nagagawa ng IG at EG ang mga tungkulin nila?
Ibang bulsa (umano) ang pumipintog sa “koleksiyon” hindi ang kaban ng BoC. “Kanino” kayang bulsa ang may malaking koleksyon?
***
Dahil sa tuwina ay lumabas ang maraming reklamo ng mga lehitimong importer at broker.
Kumpleto naman sila ng kailangang dokumentasyon, maayos ang kanilang transaksiyon pero hindi nila mai-release ang kanilang importasyon, at maraming rekisitos ang hinihingi.
Ang nangyayari tuloy, “delayed” ang release ng kanilang kargamento, at upang hindi na maabala at madagdagan ang pagkalugi, ayaw man ng mga importer at broker, napupuwersa sila na ibigay ang hinihingi ng mga korap sa IG at EG.
Nagbibigay sila ng malaking suhol para maayos ang release ng kanilang kargamento, susmaryosep!
***
Isa pang idinadaing ng matitinong stakeholder at broker ay ang kaliwa’t kanang alert orders na ginagawa ng dalawang grupong ito.
Sila ang hina-harass, imbes na asikasuhin at imbestigahan at usigin ng mga tropang ito ay ang mga ismagler at mga magnanakaw sa buwis ng bayan.
Tila ang tinatarget ng mga grupong ito ay ang sariling “target collection” ng sariling mga bulsa?
***
Halimbawa ay yung tungkol sa dating nailabas o pinalusot na more or less 50 kargamento sa panahon ni dating Comm. Rey Leonardo ‘Jagger’ Guerrero na ang sabi ng mga sources sa BoC ay kapiranggot lamang ang binayarang buwis.
Isang dating mataas na opisyal ng Management Information Systems Technology Group (MISTG) sa BoC ang naging “ninong” ng importer at umanoý nag-process ng release ng shipment na malapit daw o malakas ang koneksiyon sa “Davao Group” at hanggang ngayon ay nariyan pa rin sa BoC. Alam mo ba ito, Comm. Yogi?
Sabi, baka raw sinadya o pinalusot ang more or less 50 importasyong ito na nasa kategoryang “single entry”, pero ang katotohanan ang lahat ay ‘General Merchandise’ (GM).
At ayon sa rekord, ang mga kargamentong ito na puro “GM”, umabot lamang sa P160K ang pinakamataas na buwis na binayaran sa 1×40 container van?
Paktay! “Butas” ang bulsa ni Juan dela Cruz; paldo naman ang bulsa ng mga korap, sanabagan!
***
Tulad din nitong Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na ngayon ay walang pakialam sa batas natin ukol sa buwis.
Bilyon-bilyon ang utang nila sa atin, pero binabalewala ng mga Chinese online gaming operators ang ating gobyerno.
Kahit igiit natin, ayaw nilang magbayad ng tamang buwis sa katwirang ang negosyong sugal nila ay “offshore” at wala sa ating bansa.
Hindi natin iginigiit ang karapatan natin sa kanilang mga kompanyang itinayo sa ating mga lungsod at lalawigan.
Kung may magkasalang Chinese o nakagawa ng krimen, malambot nating inilalapat ang ating mga batas.
Sa kokonting halagang naibubuwis sa POGO, binabalewala natin ang krimeng dala-dala ng kanilang operasyon at paglabag sa ating mga batas tulad ng E-Commerce Act, money laundering, drug trafficking, prostitution, smuggling, illegal employment, kidnapping, extortion, torture at murder.
Ang nakababahala ay ang pagkatuklas na ilan sa mga nadakip sa kidnapping at pagbubugbog sa kapwa nila Chinese ay mga sundalo at opisyal ng People’s Liberation Army.
Naririto kaya sila upang kumuha ng maraming national security information upang madali tayong masakop kung dumating ang pagkakataong gawin ito?
Bukod dito, bunga ng malaya at walang problemang pagpasok ng maraming Chinese sa bansa, hindi malayong ipalagay na marami sa kanila ay ‘carrier’ ng nakamamatay na COVID-19.
Hindi natin iminumungkahi na magpakita ng tapang laban sa China na hindi natin makakayang mapanindigan.
Ngunit mahalaga na magpakita tayo ng malakas na pagtutol at pagkondena sa hindi parehas na trato ng pagkakaibigang ibinibigay ng gobyernong ito sa China.
Kahit ba kiyaw at magtaas ng boses ay hindi natin makakayang magawa?
‘Wag nating ipakita, mahal na Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na wala tayong tapang, buto at gulugod.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).