Banner Before Header

KORAPSIYON SA PHILHEALTH, NAKAKASUKA NA

0 1,718
MAYROONG kasabihan: “Kung saan may usok, may apoy”

Noon pa ay talamak na ang korapsyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). Pero sandali lang itong binusisi, walang nakasuhan, walang naparusahan, kaya tuloy-tuloy ang katiwalian sa ahensiyang ito.

Ngayon, nagkakandarapa ang Malakanyang, pati ang Senado at Kamara na siyasatin ang kabulukan sa ahensiya, ito ay naudyukan ng biglang pagbibitiw ng isang opisyal ng PhilHealth.

Kumbaga sa bangkay, nangangamoy sa baho ang anomalya sa PhilHealth na kinaldag ng Commission on Audit (CoA) noong 2012 sa ghost claims at padded receipts.

Noon ding 2012, nawalang parang bula ang premium payment na P114 milyon gawa ng sabwatan ng mga kawani ng PhilHealth at isang sindikato sa loob ng ahensiya.

Ano rin ang nangyari sa imbestigasyon noong 2015 tungkol sa insurance fraud at reimbursement sa mga pekeng operasyon at bayad sa gamot at iba pa? Ang alam natin, walang naakusahan at naparusahan.

Sa ating pagsasaliksik, nasa P154 bilyon ang “naibulsa” ng mga korap sa PhilHealth sa loob ng anim na taon dahil sa overpayment, overpricing sa pagbili ng gamot, sobrang taas ng singil sa ospital at pagbabayad sa mga pekeng pasyente, ayon sa mga whistleblowers.

Bukod dito ang maraming reklamo ng mga ospital na hindi raw sila nababayaran sa matagal na singilin sa serbisyo at gastos sa mga ginamot na mga pasyente.

At eto na naman tayo, mag-iimbestiga ulit, para ano?

Iyan ang madalas na itinatanong — wala ring nangyayari sa maraming imbestigasyon sa Kongreso, puro lamang pasikatan, at ang sinasabing in aid of legislation ay nagiging in aid of reelection.

Nakaririmarim ang kabulukan sa PhilHealth at maging sa maraming departamento at kawanihan at ahensiya ng pamahalaan.

Ang bantot ng ahensiyang ito ay muling pinasingaw ng nagbitiw na si Atty. Thorson Montes Keith, na PhilHealth anti-fraud officer at ibinisto sa kanyang sulat-pagbibitiw ang malawakang korapsiyon na natuklasan niya.

Pero hindi pa man nag-uumpisa ang imbestigasyon, agad dumepensa si retiradong Brig. Gen. Ricardo Morales, president at chief executive officer ng ahensiya.

Wala raw anomalya, katwiran ni Morales dahil sabi raw ng CoA, may reserbang P130 bilyon ang PhilHealth; na naghihiganti lang si Keith sa gawa-gawang paratang dahil nabigong makuha ang tinatarget na posisyon nito sa ahensiya.

Pero iba ang sinasabi ng mga “tagaloob,” baka raw mabangkarote ang PhilHealth sa 2022 at ito raw ay nakagastos nang P40 bilyon na ayuda sa COVID-19 pandemic.

Ngayong taon may P67.24 bilyon ang badyet ng PhilHealth, mas mataas ng 24.4 porsiyento noong 2019.

Lalong lumakas ang hinala ng matinding korapsiyon sa naging bangayan at sigawan sa virtual conference ng mga opisyal at mga miyembro ng lupon tungkol sa kuwestiyonableng transaksyon at patong sa presyo na umaabot sa isang bilyong piso.

Nakakasuka, sobra na ang korapsiyon na noong hirangin ni Presidente Rodrigo Roa Duterte si Morales, ang taas ng pagtitiwala na mawawakasan ang katiwalian sa PhilHealth.

Maaring ginagawa ni Morales ang lahat na mawala ang korapsiyon sa ahensiya at maaaring ang mali ay nasa sistema.

Posibleng hindi pa rin nagagawa ni Morales na mabura ang kultura ng sabwatan at korapsiyon sa PhilHealth.

Matibay pa rin sa puwesto ang sindikato sa loob ng ahensiya at kailangan nga ang muling pagrebisa sa batas na lumikha sa PhilHealth.

Hanggang sa paggawa lamang ng batas ang kapangyarihan ng Kongreso at ang katinuan sa sistema  ay nasa kamay ng tagapagpatupad ng batas — ang Executive branch.

Tulad ng kasong conflict of interest ni Department of Health (DoH) Secretary Francisco Tiongson Duque III, na ang ospital na may transaksyon sa Philhealth ay pag-aari ng pamilya nito, ang Doctors Pharmaceuticals.

Bukod pa ang isang gusali sa Dagupan na nirerentahan ng PhilHealth sa pamilya Duque.

Kung hindi ito isang uri ng korapsiyon, tanging si Duque at ang PhilHealth ang makasasagot sa gaganaping imbestigasyon ng Senado at ng Kamara. Ang Philhealth ay nasa ilalim ng DOH.

Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.

Leave A Reply