Banner Before Header

Kung si Isko ang Pangulo…

0 338
IBA ang sinasabi ng tunay na survey sa mga town meeting, rally sa plaza, kuwentuhan sa kalye at on-the-spot na tanong sa mga botante – na hindi natatanong ng mga commissioned political survey.

Mas marami ang naniniwala na si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang tama, dapat at mas dapat na ibotong pangulo sa ating eleksiyon sa Lunes, Mayo 9.

Iisa ang sinasabi ng maraming nakausap, sumagot sa tanong kung bakit si Isko ang gusto nilang maging pangulo.

Mula sa Luzon, Visayas at Mindanao, may napatotohanang basehan ang mga botante, lalo na ang ‘silent majority’ na malaki ang magiging pagbabago kung si Yorme Isko ang titimon sa bangka ng bansa sa susunod na anim na taon.

Iyung ibang kandidato, kuda lang at pangako ang naririnig nila: walang saysay, walang makikita, wala lang, sabi nga sa kanto: salitang walang gawa, ang resulta – nganga ang taumbayan.

 

Pero kung nagawa ni Moreno sa Maynila ang magagandang proyekto sa housing, education and health, may modelo na, may batayan na makikita na kayang gawin kung siya ang magiging pangulo.

Ilang daang libong Manilenyo ang nailigtas sa perwisyo at kamatayang dala ng pandemya?

May mga bagong variant ng COVID-19, pero maagap, masipag sa pagkilos si Isko; nag-iimbak na sila ng mga gamot, may plano na si Isko kung paano pakikilusin ang mga doktor, nars at iba pang health workers laban sa sakit at kamatayan.

May ganoon bang plano ang mga ibang kandidatong pangulo – wala yata, kung mayroon man, ngawa, kuda.

***

Daming nawalan ng trabaho gawa ng pandemya, pero sa maraming proyektong pabahay, infra projects, nabigyan ng hanapbuhay, nabuhay ang pag-asa, naibsan ang hirap ng jobless Manilenyo.

Tax incentives, tax holidays, mabilis na approval ng mga dokumento sa pagtatayo sa negosyo ang ipinatupad ni Yorme Isko sa city government para sa nalugi at nagsarang negosyo.

Kaya nakapagbukas uli, nakabangon uli ang mga naluging negosyante, at naengganyo ang lokal at dayuhang investor.

Alam ni Isko ang epekto ng ganitong estratehiya sa ekonomiya: aniya, may multiplier effect ang magaang na paglalakad ng permiso sa negosyo at maluwag na pautang sa buhay at kabuhayan ng tao.

Kumbinsido ang nakauunawa sa pagpapatakbo ng negosyo ang doble, triple o higit pang magagandang ganansiya at epekto ng pakinabang ng ganitong palakad sa pamumuhunan, sa trabaho, sa edukasyon, sa pabahay, sa health services, at kabuhayan ng milyon-milyong Pilipino.

Magiging magaan ang pag-angat, yung masisipag, ‘yung matitiyaga, matutupad ang pangarap na mabuting buhay, ang magkabahay at magkaroon ng malulusog na anak, masayang pamilya at resulta, maunlad na bansa.

Ikakalat niya, kung siya ang pangulo ang negosyo, pasilidad, imprastraktura, agrikultura, industriya sa malalayong lalawigan.

‘Yung kaunlaran ng Imperial Manila, ililipat niya, pangako ni Yorme Isko sa mga probinsiya; yung serbisyong medikal, ‘yung gobyernong maaasahan at masasandalan, ilalapit niya mula sa Malakanyang papunta sa mga liblib na lugar.

Alam ng mga natanong sa hindi political survey na yung Tondominium 1 and 2 at iba pang magagandang housing project, Basecommunity na kumpleto sa paaralan, recreation area at may gulayan ay posible, mangyayari sa mahihirap na siyudad at probinsiya.

Hindi na sila maiinggit sa mga Manilenyong nabigyan ng murang pabahay, at nabigyan ng hanapbuhay, kasi kung pangulo si Yorme Isko, maikakalat sa kanilang napabayaang lugar ang ginhawa at pag-angat sa buhay.

Magtatayo ng ospital, health centers, at iba pang pasilidad ng gamutan sa kanilang mga lugar, kaya iboboto ng mga tinanong si Yorme Isko.

Kung sa Maynila ay libre ang gamot laban sa COVID-19 at iba pang sakit, mangyayari rin sa kanilang probinsiya, sabi ng mga gustong iboto si Yorme Isko.

Paano nga, bilib na bilib sila sa mabilis na pagkatayo ng COVID-19 Field Hospital sa may Quirino Grandstand na tinapos sa loob ng 52 araw.

Gusto nila kay Isko kasi magtatayo ng modernong ospital sa bawat rehiyon ng bansa, at magtatayo pa ng Cancer Hospital, mga bagong ospital para sa mga sanggol at bata sa mga lalawigan.

Hindi na nila magiging problema ang pagkakasakit at magkakaroon sila ng malulusog na anak at kapamilya – na mangyayari sa maraming siyudad at munisipalidad sa bansa.

***

Hindi lang sa Maynila magkakaroon ng de kalidad na paaralan sa elementarya at high school na kumpleto sa computer at may airconditioning: sa mga probinsiya, magkakaroon din sila niyon kapag si Moreno ang pangulo.

Yung Bilis Kilos na plataporma de gobyerno ni Isko, sa awa ng Diyos, basta naging Pangulo si Moreno ay mararamdaman sa buong bansa.

Mangyayari ang unti-unting pag-angat natin, ito kung si Yorme Isko ang iboboto at mananalong pangulo.

Sana nga si Yorme Isko na ang pangulo, kasi magbubuhos si Yorme ng mula sa P1.5 hanggang P30 bilyong pautang sa micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Buburahin na niya ang red tape; mabilis na registration, tax incentives, mabilis na permit at licenses; transparent na transaksiyon sa kontrata sa gobyerno.

Aayusin at aamyendahan ang ilang probisyon sa Konstitusyon ukol sa direct foreign investment at sa percentage ng pamumuhunan sa bansa na kasosyo ang mga dayuhan.

Mas magaang na pautang at pagbabayad ng utang; magtatayo si Yorme kung siya ang pangulo ng maraming special agri-economic zones at pasilidad sa post harvest para maimbak ang mga ani sa bukid.

Mangyayari ito, at ito ang pag-asa at gagawin ng maraming botante para masiguro na mangyayari ang lahat ng ito, kung si Isko na ang ating pangulo sa Mayo 9.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply