Banner Before Header

Laban lang Yorme Isko, kakampi mo ang Masa!

0 480
TOTOO, hindi perpekto si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, at hindi po depekto ang hindi maging perpekto.

Walang tao na perpekto, lahat tayo ay may di-magagandang nakaraan, pero hindi ito ang dapat maging batayan kung sino at ano tayo.

Kasi, nitong nakaraang linggo, kumalat sa maraming social media posts at vlogs ang mga panlalait at pag-alipusta kay Yorme.

Kesyo, mayabang daw ito, puro ngawngaw, at ilang vlogger pa ang nagsabi na si Yorme Isko ay ‘communist sympathizer’.

Kumalat ang foto niya na kasama si CPP-NPA-NDF chairman Joma Sison at isang hater ng alkalde ang tinawag siya na si Mayor ‘Jomagoso.’

Sobrang foul na ito, red-tagging na ito; sobrang pamemersonal na ito.

Kasunod pa, kahit hindi pinangalanan, makukuro na si Yorme Isko ang pinarurunggitan ni Presidente Rodrigo Roa Duterte na isang ambisyosong Metro Manila Mayor na noong kabataan ay itsurang ‘call boy’ sa kuhang bikini fotos noong 1990s.

Ang provocative fotos ay kuha noong kabataan ni Yorme at nagsisimula siya bilang artista.

Kasalanan ba iyon, kasiraan ba sa pagkatao ni Isko ang sexy fotos na iyon sa pelikula – na isang marangal na trabaho para kumita sa ikabubuhay ng kanyang pamilya?

Sa halip na dustain, dapat nga ay papurihan si Yorme Isko na iginapang at itinaguyod ang sarili at ang pamilya para mahango sa kahirapan.

Kahit kailan, lantad sa publiko kung ano si Isko, pero kung ano siya noon, iba nga ang Isko ngayon.

Aminado si Pres. Duterte na marami rin siyang ‘kalokohang’ ginawa noong kabataan niya – at ito ay bahagi ng paglaki at pagkatuto sa karanasan ng buhay.

Hindi hinusgahan ang Pangulo sa ‘kalokohan’ niya noon kungdi sa maraming remarkable accomplishment niya bilang alkalde ng Davao City.

Sa ganito rin dapat na timbangin si Yorme Isko – na ayon nga kay Cavite Governor JonVic Remulla ay isang mahusay at magaling na Public Servant.

Sa loob lamang ng mahigit na dalawang taon, kaybilis ng iginanda at iniunlad ng Maynila; kaya nga madalas nababanggit si Isko bilang isa sa mahusay na alkalde sa panahong ito.

Dahil sa napakagandang rekord sa paglilingkod, laging nangunguna sa survey si Yorme Kois bilang isa sa maipagkakapuring alkalde ng Metro Manila, at dahil nga sa maraming proyekto at programa niya sa Maynila, maraming parangal at papuri na tinanggap si Yorme.

Hindi lang minsan, maraming ulit na pinuri noon ni Pres. Duterte ang husay ni Isko pero ngayon, nilalait na niya si Yorme.

Inaalipusta na, ginigipit na, si Yorme. obvious naman kasi ang dahilan: politika.

Masama bang mag-ambisyon sa mas mataas na posisyon kung ito ang destiny ni Yorme Isko — na ipinapakita sa resulta ng maraming survey at pulso ng masang Pinoy na pwede nga siya na maging Pangulo ng bansa!

Masama ba sa isang batang Tondo at nagsimula sa wala, sa isang kahig, isang tuka, ang mangarap para sa ikagaganda ng ating bansa?

Kung may masamang nakaraan ang isang tao, dapat ba itong sukatin at gawing basehan kung ano ang kanyang pagkatao.

Sabi nga, bawal ang maging judgmental: lahat ay may di-magandang nakaraan at karanasan.

***

Noon, binatikos ni Cavite Gov. JonVic Remulla si Yorme – sa isyu ng ayuda para sa mga  Manilenyo na na-relocate sa Naic, Cavite.

Pero nang magkapaliwanagan, nagkaayos na uli sila: BFF na uli ang kapwa simpatikong ginoo.

Kaya si Gov. Remulla ang isa sa unang ‘umaray’ sa pandudusta at pantatapak kay Yorme.

Sabi ng gobernador, track record at mabubuting nagawa at serbisyo sa bayan ang dapat na maging basehan – hindi ang nakaraan.

“Hindi tama na tapak-tapakan ang nakaraan, paninindigan at reputasyon ng isang taong wala namang kalaban-laban.

“Ang paghuhusga ay ilaan na lamang po natin sa mga taong lumabag sa batas o siyang mga nagtraydor sa bayan,” sabi ni Gov. Remulla.

Walang nilabag na batas si Yorme nang mag-pose ng nakabikini.

Sabi nga ni Gov. JonVic, “Yorme never lied, did not steal, kill.”

Tapos na ang nakaraang kabataan.

Ngayon ang mahalaga, sabi ni Remulla.

“Yorme should not be judged on such juvenile merits. Let his record of governance speak for itself,” sabi ng gobernador.

Ngayon, ang sukatan ay husay sa paglilingkod, hindi ang nakaraang wala nang halaga.

Laban lang, Yorme, kakampi mo ang masang Pilipino!

(Para sa inyong mga suhestiyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply