Banner Before Header

Ligtas ang Maynila kay Yorme Isko

0 348
PANAHON na para idilat ang mga mata, talasan ang pakikinig, maging mapanuri ang isip, at ‘wag basta patangay sa propaganda ng mga kalaban na nababalot sa pakunwaring katotohanan.

Ano ba ang Maynila ngayon? Kung estadistika ang batayan, sa totoo lang, sa annual income, numero uno na ang premiere city of the Philippines na dati ay kulelat subalit ngayon ay bahagyang angat na ito sa Quezon City at Marikina City.

Nasa lider ang pag-unlad o pag-atras ng isang bayan o lungsod; kung magaling ang pinuno na tulad ni Yorme Isko Moreno, na pinagkakatiwalaan at sinusuportahan ng mga Batang Maynila, at may kapanatagan ang mga namumuhunan at negosyante, hindi magiging “tsamba-tsamba ang pagyabong ng kabuhayan.

Dahil sa mahusay na pagplano, kasama ang determinasyon at pagsisikap at pagtitiyagang makumbinsi ang taumbayan na samahan siya ay umarangkada ang Maynila sa karera ng ekonomiya, at ngayon ay numero unong siyudad na.

Ito na ngayon ang larawan ng Maynila, kaliwa’t kanan ang impraesktruktura; ang pagpapaganda ng kapaligiran ay tinutukan at seryosong inaayos;

Dahil kinastigo at pinarusahan ang ilang tiwaling pulis-Maynila na sangkot sa tiwaling gawain ay ligtas na sa krimen ang siyudad;

Ang serbisyo ay nakatutok sa lahat ng humingi ng tulong maging ito man ay mahirap o mayaman, walang bahid ng kulay o partido ang pagsisilbi ng administrasyon ni Yorme.

Manila, God first!

***

Sabi dati ni retired Chief Justice Reynato Puno, dahil sa unitary presidential system of government ay napakasama ng politika sa Filipinas.

Ito ay kanyang binanggit sa isang constitutional convention noong Sept. 2015 sa Legazpi City sa Albay.

Horrible, disastrous daw ang presidential form of government natin na ang sentro ng kapangyarihan ay nakabukod at naiipon sa kamay ng isang pangulo.

Sabi ni CJ Puno, kaya raw tamang maging pambansang bayani si Dr. Jose Rizal kasi noon pa, nais nito na gawing gobyernong federal ang sistema sa ating bansa, at ito kahit paano, makapagbibigay ng mas matino, mas mahusay na serbisyong bayan sa mamamayang Filipino.

Ang totoo, wala namang perpektong sistema, kasi may katiwalian din sa mga bansang federal at parliamentary ang porma ng gobyerno.

Pero mas malakas ang poder ng taumbayan sa sistemang pederal na isinusulong ni Presidente Rodrigo Roa Duterte pero bakit urong-sulong ang mga lawmakers natin?

Kasi, mas pabor sa mga tiwaling politiko maruming sistema natin na katuwang ang ilang ahensya ng gobyerno na nabibili, nasusuhulan at nagagawang takutin ng mga mandarambong na politiko.

****

Uso na naman ang mga kangaroo o trumpong kangkarot sa Kongreso at Senado. Amoy na amoy na kasi ang eleksiyon kaya ang mga nasa oposisyon, pwedeng biglang tumalon sa tropa ng mga mapeperang politiko.

O palista na kayo sa mapeperang politiko at pumila sa agos ng pondong pang-eleksiyon.

May tatalon tiyak sa Liberal Party ni VP Leni Robredo na gustong mag-amoy pawis upang iboto ng mga nanggigitata sa pawis.

Pero ang tanong: May pera ba ang bag ni Mam Leni at kung may pera, handa niya bang gastusin ito?

E, paano ang partido o kakampi ni Sen. Many Pacquiao – na ang ilan ay nagwawala na dahil inaaway na nito si Pangulong Duterte?

Baka ang dahilan ay si Sen. Koko Pimentel, hahahaha!

***

Ayaw natin ng gulo, at ang nais ng bansa ay kapayapaan at pagsulong sa kabuhayan at mapabilis ang ating kaunlaran.

Nais natin ay mga lider na ang layunin ay isaayos ang pamahalaan at maiayos ang mga kamalian, at sugpuin ang katiwalian at tapusin ang kahirapan.

Ayaw ng bayan ng mga lider na magsusulong ng isang rebolusyon at nais nila, isang bagong rebolusyon ng pagbabago sa kalagayan ng mahihirap na makatakas sa kahirapan at magkaroon ng malusog na katawan, matatag na hanapbuhay, magkapagtamo ng kalidad na edukasyon at makapagtamo ng maraming serbisyong bayan.

Ayaw natin sa mga lider na parang ewan!

***

Ang kapalaran ng political dynasty ay hindi dapat iasa lamang sa nauudlot na pagtitibaying batas sa Kongreso dahil suntok sa buwan na asahan pa ito – kumbaga, parang nais mong maging butiki ang buwaya at maging dilis ang isang piranha.

Nasa kamay ng mga botante ang pagwasak sa dinastiya, at kung ang masang botante ay patuloy na pasisilaw sa alok na salapi, at patatakot sa pananakot at hindi ang pagtitiwala sa sariling lakas ng boto nila, mananatili ang dinastiya sa ating bansa.

Ihalal ang mga tunay na magsisilbi sa atin, hindi ang gagamitin ang ating mga balota, upang patuloy tayong apihin at gamitin.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply