Banner Before Header

Mabuhay ang Malayang Pamamahayag! 

0 123
ILANG kaibigan ay tinanong ako: Bakit sa kabila na marami nang journalist ang targeted sa pananakot at pagpatay – pinakahuli ay ang celebrated murder kamakailan ng ating kapatid sa pamamahayag na hindi ko na banggitin ang kanyang pangalan, sige pa rin ako sa propesyong ito.

Dagdag dito, ang pananakot, death threats at kasong libel at karahasan laban sa journalist, ito ako, sige lang sa pagsusulat ng mga kolum na kritikal sa malalaking tao sa gobyerno, negosyo at polisiya ng pamahalaan.

Nangyayari ang ganitong risko o peligro sa aming mamamahayag kahit nga, sinasabing protektado ng Estado ang freedom of the press, of speech and assembly.

Nakalulungkot, kasi ayon sa Committee to Protect Journalists (CPJ), “the Philippines is still the 7th most dangerous country for journalists worldwide.”

Dahilan: marami raw sa mga kasong pagpatay sa kapwa nating mamamahayag na nananatiling unsolved o wala pang nadarakip o napaparusahan sa mga suspek mula 2021.

Latest nga, iyong pagpatay sa isang mamamahayag noong October 2022 – na bagaman natukoy ng DOJ ang sa paniniwala ng prosecutor ay may kinalaman sa krimen, tulad ng dati, tatagal ito ng maraming taon.

Nobyembre 23, 2009, kabilang sa marahas na pinaslang ay 32 journalist sa 58 tao na ibinaon sa mga hukay sa Maguindanao massacre – na ang suspek ay ang kilalang angkan sa Mindanao.

Ganyan nga kapeligroso ang buhay mamamahayag, pero sa kabila nito, nananatili pa ring maalab, masigla ang tapang ng marami sa amin sa pagbatikos sa maraming kabulukan sa gobyerno at mga pribadong tao o kompanya na nagpapahirap sa taumbayan.

Sabi ng CPJ, nasa 3 porsiyento lang ang nahatulan sa mga suspek sa pagpatay sa mga mamamahayag.

May paniniwala naman na marami sa mga pagpatay sa journalist ay hindi dahil lang sa may inupakan o may kaugnayan sa trabaho, anila, posible mga personal na dahilan.

Bagaman, marami sa pagpatay na naisampa sa hukuman ay makikitang may kinalaman nga sa trabaho ng kapwa natin mamamahayag na biktima ng kalupitan ng mga politiko o mga taong may kapangyarihan sa gobyerno.

Dahil sa ganitong sitwasyon, nagiging mahirap, matagal ang paghahanap ng katarungan para sa biktima at kanilang mga pamilya.

Kaya nga, masasabi ko, hindi para sa mahihina ang puso, walang matatag na tibay ng kalooban at tapang ang propesyon ng pamamahayag.

Nangyayari rin kasi, ilang kapatid sa propesyon ay hindi propesyonal, masasabing abusado nga at hindi batid o walang pakialam sa kakabit na responsibilidad sa paghahayag ng opinyon at pagbabalita.

‘Yung iba kasi, iresponsable talaga, hindi parehas at mahilig pang gamitin ang power of the press sa katiwalian.

Banat na lang kasi nang banat, kahit alam na hindi totoo, kasinungalingan ang isinusulat, at ang paniniwala sa sarili, sila ay may kapangyarihang itaas at ibagsak ang dangal at integridad ng biktima ng iresponsableng pamamahayag.

Sa mga nakausap ko, na ‘old timers’ nananatili pa rin ang freedom of the press, of expression sa bansa, at naaabuso pa nga ang kalayaang ito.

Tanging noong panahon ng martial law noong 1972, sabi ng old guardians of the press, nakaranas sila ng pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag at naging malaya na sa pagpasok ng dekada 80 sa pagsulpot ng tinatawag nilang “mosquito press.”

Siyempre kung masyado kang kritikal sa gobyerno at nagkakalat ng kasinungalingan ang isang print at brodcast media, may karapatan ang Estado na ipagtanggol ang sarili nito sa mga tao o pangkat na nais itong siraan at ibagsak.

Sa kapwa ko media workers, sana ay lagi tayong kumapit sa maayos na pagsunod sa itinakdang propesyonalismo sa ating propesyon, at kung maharap tayo sa harassment, mga kaso ng panggigipit, libelo at iba pa, may mga grupo tayo, tulad ng National Press Club (NPC) na handa tayong tulungan.

Ang mahalaga, matapat tayo, laging nasa panig ng totoo sa ating pagsusulat, at kung maging kritikal sa pagbatikos, hayaan na laging magbigay ng panig o pagkakataon ang mga tao o kompanya na sa palagay ay “sinisiraan” o “hinahamak” ang kanilang pagkatao at reputasyon.

Maging parehas tayo palagi, at ‘wag tayong pagagamit sa gawaing ang nais ay ibagsak ang pamahalaan, at maaasahan nga natin, gaya ng sabi ko, ang bagsik ng kamay ng Estado na may tungkuling ipagtanggol ang sarili.

Sinusuportahan natin ang mga panukalang i-decriminalize o alisin ang parusang kulong sa mga kasong libelo at sana ang ating Kongreso ay muling rebisahin ang mga batas at mas mabigyan pa ng proteksiyon ang malayang pamamamahayag.

Mahalaga ang papel ng media na ang tawag nga ay “Fourth Estate” dahil ito ang nagsasatinig ng mga daing at naisin ng mamamayan laban sa abuso sa pamahalaan; at sa kabilang dako, kasangkapan ang media sa pagbuo sa maayos, matiwasay na gobyerno, at nagpapatibay ng tiwala sa taumbayan na suportahan ang pamahalaan at ang ating demokrasya.

Kung walang laya ang pamamahayag, iiral ay masamang gobyerno.

Kung walang kalayaan sa pamamahayag, masisikil ang karapatan ng taumbayan, at ang kawalan nito ang isa sa maraming dahilan ng mitsa ng pag-aalsa.

Tandaan na ang kalayaan sa pamamahayag ay isang mahalagang haligi sa katatagan ng isang pamahalaan at ng ating demokrasya.

Mabuhay ang Malayang Pamamahayag!

(Para sa inyong mga suhestiyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply