Banner Before Header

Magpakita Naman Tayo Ng Tapang Laban sa China

0 1,551

NAPAPANAHON nang baguhin ang polisiya ng bansa sa masyadong “pagkiling” sa China — na hindi naman “kaibigan” ang pagturing sa atin.

Tama na kaibiganin natin ang China, tulad ng ibang bansa, pero ang pagkakaibigan ay nakasalig sa katapatan at maayos na pagbibigayan.
Hindi natin ito nakikita sa kasalukuyang relasyong Pilipinas at China.
Ano-ano ang mga katibayan at katotohanan?
Hindi pagkilala ng China sa hatol ng International Court sa Hague na atin nga ang mga Isla sa Spratley at iba pang isla na sakop ng ating economic zone.
Katunayan, hindi lamang iisa kungdi pinararami pa ang mga instalasyong pandagat at military na itinayo sa mga pulo ng Spratleys na ngayon ay labis na ikinababahala ng US at lumilikha ng malaking tensiyon sa kanila.
Tama ang posisyon na makipagkaibigan tayo sa China sa ngayon sapagkat tanggap natin ang katotohanan, hindi natin makakaya ang harapang makipagsagupa sa digmaan sa higanteng armas, military at ekonomya ng China — ngayon ay kinikilala ng buong mundo na isang superpower.
Maging ang US na may pinakamalakas na puwersang militar at sandatang nuclear ay atubili at andap na makipagkomprontasyon sa komunistang China.
Lalo na wala tayong kakayahang banggain ang lakas militar ng China na ano ang makakaya nating isagupa sa barko de giyera nila laban sa ating bangkang papel.
Iyan ang masaklap na katotohanan at tama nga ang postura ng administrasyong Duterte na maging “mahinahon” sa pakikitungo sa China, ito ay sa kabila ng lantarang “panlalamang” nito sa ating kabutihang loob.
Ngunit may “labanang maliliit” na kaya nating maipanalo.
Maaari namang magpakita tayo ng talas ng ating mga pangil sa pagkastigo sa mga Chinese na lumalabag sa ating mga batas at patakaran.
Tulad ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na ngayon ay walang pakialam sa batas natin ukol sa buwis.
Bilyon-bilyon ang utang nila sa atin, pero binabalewala ng mga Chinese online gaming operators ang ating gobyerno.
Kahit igiit natin, ayaw nilang magbayad ng tamang buwis sa katwirang ang negosyong sugal nila ay “offshore” at wala sa ating bansa.
Hindi natin iginigiit ang karapatan natin sa kanilang mga kompanyang itinayo sa ating mga lungsod at lalawigan.
Kung may magkasalang Chinese o nakagawa ng krimen, malambot nating inilalapat ang ating mga batas.
Sa kokonting halagang naibubuwis sa POGO, binabalewala natin ang krimeng dala-dala ng kanilang operasyon at paglabag sa ating mga batas tulad ng E-Commerce Act, money laundering, drug trafficking, prostitution, smuggling, illegal employment, kidnapping, extortion, torture at murder.
Ang nakababahala ay ang pagkatuklas na ilan sa mga nadakip sa kidnapping at pagbubugbog sa kapwa nila Chinese ay mga sundalo at opisyal ng People’s Liberation Army.
Naririto kaya sila upang kumuha ng maraming national security information upang madali tayong masakop kung dumating ang pagkakataong gawin ito?
Bukod dito, bunga ng malaya at walang problemang pagpasok ng maraming Chinese sa bansa, hindi malayong ipalagay na marami sa kanila ay nakapagdala ng nakamamatay na COVID-19 kaya tumataas ang bilang ng kasong COVID ngayon sa bansa.
Hindi natin iminumungkahi na magpakita ng tapang laban sa China na hindi natin makakayang mapanindigan.
Ngunit mahalaga na magpakita tayo ng malakas na pagtutol at pagkondena sa hindi parehas na trato ng pagkakaibigang ibinibigay ng gobyernong ito sa China.
Kahit ba kiyaw at magtaas ng boses ay hindi natin makakayang magawa?
‘Wag nating ipakita na wala tayong buto at gulugod kundi man ang bayag ng pagkabarakong tulad ng ipinapakita ng ating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kapwa niya Pilipino?
***
Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.
Leave A Reply