Banner Before Header

‘Malaya’ nga ba ang Pilipinas?

0 1,132
MASASABI ba natin na matagumpay ang pahayag ng kasarinlan ng ating bansa – noon?

Tunay nga bang “kalayaan” ang nangyari noong Hunyo 12, 1898?

O, ang araw na iyon ng sinasabing “kasarinlan” ay araw na dito, “naipagbili” ang ating mga pangarap bilang isang bansa at lahi?

Buklatin natin ang mga pahina ng ating kasaysayan.

Ang unang bugso ng pagpapahayag ng nais nating makalaya sa kuko ng mapanlupig na kolonyalistang Espanya ay nangyari maaaring Agosto 23 o kaya Agosto 26, nang sabay-sabay na pinunit ng mga manghihimagsik ang kanilang mga sedula sa pamumuno ni Gat Andres Bonifacio at mga kasapi ng

Sinasagisag ng pagpunit sa sedula ang pahayag ng kasarinlan mula sa Espanya, na sunod-sunod na naganap sa  Pugad Lawin (Balintawak), Kangkong, Bahay Toro at sa  Pasong Tamo – lahat ng lugar na ito ay nasasakop ngayon ng Lungsod Quezon.

***

Ano ba sa mga Pilipino noon ang sedula?

Napakahalaga nito na sa panahon natin, maitutulad ito sa isang pasaporte; isa itong opisyal na identification card, kumbaga sa ating panahon.

Noon, ang pagsira o pagpunit sa sedula ay katumbas ng krimeng sedisyon, at ito ay may katumbas na napakabigat na parusa.

Ayon sa mga aklat ng kasaysayan, kasunod o bago pinunit ng mga Katipunero ang kanilang mga sedula ay isinigaw nila ang pagpapahayag ng pagkalabot ng tanikala ng pagkaalipin sa gobyerno ng Espanya.

Deklarasyon iyon ng kasarinlan o ng kalayaan at pagpapatunay na ang mga Pilipino noon ay matagal nang nagnanais na makalaya.

***

Ang KKK o Katipunan na pinamumunuan noon ni Andres Bonifacio ang nagsindi ng mitsa ng rebolusyon na unang sumiklab ang madugong digmaan noong 1896 at natapos sa ikalawang yugto noong 1898.

Lubos, lantay at dalisay ang pagpapahayag ni Bonifacio ng kalayaan ng Pilipinas sa kolonyalistang Espanya, pero naiiba ang kalayaang inihayag ni Gen. Emilio Aguinaldo sa Kawit.

Kalayaan nga ba ito o pagpapatunay na huwad ang kasarinlang iyon pagkat kasabay nito, naideklara na ang pagiging “protektadong teritoryo” ang Pilipinas ng bagong mananakop, ang ‘Tadong Unidos.

Hanggang ngayon, tayo ay protectorate ng US – na ayon sa international law, ang isang protektadong teritoryo ay nasa pangangalaga ng isa pang bansa, sa paraang diplomatiko o sa pagsakop sa paraang militar.

Kung susuriing mabuti ang kasaysayan, ang pahayag ng “kalayaan” noong Hunyo 12 1898 ay isang huwad na kasarinlan, batay sa mga tunay na pangyayari.

Maraming bahagi ng bansa noon, lalo na ang pasigan ng Maynila at ng Cavite ay nasa kamay na ng hukbo ng US, sa pangangasiwa ni Admiral George Dewey ng US Naval Fleet na naka-angkla sa Manila Bay.

Dumating sa bansa si Aguinaldo sakay ng barko ng US mula sa Hong Kong noong Mayo 1898 at kailangan pang humingi ng permiso ang heneral na makababa sa pasigan ng Bacoor.

Alam ba n’yong labis na tinutulan ni Apolinario Mabini, ang henyong abogado ng Rebolusyon sa plano ni Aguinaldo na magdeklara ng Kalayaan?

***

Itinuro ng kasaysayan na “inismiran” lang ng US ang pahayag na kasarinlan ni Aguinaldo, at nong 1899, sumiklab ang digmaan ng Pilipino-Amerikano na natapos nang lubos na matalo ang pangkat ng rebolusyonaryong Pilipino noong 1902.

Sa giyerang ito, na talagang duhagi ang mga kababayan natin, tinatayang umaabot sa 600,000 hanggang isang milyong Pilipino ang namatay, at ito ay katumbas ng ika-10 bahagi ng ating populasuon noong panahong iyon.

Oo, “pinalaya” tayo ng US nang ibalik ang kalayaan sa politika noong Hulyo 4, 1946, pero bago ito ginawa ng mga Kano, tiniyak nila na ang buong bansa ay nakasandig, nakasampay at ganap na umaasa sa lahat ng bagay sa kapangyarihang militar, kabuhayan at maging sa kultura o kaisipang Amerikano.

Hanggang ngayon, kumbaga sa isang sanggol, maitutulad tayo sa karakter sa komiks na si “Bondying” na bagaman at matanda na, laging umaasa sa dede o gatas na ibibigay ng pamahalaang US.

Nagsasarili man tayo sa politika, sakal na sakal pa rin tayo ng kapangyarihang militar, politikal at ekonomya ng US at tulad ni Bondying, hindi tayo makatatayo sa sariling paa kungdi tayo bibigyan ng saklay o tulong ng US.

Ngayon ang tanong: Malaya nga ba tayo?

(Para sa inyong mga suhestiyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply