Banner Before Header

MALIIT NA ‘BROKER’ “NAG-IIYAKAN” NA!

0 389
SA HIRAP na dinaranas ng marami nating kababayan dulot ng COVID-19, hirap din ngayon ang maliliit na broker na naghahanap-buhay sa Aduana.

Naiiyak na at hindi na malaman ng mga maliliit na broker kung papaano pa sila mabubuhay.

Bukod kasi sa mahirap ngayon ang kargamento, hirap din silang sumabay sa iilang pinagpalang “bigtime players” sa pantalan.

Isa pa nilang daing, tuwing magkakaroon ng palitan ng opisyal sa mga puerto, bago na naman ang mga polisiyang ipinatutupad.

Unang utos, taasan ang mga sinisingil na buwis– kahit na wala sa lugar.

Kailangang “makiusap” ka ng husto, mula examiner, appraiser, Formal Entry, hanggang District Collector. Kapag “minalas” ka pa, “magtuturuan” sila kung may problema. At sa huli, “nasayang” lang ang “luha” mo.

Ang siste tuloy, nasusulot lang ng mga “bigtime player” na malalapit sa “kusina” ang kliyente ng maliliit na broker.

Hindi naman kasi apektado ang mga “bigtime player” ng mga ganyang sistema.

Para sa kanila, “tuloy lang ang ligaya.”

Hanggat nakapuwesto ang mga opisyal na protektor nila, wala silang dapat ikabahala.

Iyan ang nangyayari ngayon sa iba’t ibang puerto ng bansa maging sa Port of Manila (PoM) at Manila International Container Port (MICP).

Ang mahirap pa nyan, dagdag na ang pobreng broker sa binabayarang buwis pero ang “tara” hindi naman bumababa– may pagkakataon nga na tumataas pa!

Ano kaya ang masasabi ng mga kaibigan natin diyan sa BoC?

Abangan!

***

Habang hindi pa humuhupa ang banta ng COVID-19, inaasahang darami pa ang mga kababayan nating nagtatrabaho sa labas ng bansa ang babalik sa Pilipinas.

Pati nga mga kababayan natin na nakatira na sa ibang bansa ay umuuwi na rin kasama ang mga anak.

Sobra kasi ang dami ng nagkakasakit ng COVID-19 sa kani-kanilang pangalawang tahanan.

Kaya minabuti ng Bureau of Customs (BoC) na dagdagan ang mga tauhan ng NAIA collection district.

Nais nina BoC Commissioner Rey Leonardo Guerrero at NAIA District Collector Carmelita ‘Mimel’ Manahan-Talusan na mapaganda ang serbisyo sa ating premier international airport.

Ang pagdagdag ng mga bagong BoC personnel sa NAIA ay naglalayong mapabilis ang paglabas ng mga returning Filipinos pati na ang kanilang mga bagahe.

Nakikiisa ang BoC sa administrasyon ni Pangulong Rody Duterte sa paglaban sa COVID-19.

Sinisiguro rin ng BoC-NAIA ang maayos at mabilis na paglabas sa paliparan nang lahat ng mga imported na bagay na kailangan sa paglaban sa pandemya. Ito ang dahilan kung bakit 24/7 ang trabaho sa BoC-NAIA.

***

Malaki ang kinikita ng mga nagpupuslit ng sigarilyo sa bansa.

Kaya kung saan-saang pantalan na idinadaan ang mga kontrabandong sigarilyo.

At kung saan-saan din itinatago ang mga sigarilyo.

Pero ibang klase itong nagtangkang magpalusot ng sigarilyo.

Hindi na nila itinago ang mga kontrabando.

Nang buksan ang pitong 20-foot container sa MICP noong isang linggo ay bumulaga kaagad sa sa BoC ang mga sigarilyo!

Ayon kay Depcom for Intelligence Rainier Ramiro, galing sa China ang mga kontrabandong sigarilyo.

Kinilala din ni Ramiro ang consignee na Rhayanne Consumer Goods Trading.

Ang customs broker naman ay si Annaly Ladeza Almadin.

Ang pitong container van ay idineklarang naglalaman ng towels, school bags, bed sheets, non-wovens bags at fabrics.

Ang may-ari ng Rhayanne Trading at si Almadin ay nahaharap ngayon ng smuggling charges at mga kasong paglabag sa BIR at National Tobacco Administration rules and regulations.

***

Mahirap talaga ang kalagayan natin ngayon.

Nakita naman natin na ang ginawang pagluluwag ng gobyerno ay isa sa mga dahilan kung bakit patuloy na “lumolobo” ang bilang ng mga taong nagkakasakit ng COVID-19.

Pero kung hindi naman ginawa ito ng gobyerno, malamang na bumagsak nang tuluyan ang ating ekonomiya.

Kahit saan tayo lumagay ay disgrasya ang ating aabutin dahil wala pa namang lunas ang salot na ito.

Ang problema dito ay puno na ng pasyente ang ating mga ospital.

At ang kinatatakutan ng lahat ay paano na kung mahawa ang karamihan sa mga doktor at narses na nagtatrabaho na mga ‘frontliners?’ Saan kaya tayo pupulutin?

Kung nahahawa ang mga doktor, narses at mayayamang tao eh paano pa kaya ang mga taong walang maibili ng bigas at face mask?

Ang tanging magagawa natin ay magkulong na lang sa bahay at huwag nang lumabas.

Ang masakit pa, baka wala ng maibigay na ayuda ang gobyerno.

Iyan ang masaklap!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 09214765430/email: vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Leave A Reply