Banner Before Header

Mananagot ang mga BoC district, sub-port collector

0 183
HABANG papalapit ang Pasko, inaasahan ang pagdagsa ng mga  tinatawag na  “Christmas items.”

Maliban sa mga ititinda sa panahon ng holiday season, nandiyan rin ang mga naglalakihang “balikbayan boxes.”

Taon-taon ay ugali ng mga kababayan natin na nasa labas ng bansa ang magpadala ng mga pamasko sa mga kaanak at kaibigan sa Pilipinas.

Sa totoo lang, malaking problema nga ng Bureau of Customs ang port congestion kahit hindi panahon ng kapaskuhan.

Ito’y bunga naman ng mga overstaying at abandonadong  kargamento.

Kaya ang gusto ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero ay idispose na ang mga abandonado at kumpiskadong kargamento sa mga pantalan.

Ito ang order ni Commissioner Guerrero sa lahat ng mga hepe ng 17 collection districts sa bansa.

Ayon sa utos, ang lahat na overstaying imported shipment na walang problema ay ideklara ng abandonado.

Ang mga kargamentong may violation naman ay isyuhan ng warrant of seizure and detention.

Sakop ng seizure order ang mga prohibited, regulated at restricted goods.

Kasama rin ang mga kargamentong walang mandatory clearances at ibang kailangan ng import documents.

Dapat umaksyon na  ang mga district at sub-port collector kasi ilang araw na lang simula na ang “ber” months.

Kapag nagkaproblema sa mga pantalan dahil sa congestion ay mananagot ang mga kolektor.

Siguradong may kalalagyan sila kay Sir Jagger.

Tama ba, Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla?

***

Nakaalerto ngayon ang mga kawani ng BoC, lalo na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Hindi kasi puwedeng pumasok sa bansa ang mga poultry product galing Brazil.

Kamakailan ay ipinagbawal ng Department of Agriculture ang pag-import ng poultry products mula Brazil.

Ang ban ay inilabas kasunod ng mga ulat na ang mga chicken wings na galing Latin America ay nagpositibo sa Covid-19.

Matatandaan na may standing order si BoC Chief Rey Leonardo Guerrero na higpitan ang pagbabantay sa mga airport at seaport dahil sa banta ng Covid-19.

Pati mga bodega sa mga port of entry ay kailangang bantay sarado.

Mula naman noong Enero ay nakakumpiska ang mga tauhan ni Collector Mimel Talusan ng BoC-NAIA ng mahigit pitong daang kilo ng meat products na walang import permit.

Talagang naghihigpit  si Coll. Talusan, anak ni dating Customs Depcom Julie Singson-Manahan, para hindi makalusot ang mga iligal na produkto sa bansa.

Lalo na ang droga at pagkain na masama sa kalusugan.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).

Leave A Reply