Banner Before Header

MGA BANTAY NA TAKSIL SA TIWALA NG BAYAN

0 897
KUNG GUSTO talaga ng mga opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) na mawala ang malaking pagdududa ng publiko, makabubuting ilabas nila ang iba pang larawan at video ng mga preso na ang mga bangkay ay sinunog at inabo dahil sa sakit na COVID-19.

Pero may buwelta agad si BuCor Director General Gerald Bantag, sa kanyang pasaring sa publiko at ilang opisyal ng pamahalaan– kung may duda kayo e tanggalin ninyo ako dito.

Hindi masisisi ang publiko na paniwalaan ang teorya na hinokus-pokus ang istorya ng kamatayan ng maraming kilabot na drug lord na tulad nina Jaybee Sebastian at Amin Imam Boratong dahil nga hindi agad napabalita ang kanilang pagkamatay sa loob ng New Bilibid Prisons.

Maraming netizens at ilang senador ang nagtataka at nagdududa na baka pineke ang kamatayan nina Boratong at Sebastian. O kaya naman, ibang bangkay ang sinunog at inabo upang malayang mabuhay sa labas ng Bilibid ang dalawang kriminal.

At posible na ang ganitong hinuwad na kamatayan ay matagal nang nangyayari sa BuCor at ngayon lamang nabubulgar—sakaling mapatunayan ang tamang-duda ng publiko.

Kailangan ang matibay na pruweba ng pagkamatay at cremation kay Sebastian at ang paglilibing kay Boratong sa sementeryo ng mga Muslim sa Bulacan, sabi ni Sen. Ralph Recto.

Ang hinalang hinuwad o pineke ang kamatayan ng dalawang kondenadong kriminal ay nadagdagan sa pagtangis ni Roxanne, asawa ni Jaybee.

Bakit daw agad na isinailalim sa cremation ang kanyang asawa nang hindi ipinapaalam sa kanya, reklamo ni Roxanne.

Bakit walang kopya ng closed circuit television (CCTV) nang ilabas ang bangkay ni Boratong at nang sunugin at gawing abo ang bangkay ni Sebastian?

Kung totoong COVID-19 ang ikinamatay nina Jaybee at Boratong, bakit wala ni isang guwardiya ang nabalita na nahawa o namatay sa COVID-19 gayong ang virus nito ay mapanganib at mabilis na kumalat sa bilangguang nagsisiksikan sa mga preso?

Nakapagtataka na kung hindi pa inusisa si Bantag, hindi pa nito irereport kay Justice Secretary Menardo Guevarra na si Jaybee at walo pa ay kabilang sa 21 preso na namatay sa virus, kasama ang 15 iba pa sa NBP mula noong Marso?

May pagtatangka ba ang mga opisyal ng BuCor na ilihim sa publiko ang kahina-hinalang kamatayan ng mga preso — umano ay namatay sa COVID-19?

Bakit COVID-19 ang idinadahilang sanhi ng kamatayan ng mga katulad ni Jaybee?

“Protocol” na kung sa virus namatay, iniuutos na sa loob ng 24 oras ay idispatsa ang bangkay sa pamamagitan ng agarang cremation dahil sa takot o peligrong makahawa pa sa ibang tao.

Ibinabawal din na buksan ang body bag kaya mahirap matukoy kung iyon nga ang tunay na bangkay ng sinasabing preso na namatay.

Mahalagang testigo si Sebastian sa kaso ng nakapiit na si Sen. Leila de Lima na inakusahang tumanggap ng milyon-milyong piso mula sa ilegal na negosyong droga sa loob ng NBP noong siya pa ang Justice Secretary.

At kung totoo ang hinalang ibang bangkay ang inabo, nakatatakot isipin na ang isang kilabot na kriminal na tulad ni Jaybee ay maluwag na nakagagala na iba ang pagkatao at maaaring nagbago na rin ang mukha at pangalan.

Tama ang desisyon nina Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Sen. Richard “Dick” Gordon na magpatawag ng isang imbestigasyon upang malaman ang katotohanan at makasuhan ang mga may kagagawan ng maraming anomalya sa loob ng Bilibid.

Hindi sapat na itanggi lamang ang hinalang pineke ang kamatayan ni Sebastian at hayaang makawala sa pananagutan ang mga may kasalanan.

Peligro ang buhay ng publiko kung mapatunayang maraming kilabot na kriminal, mga drug lord at mamamatay-tao ang kasalamuha na iba na ang pangalan, mukha at pagkatao.

Napapanahong bulatlatin ang maraming anomalya sa loob at labas ng Bilibid at ihayag ang mga buktot na opisyal ng BuCor na masahol pa sa mga kondenadong kriminal sa Bilibid sa ginagawang pagtataksil sa tiwala ng taumbayan.

Napapanahong sila naman ang “ibilibid” sa kanilang katiwalian.

***

Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.

Leave A Reply