Banner Before Header

Mga magsasaka “saludo” kay PBBM!

0 117
SALUDO ang mga magsasaka kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. nang hindi ito pumayag  na pansamantalang ibaba ang taripa sa mga inaangkat na bigas.

Bago nito ay may mga nananawagan sa gobyerno na babaan ang rice tariff dahil sa pagsipa ng rice prices sa lokal na merkado na inangalan ng mga mamimili.

Napilitan pa ngang magtakda si Pangulong Marcos ng price ceilings para sa regular at well-milled rice para lang makatulong sa mga mahihirap sa bansa.

Paanong namang hindi matutuwa ang mga magsasaka,  eh panahon ngayon ng anihan ng palay sa bansa.

Ayon sa maraming sektor, ang mga  importador ng bigas at hindi ang mga kawawang magsasaka ang siyang makikinabang kapag binabaan ng gobyerno ang “rice tariff.”

Kapag mababa ang taripa, babaha ng imported rice sa bansa at siyempre bababa rin ang presyo ng palay na binibili ng mga negosyante sa mga magsasaka.

Dahil maraming pera, kayang itago muna ng mga negosyante ang mga binili nilang palay at hintaying matapos ang ahihan bago nila ipagiling ang mga ito.

Ang mga magsasaka naman ay napipilitang ibenta kaagad ang kanilang aning palay dahil kailangan nilang bayaran sa oras ang kanilang utang sa mga usurero.

Kaya tama ang desisyon ni Pangulong Marcos na huwag babaan ang rice tariff sa ngayon.

Isa pa, ayon kay Pangulong Marcos, ang projection ng mga agriculture at economic managers ay pababa na ang presyo ng bigas sa international na merkado.

“Tariffs are generally lowered when the price (of rice) is going up,” dagdag pa ng Ilokanong Presidente.

Inanunsyo ni Pangulong Marcos ang kanyang desisyon pagkatapos ng isang sektoral miting sa Malacanang.

Sa nasabing miting ay inisa-isang inilahad ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang “inputs on the proposed rice tariff reduction.”

Ang mga input ay galing ng Department of Finance (DOF), Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Budget and Management (DBM).

Sa nasabing pulong ay aminado sina NEDA chief Arsenio Balisacan at DA Undersecretaries Leocadio Sebastian at Mercedita Sombilla na talagang hindi napapanahon na ibaba ang rice tariffs.

Salamat, Pagulong Bongbong!

***

Hindi biro ang nangyayaring pagbaha sa maraming parte ng Metro Manila.

Perhuwisyo ito sa mga residente, motorista at mananakay, na karamihan ay mga estudyante at ordinaryong empleyado.

Masakit ito lalo na sa isang manggagawa na arawan ang suweldo.

Kapag kasi hindi siya nakapasok ay gutom ang kanyang pamilya. Saan siya kukuha ng pambili ng bigas at ulam?

Kaya dapat tingnang mabuti ng concerned government agencies kung bakit mabilis bumaha ngayon ang isang lugar.

Kung ang dahilan ay mga baradong daluyan ng tubig, kagaya ng mga estero at drainage canal, dapat linisin ang mga ito dahil ang pagbabaha ay perhuwisyo sa taumbayan.

May paki-alam kaya ito sa pinatigil na land reclamation projects sa makasaysayang Manila Bay?

Huwag natin pabayaang maging malalaking swimming pool ang mga mabababang lugar hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong Pilipinas.

***

Mukhang tumitindi ang “away” ng Pilipinas ang China sa West Philippine Sea (WPS).

Biruin mo ba naman na lagyan ng China ng “floating barriers” ang Scarborough Shoal, na ayon sa ating gobyerno ay nasa loob ng ating exclusive economic zone (EEZ).

Sa utos naman ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ay agarang inalis ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nasabing 300 metrong bakod.

Ayon sa mga otoridad, dapat lang na alisin natin ang “floating barriers” dahil delikado ito sa ating mga maliliit na fishing boats at insulto ito sa ating bansa.

Umani ng palakpak si Pangulong Marcos sa mabilis niyang pag-aksyon sa ginawa ng China.

Sana naman huwag ng lumala ang sitwasyon sa West Philippine Sea dahil baka maudlot pa ang inaasahang pagbangon natin mula sa pagkakalugmok bunga ng dalawang taong pandemya.

Sa tulong ng Estados Unidos, Japan, Australia, Canada, United Kingdom at iba pa nating kaalyado, sana malampasan natin ang panibagong pagsubok na ito.

Tama ba kami, Pangulong Marcos?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).

Leave A Reply