Banner Before Header

Mga ‘negosyante’ sa DOTr ayaw tumigil!

0 129
MAINIT na balita ngayon ang ikinakasang ‘transport strike’ ang ‘Manibela,’ isang koalisyon ng mga jeepney drivers at operators dahil na rin sa isyu ng ‘phaseout’ ng mga jeepney.

Nagbabala naman ang grupo na magwewelga sila simula Marso 6 hanggang Marso 12 sakaling magmatigas ang LTFRB na huwag bawiin Circular 2013-13 na magtutuldok sa pamamasada ng mga jeepney pagpasok ng Hunyo.

Ang phaseout ng mga jeepney ay nasa ilalim ng programa ng gobyerno na ‘modernisasyon’ ng ating public transport sa ilalim ‘Public Utility Vehicle Modernization Program’ (PUVMP) na ipinilit, ehek, binuo ng DOTr sa administrasyon ni Pang. Rody Duterte.

Ayon sa mga transport leaders na nakausap natin, ang pagpipilit ng DOTr-LTFRB dito sa PUVMP ay malinaw na pagsuway sa pangako noong kampanya ni PBBM na ‘no phase-out’ sa mga ‘traditional jeepney.’

Anila pa, marapat lang na suspindihin at muling pag-aralan ang programa dahil nakadisenyo ito umano hindi para sa modernisasyon, bagkus, bilang isang napakalaking negosyo na gustong pagkaperahan lang ng ilang opisyal sa DOTr—kasehodang mabaon pang lalo sa hirap ang mga kawawang jeepney driver at kanilang mga pamilya.

Para naman sa iba pang grupo sa transport sector katulad ng National Public Transport Coalition (NPTC), AKSK at NACTODAP, hindi lang ang “modernisasyon” (kuno) ang “target” ng ilang mga negosyante, ehek, opisyal, dyan sa DOTr, partikular na sa LTO at LTFRB.

Sa ilalim pa rin kasi ng PUVMP, pati ang ‘emission testing’ at ‘vehicle inspection’ ay gusto ring maging “monopolyo” bilang negosyo ng mga nasabi pa ring opisyal sa DOTr.

Oops! Kasama sa naging “pakana” ng DOTr sa ilalim ni Sec. Art Tugade ay itong NCAP—nasa camera ang pera, ehek, ‘no contact apprehension policy’– na mabuti na lang at patuloy na hindi inaaksyunan ng Korte Suprema.

Kung sinasabing “problema” ng public transport sector ang MC 2013-13 ng LTFRB, problema pa rin nila itong Department Order (DO) 2018-019 at DO 2019-002, kasama na MC 2018-2158 patungkol naman sa pagtatayo ng mga ‘private motor vehicle inspection centers (PMVICs).

Kumbaga, kung “target” ng LTFRB na gatasan, ehek, gawing modern ang mga PUVs, hindi naman nagpapahuli ang LTO na ang asinta naman ay ang mga private vehicle owners at mta PUVs kaya, “walang lusot” si Juan dela Cruz!

Pero teka, sa pag-aaral naman ng NPTC, lumalabas anila na “iligal” itong PMVIC dahil hindi ito nasusulat sa kahit anong batas!

Sa kanila pa ring liham kay DOTr Secretary Jaime Bautista noong Pebrero 6, sinabi rin ng grupo na labag din sa batas ang mga inilabas na utos ng LTO pabor sa PMVIC.

Masyadong hahaba ang ating diskusyon sa mga problema at kontrobersiya na bumabalot ngayon sa ating transport sector, mga kabayan.

Sapat nang sabihin na panahon na siguro upang ipatawag na mismo ni PBBM ang mga apektado at nagrereklamong sektor para sa kanila na niya malaman na hindi serbisyo publiko, bagkus, negosyo ang gustong mangyari ng ilang opisyal ng DOTr sa mga ahensiyang may kinalaman sa ating land transport sector.

Eh, dapat siguro, ilipat mo na lang sila sa Deparment of Trade and Inddustry (DTI) Mr. President? Mukha kasing doon sila mas bagay, hehehe!

Abangan!

Leave A Reply