Banner Before Header

Mga “oligarko” hindi imperyalismo” ang kagyat na kalaban natin

0 378
PATULOY na nasasayang ang buhay ng marami nating mga kabataan at iba pang mga kababayan sa altar ng armadong rebolusyon na isinusulong ng CPP-NPA, upang “labanan” ang anila’y mga “salot” sa ating lipunan—ang “imperyalismong US,” “burukrata kapitalismo” at “pyudalismo” (IBP).

Ito kasi ang “naibaon” na “linyang pampulitika” ni CPP founder Jose Maria Sison higit 50 taon na ang nakaraan—at lumalabas na “epektibo” pa rin hanggang ngayon, batay sa ating patuloy na nasasaksihan.

Subalit, ang IBP nga ba ang tunay na “kaaway” ng sambayanang Pilipino at “ugat” ng ating kahirapan, katulad ng sinasabi ni Sison?

Ang alternatibong sagot sa tanong na ito, mga kabayan, ay “hindi.”

Dahil kung talagang “imumulat” natin ang ating mga mata, malinaw na hindi lang mga Kano—na higit 200 taon na ngayon tayong pinapakialaman—ang nasa likod ng ating bansot na ekonomiya at malawakang kahirapan, bagkus, ang dominasyon ng mga “oligarko” sa ating buong ekonomiya at pulitika.

Pansinin kasi natin: Sila, ang mga oligarko, ang may kontrol sa ating tubig, kuryente, telekomunikasyon, mga transportasyon, etc., etc. At ngayon, kahit nga ang Internet at ‘e-commerce’ kontrolado na rin nila.

Kumbaga, ang lahat ng mahahalagang “sangkap” para umunlad ang ating ekonomiya ay nasa kontrol nila kaya paano uunlad at aasenso ang bayan at buhay ni Juan, aber?

Aber, kahit ang mga “panginoong maylupa” na ayon sa CPP-NPA ay dahilan kung bakit nasa “pyudalismo” pa ang estado ng ‘Pinas, hindi ba at umangal din sa monopolyong kontrol ng mga oligarko sa ating ekonomiya at lipunan?

Sa ganitong sitwayon, malinaw na “panis” na at pinaligpasan na ng panahon ang idelohiya ni Sison.

Masahol pa, “inililigaw” nito ang mga Pinoy sa kung ano at sino ba talaga ang tunay na kaaway na dapat nating “kalabanin.”

At heto pa. Sa galing at talino ni Sison at iba pang lider ng CPP-NPA, “imposible” namang hindi nila makita ang katotohanan ng ating sinasabi, hindi ba?

Subalit bakit tahimik sila dito?

Eh, dangan kasi itong mga kumpanya ng mga oligarko, “nagbibigay” ng ‘revolutionary tax’ sa CPP-NPA.

Samantala, CPP-NPA din ang “ginagamit” ng mga oligarko upang pabagsakin ang gobyernong hindi nila gusto, katulad ni Pres. Marcos noong 1986 at Pang. Erap noong 2001.

Kaya ba hindi sinuportahan ng mga komunista si Pang. Digong sa kampanya nito na disiplinahin ang mga oligarko sa tubig at kuryente? Dahil pinagkakakitaan nila ang mga ito?

Sa ating pulitika, hindi naman IBP ang “nagmamando” kung sino ang mga kandidato at sino ang mananalo.

Hindi ba ang mga oligarko rin na hawak at kontrolado rin ang malaking bahagdan ng ating mass media at kahit ang pondo na gagastusin ng mga kandidato sa bawat halalan?

Panahon na para mamulat ang mga Pinoy sa panlilinlang ni Sison at ang inilalako pa rin niyang IBP bilang tatlong batayang problema ng ating lipunan.

Mga lokal na oligarko ang kalaban natin, mga kabayan. Wala nang iba pa,period!

Leave A Reply