Banner Before Header

Mga opisyal at kawani ng BoC, natuwa sa paghirang kay Rubio

0 174
MARAMING nagulat nitong nakaraang Biyernes, Pebrero 10, 2023, nang i-anunsyo ng Malacanang na may bagong hirang na komisyuner ng Bureau of Customs (BoC).

Paanong hindi sila magugulat, noon lang Martes, Pebrero 7, ay pinuri pa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang mga taga-BOC dahil sa kanilang magandang performance sa ilalim ni Comm. Yogi Filemon Ruiz. Kasama kaya sa nagulat si Comm. Ruiz? Nagtatanong lang naman.

Ang papuri ni PBBM ay nakasaad sa kanyang mensahe sa mga opisyal at kawani ng  ahensya, na nagdiriwang noon ng kanilang 121st founding anniversary.

Ang mensahe ng Punong Ehekutibo ay binasa ni Secretary Benjamin Diokno ng Department of Finance (DOF), na kung  saan ang BoC ay isang attached agency.

Ayon kay Pangulong Marcos, “BoC’s more than P862-billion revenue collection, 34 percent higher  than the P643 billion it collected in 2021, was commendable.”

Dagdag pa ng Pangulo: “In fact, I note that all your collection districts have surpassed their revenue targets in 2022, which enabled the BoC to exceed your target for the year.”

Ang bagong komisyuner ng BoC ay si Bienvenido ‘Ben’ Y. Rubio, na unang pumasok sa BOC bilang Special Agent 1 noong 2001, ay isang Ilocano na tubong Batac, Ilocos Norte.

Pinalitan niya si Ruiz, dating regional director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Visayas, na itinalaga sa Aduana noong Hulyo 2022.

Maraming opisyal at kawani ng BoC ang natuwa sa pagkakahirang ni Rubio na hepe ng ahensya.

“Tama lang ang ginawa ni Pangulong Bongbong Marcos dahil isang ‘insider’ si Commissioner Rubio,” ayon sa isang customs-based na mamamahayag.

Bago naupo si Ruiz, ang mga naging hepe ng BoC ay pawang “outsiders”. Ito’y sina Capt. Nicanor Faeldon, Philippine Marines; P/Maj. Gen. Isidro S. Lapena, Philippine National Police at Gen. Rey Leonardo M. Guerrero, Armed Forces of the Philippines.

“Dahil insider sa BoC, alam na alam ni Rubio ang ‘ins and outs’ sa tinatawag na ‘snake-infested waterfront,’” dagdag naman ng isang babaeng small-time broker.

At dahil he rose from the ranks, naniniwala tayo na alam din ni Comm. Rubio ang mga ‘deerving customs personnel’ na naging kasama niya sa hirap at ginhawa.

Matapos maging Intelligence Officer 1, naging officer-in-charge din si Comm. Rubio ng Intelligence Division ng Port of Manila (POM) at Manila International Container Port (MICP).

Nagsilbi rin siyang intelligence officer III at IV bago naupong Director III noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte.

Dahil bihasa sa intelligence at investigative work, malaki ang magagawa ni Comm. Rubio para magtagumpay ang kampanya ng BoC laban sa ismagling.

Lalo na ang ismagling  ng mga ipinagbabawal na gamot, na kagaya ng  shabu, kush marijuana at ecstacy, at produktong agrikultura.

Sa totoo lang, ang kampanya laban sa pagpasok ng mga iligal na produkto sa Pilipinas ang isa sa prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Marcos.

***

Ang daming pumalakpak sa pangako ng Commission on Elections (Comelec) na mahigpit na ipatutupad sa darating na barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) elections ang pagbabawal sa tinatawag na “premature campaigning.”

Mismong si Comelec Chairman George Erwin Garcia ang nangakong parurusahan nila ang lahat ng mga kandidatong lalabag nito.

Ayon sa poll body, hindi sakop ng Supreme Court ruling “that virtually nullified premature campaigning, or engaging in election activities outside the campaign period, as an election offense.”

Ayon pa sa Comelec, ang 2009 ruling ng Korte Suprema  ay sakop lamang ang automated elections.

Paliwanag ng poll body, ang darating na village at youth elections ay “manual” lang at hindi computerized na kagaya ng national and local political exercises.

Okay ang desisyon ni Chairman Garcia, na isang batikang election lawyer.

Pero ang gusto ng taumbayan ay dapat paghahabulin ng mga taga-Comelec ang mga pulitikong makikialam sa darating na BSKE ngayong Oktubre 30, 2023.

Dahil non-partisan ang dalawang elections, bawal ang mga politiko na makialam dito.

Pero public knowledge naman na aktibong nakikialam ang mga politiko sa nasabing mga eleksyon bilang paghahanda sa darating na mideterm election sa Mayo 2025.

Tama ba kami, Pangulong Marcos, Vice President Sara Z, Duterte at Chairman Garcia?

(Para sa inyong komento, sumulat o mag-text sa #0916-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang buong pangalan at tirahan).

Leave A Reply