SA pagdinig kamakailan ng Senate Blue Ribbon Committee, gilalas na sinabi ni Senador Richard Gordon na umabot na sa US$633-milyon o katumbas ng P52-bilyon ang ipinasok sa bansa ng 60 indibidwal — marami ay Chinese at ilang Filipino.
Ang hinala ng senador, ang salaping ito na “cold cash,” kung ipasok sa mga pantalan at paliparan ay posibleng ginagamit ngayon sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), o maaaring sa money laundering o kapital sa mga negosyong itinatayo sa bansa.
Ayon kay Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, ang salaping cash ay ipinasok sa bansa mula Setyembre 2019 hanggang Pebrero 2020.
Nabatid na 49.77 percent ng US dollar ay idineklarang gagamitin sa palitan ng salapi (foreign exchange); 15.01 percent ay para sa casino; 2.77 para sa negosyo; 1.81 para uli sa paglalakbay; hindi naman naideklara kung saan gagamitin ang 6.14 percent ng salapi.
Isa pang kinababahala ni Gordon ay ang impormasyon na marami sa mga POGO worker at iba pang Chinese na malayang nakapasok sa bansa bunga ng visa-on-arrival program ay may iba nang pangalan at pagkatao na ginagamit. Kasabwat ang mga korap na tauhan ng Local Civil Registry Office at kapalit ng malaking halaga ng salapi, ang isang ilegal na dayuhan ay gumagamit ng pangalan ng isang namatay nang Pilipino.
Higit na nakababahala, ayon naman kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson, mayroon nang 3,000 kasapi ng People’s Liberation Army (PLA) ng China ang nasa bansa para sa isang “immersion mission.” Layunin ng “paglubog” sa masa ng mga opisyal military ay magsagawa ng espionage.
Kinatigan ni Gordon ang expose ni Lacson na sinabing malaki ang posibilidad na naririto ang mga opisyal ng PLA para mangalap ng “intelligence” at mahahalagang impormasyon tungkol sa politika, military at ekonomya ng ating bansa. Sinabi ito ni Gordon nang makuhanan ng military ID ang dalawang Chinese national na nasangkot sa isang barilang naganap sa Makati kamakailan.
Gaya nang dati, mariing itinanggi ng Philippine National Police ang sinabi nina Lacson at Gordon, gayunman, sinabi ni PBGen. Bernard Banac na iniimbestigahan na ang pagkakasangkot ng mga Chinese sa ilang kriminalidad.
Tungkol sa hinalang mga espiya ang mga POGO worker, “wala pa kaming nakukuhang impormasyon na sila nga ay nagtatrabaho bilang mga espiya.”
***
NAGSIMULA ang malaking problema sa “pesteng POGO” nang simulan ng Immigration ang “visa-on-arrival” upang palakasin ang turismo ng mga dayuhan sa bansa; ito naman ay sinamantala ng masasamang Chinese national at sa pakikipagsabwatan ng mga korap sa Bureau of Immigration, inumpisahan ang “Pastillas scheme” — na kapalit ng limpak-limpak na salapi, madaling nakapapasok ang maraming ilegal at kriminal na dayuhang Chinese sa bansa.
Dito na nga nagsimula ang mga problemang nagpapasakit sa ulo ng gobyerno at ng maraming Pilipino.
Kung tama ang assessment at datos na nakuha sa Immigration, umaabot na raw sa 500,000 ang Chinese national sa bansa. Umusbong na kasunod nito ang pagdami ng mga negosyong Chinese sa pagdami ng operasyon ng POGO sa maraming lugar sa Metro Manila at mga lalawigan.
Kasunod nito, dumami na ang prostitusyon para sa dayuhang Chinese; dumami na rin ang lugar ng may bisyong alak at droga at kasunod nito, ang pagdami ng mga kaso ng pagpatay, kidnapping, at iba pang krimen na kasangkot ang mga dayuhang Chinese, Taiwanese, Korean at mga kasapakat na Pilipino.
Kung may prostitusyon, ano ang magiging kasunod nito? Sexual disease, human trafficking at hindi malayo na maging biktima ang marami sa kabataang lalaki at babaeng Pilipino na sa kagustuhang kumita ng salapi ay malubog din sa prostitusyon at gawaing kriminal.
***
Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.
(May karugtong pa sa susunod na labas)