Banner Before Header

Mga Pesteng POGO ng Chinese (3)

0 883

NOONG una, sabi ni Presidente Rodrigo Roa Duterte na pinag-aaralan niya na isara na o patigilin ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa bansa.  Pero ilang araw lang, binawi ito, sabi ni Presidential Legal Counsel Secretary Atty. Salvador “Sal” Panelo, na acting Spox pa siya bago ini-apoint si Atty. Harry Roque bilang permanent Presidential Spokesperson, wala raw dahilan, walang reason para i-shut down.

Pero ang di alam noon ni Sec. Panelo, maraming Chinese national na POGO worker ay nasasangkot sa maraming gawaing kriminal, korapsiyon; ayon sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) P14-B ang perang “nalabada” na sa mga casino at iba pang negosyong itinayo kaugnay ng POGO.
Bilyong piso rin daw ang hindi nababayaran ng POGO operators, ilang POGO worker ang nakuhanan ng ID ng People’s Liberation Army ng China at nakalubog na sa maraming lugar para mang-espiya. Ilan sa kanila ay sangkot sa kidnapping, prostitution at sex trafficking?
Hindi po ba ito sapat na rason para i-shut down ang POGO. Kung ipinatitigil ni Duterte ang lahat ng illegal gambling — jueteng, masiao, saklang patay, sabong, sugal lupa, pergalan at lottery, bakit hindi ang POGO?
Sa panahon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino, P56-milyon ang nakolekta noong 2015 mula sa processing fee lamang ng POGO. Tama, hindi sa panahon ni Duterte nagsimula ang operasyon ng POGO, kungdi sa panahon ni Aquino na kumolekta lamang ng
P72-M noong 2016, ayon sa batikang brodkaster at kolumnistang si Sir Jake Maderazo.
Sabi pa ni Sir Jake, kumolekta ng P3.12-B ang gobyerno noong 2017 sa pag-upo ni Pres. Duterte, na sinundan ng revenue na P6.11-B para sa taong 2018; at nitong 2019 kumolekta sa POGO operations ng P5.13-B.
Ayon pa sa rekord, kumita ang Duterte administration ng P18-B sa processing, regulatory fees mula sa 700 registered POGO workers mula sa 48 registered POGO operators at sa 239 service providers. Sa kabuuan, sa panahon ni Duterte at sa pangangasiwa ni PagCor chief Andrea Domingo, kumita ang gobyerno ng P33.03 bilyon!
Bakit noong panahon ni PNoy at PagCor Efraim Genuino, P57-M (2015) at P72-M (2016) lang ang kinita sa POGO? Tanong nga ni Sir Jake Maderazo, may nakinabang ba sa perang POGO sa panahon ni Aquino at Genuino at ganoon lang kaliit ang naireport na kinita sa POGO operations?
***
Siyempre, wala tayong maririnig na magandang komento mula sa kritiko ni Pres. Digong, kaya ang panawagan ni Vice President Maria Leonor “Leni” Gerona Robredo, dapat daw ay itigil na ang POGO. Kumikita nga ng malaki, pero ano ang sukli nito kungdi ang maraming krimen at sakit sa lipunan na nalilikha sa pagdami ng Chinese POGO workers at Chinese nationals na walang tigil ang dagsa sa bansa.
Kinastigo ni Senator Frank Drilon ang PagCor sa pagbalewala sa “social problems” na nalilikha ng POGO na ito ay agad na sinuportahan ni Surigao Del Norte Rep. Robert Ace Barbers na sinabing “dapat i-cancel ang permits of these to operate. Hindi naman na kailangan ng legislation diyan. Itong nangyaring pagpasok nila, hindi naman kailangan ng legislation.”
Kasalukuyan, maraming residente sa Cavite ang umaangal sa pagtatayo ng POGO sa Kawit sa dating Island Cove at sa itinatayong POGO sa dating FRC Mall sa Imus City. Dagdag pa rito ang warning ni Sen. Panfilo Lacson na mayroong 3000 Chinese military personnel na nagpapanggap na POGO worker para malaya sila na gumawa ng spy mission sa bansa.
Itinatanggi ito ng Chinese Embassy, pero hindi maikakaila, maraming sakit ng lipunan at perwisyo ang nagagawa ng mga pesteng POGO worker na ito sa katatagan, katahimikan at seguridad ng ating lipunan at bansa.
***
Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.
Leave A Reply