SABI ng iba, ang bagyong ONDOY ay maituturing na isang ‘Delubyo’– ang tubig-bahang nilikha nito ay nagpalubog sa halos buong Metro Manila, mga kalapit na lalawigan ng Rizal, Bulacan, Pampanga, Cavite, Bataan at iba pang lugar sa Central at Southern Luzon.
Bahang-gunaw nga ba iyon?, tanong ng marami, at ito ba ang bunga ng walang patumanggang pagsira sa Inang Kalikasan.
Noon pa natin naririnig – kaya bumubuhos ang bahang ulan at bahang putik dahil sa pagkalbo sa mga kabundukan at kagubatan.
Sa pagkakalbo ng mga ito, bukod sa humina ang pundasyon ng lupa at bato, namatay pa ang maraming likas na halaman at hayop at marami na sa mga ito ay kung hindi extinct (wala na) ay endangered ( o malapit nang maubos at mamatay).
Ilang pangulo na ba at ilang DENR secretary ang nahirang at naalis pero, ang patuloy na pagwasak sa ating kalikasan ay napigil ba nila?
Ang patuloy na pagmimina sa ating mga bundok, mga ilog, mga kailaliman ng lupa at dagat ay hindi rin napigil, bagkus, lalo pang naging mas matakaw, mas masiba – at ano ang kapalit nito?
Sa mga exploiter ng kalikasan, bilyon-bilyong pisong tubo.
Sa sambayanang Pilipino at mga lugar na sinalanta at winasak ang kalikasan, ang kapalit ng kakarampot na pakinabang sa trabaho ay ano nga ba:
Polusyon sa tubig, karbon sa ating hinihingang hangin, pagkawasak ng ating katawan at sa pag-alis ng pumintog na bulsa ng mga dayuhang kompanya, ang iniwan nito ay bangkay ng kalikasang ipinamana sa atin ng Lumikha.
Bunga nito nga, konting ulan, konting liglig at yanig ng lupa, ano ang nagiging resuta?
Kayrami nang trahedya at ito ba ay ating iisa-isahin pa gayong sariwang-sariwa pa sa ating alaala, ang bagyong Ondoy. Pablo at iba pa?
Sa bawat trahedya o kalamidad na dumarating, ano ba lagi ang ang tugon ng pamahalaan dito: Pangako, relief goods, imbestigasyon at mga remedyong tapal-tapal at pagkatapos na muling gumanda ang panahon, muling gagahasain ng mga kompanyang dayuhan sa pahintulot ng pamahalaan, ang ating kalikasan.
At sa pagbabalik ng mga mas mabagsik na bagyong tulad nga ni Ondoy, muling iiral ang pangako at babaha rin ang luha at dalamhati na mas malalim pa sa mga bahang-ulan at bahang putik!
Muli at muli nating makikita ang pagkukumahog ng pambansang pamahalaan at ang panlilimos ng awa ng mga lokal na pamahalaan, at kasunod nito ang “pagpapaganda ng imahe ng mga tiwaling nasa gobyerno” upang ipangalandakan: Kami ang inyong tagapagligtas sa panahon ng kalamidad.
Patawarin kayo ng ating Dakilang Panginoong Diyos!
***
Kahit kayraming halos mamatay na sa gutom sa gitna ng pagkawasak ng kanilang kabuhayan, naiisip ba ng mga kandidatong nag-aambisyong maging lider at pangulong bansa ang KATUMBAS ng pagkain, gamot, serbisyo at tulong sa rehabilitasyon ng salaping inuubos nila sa kanilang informercial?
One TV commercial alone can give one meal to more than 25,000 flood victims!
Naalaala ko pa ang sabi noon ng yumaong Sen. Miriam Santiago, daan-daang milyong piso ang inuubos ng mga presidentiables, mga department secretares sa kanilang infomercial.
At sigurado sa mga darating na buwan at sa filing sa Oktubre ng mga nais kumandidato sa 2022 elections ay mga naglalakihan na anunsiyo sa media ang ating makikita o matutunghayan – na milyon-milyong piso ang ginastos.
Kung ang mga halagang ito ay itulong na lamang o ipambili ng mga bigas, delata, gamot, tubig at iba pa, ilang milyong mga mahihirap at mga nabiktima ng mga kalamidad at COVID-19 ang marahil ay magsasabi ng ‘Hallelujah!’ sa mga ating mga lingkod bayan at opiyales ng pamahalaan?
Sabi ng isang nakaaalam sa bayad sa ilang segundong anunsyo sa telebisyon: “Just one TV commercial alone can buy more or less 500 sacks of rice or 500 boxes or more of sardines containing 100-150 cans.”
Sabi pa niya sa atin: Isang commercial sa TV kung gustong itulong ay pwedeng-pwedeng itulong agad sa mga biktima ng mga bagyo at COVID-19 pandemic, etc.
***
Bigyan naman natin ng epasyo itong liham na ipinadala sa inyong lingkod ng isa nating masugid na tagasubaybay:
Dear Sir Bambi:
Ilang buwan na ang lumipas ng manalasa ang bagyong Ulysses sa Pilipinas at isa ang bayan ng Rodriguez (Montalban) Rizal sa naapektuhan. Ayon na rin sa Rizal Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, inabot sa 25,000 na pamilya ang naapektuhan. May mga tulong man na nakarating sa ating mga kababayan pero hindi lahat ay nabahagian.
Isa si Willie Revillame sa nagpaabot ng tulong pinansyal para sa Rodriguez.
Ang siste nga lang hanggang ngayon ay di pa nakakaabot sa mga tao ang nasabing tulong dahil may mga nagsasabing iniipit ng munisipyo ang donasyon.
Mayroong mga pari na nakausap si Willie at imbes na sa mga nabiktima mapunta ang donasyon para sila ang magbahagi ay inipit ng munisipyo, bagay na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakarating sa mga nasalanta ng bagyo.
Sana naman ay makonsensya ang mga nakaupo lalo na ang mag-amang Hernandez na nakaupo ngayon bilang Mayor at Vice Mayor ng Rodriguez, Rizal.
Konting respeto sana sa inyong kapwa tao at bawasan ang pagiging abusado.
Concerned citizen
Adelaida Serrano ng Rizal
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).