Banner Before Header

‘Nabubuhay sa pagkukunwari’

0 196
NAGKAROON na naman pala ng ‘Giyera Patani’ sa Kongreso noong Miyerkules, Setyembre 1, 2021.

At ang “nagbangayan” ay si NCIP (National Commission on Indigenous People) chair, Allen Capuyan at ang mga “itinuturo” na kinatawan ng Partido Komunista (CPP) sa Kongreso, na sina Rep. Eufemia Cullamat at Rep. Isagani Carlos Zarate ng Bayan Muna.

Bukod sa pagiging tserman ng NCIP, ‘executive director’ din ng NTF-ELCAC (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict) itong “mistah” ni DILG secretary Ed Año sa PMA ‘Matikas Class of 1983.’

At ang “isyu” ni Cullamat at Zarate—na panay ang tanggi na “hindi” sila opisyales ng CPP pero hindi rin naman makondena ang mga pang-aabuso at walang habas na pagpatay ng CPP-NPA—ay ang ‘conflict of interest’ umano ni Capuyan dahil malinaw, dalawa ang posisyon nito sa gobyerno.

Anila pa, mistulang ‘extension’ ng task force ang NCIP sa “pag-atake” sa mga katutubo na bintang pa nila ay hindi rin nagsisilbi sa interes ng mga ‘IPs’ (indigenous people).

“Unang-una marami ka pong sinasabi, Congresswoman Cullamat, na mga kasinungalingan. Nabubuhay ka sa propaganda,” ang sumbat, ehek, resbak naman ni Capuyan.

At bago pa maging ‘out of hand and out of bounds,’ wika nga ang diskusyon, ay pinutol na agad ni committee chair at Negros Oriental Rep. Jocelyn Limkaichong ang diskusyon, kasabay nang utos kay Capuyan na mag ‘I-am-sorry’ kay Cullamat bilang kinatawan ng Kongreso.

Ipinatanggal din sa rekord ng Kongreso ang mga tinuran ni Capuyan.

***

Sa panig naman ng mga miron at kung babalikan, hindi ba noon lang Nobyembre 28, 2020, napatay ang anak na babae ni Cullamat sa engkuwentro ng militar at NPA sa Surigao del Sur?

Paanong nangyari na hindi alam ng kanyang mga kasamahan sa Bayan Muna at ng liderato ng Kongreso na mayroon pala silang miyembro at kasamahan na ang pamilya ay aktibong kasapi ng teroristang grupo na ang tanging pakay ay ibagsak at palitan ang buong sistema ng pamamahala sa pamamagitan ng dahas at armadong pakikibaka (NPA din ang asawa ni Cullamat).

Kamakailan naman, isang mag-asawang komunista ang sumuko sa Leyte kung saan ibinisto rin nila ang koneksyon ng Bayan Muna sa CPP.

Alam nila ito dahil matagal silang kasapi ng NPA bago sila inilipat nang “gawain” bilang mga organisador ng Bayan Muna sa isla ng Leyte. Hindi rin ba ito alam ng liderato ng Kongreso?

At kung mabilis ang “depensa” ni Cong. Limkaichong kina Zarate at Cullamat, eh, harinawang walang kinalaman ang katotohanan na hanggang ngayon, “naglipana” pa rin ang CPP-NPA sa Negros kung saan, noon lang Agosto 20, napatay si Kerima Tariman, isang mataas na lider ng CPP-NPA sa Silay City, Negros Occidental.

Batay pa rin sa rekord, sa Negros Oriental na teritoryo ni Cong. Limkaichong, ilang “engkuwentro” na ba sa pagitan ng militar at NPA ang nangyari sa nakaraan pa lang na dalawang buwan?

Ang punto natin dito?

Eh, masyado namang “balat-sibuyas” itong mga kongresista at liderato ng Kongreso samantalang “nasa harapan” na nila ang malaking problema!

Paano nga ba “aasenso” ang ating bayan at maibabalik ang kredibilidad ng ating Kongreso kung ang karamihang miyembro d’yan, nasanay nang mabuhay sa pagkukunwari?

Leave A Reply