Banner Before Header

‘Nakinig’ din kay Alan Peter C ang DOH

0 334
SINIMULAN na ngayong Miyerkules, Nobyembre 17, 2021, ang pagtuturok ng ‘booster shots’ laban sa COVID-19 sa hanay ng mga ‘medical/frontline health workers.’

Nakalinya para gamitin sa booster shot ang mga bakuna ng Pfizer, Astrazeneca, Sinovac at Sputnik.

Mainam ang hakbang na ito, sa opinyon ng mga miron, dahil nga parang ‘seesaw’ pa rin ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19, dahil “taas-baba” ang kanilang bilang, ayon na rin sa ulat ng Department of Health (DOH).

Sa naging desisyon naman ng gobyerno na magbakuna ng booster shots, isa sa mga nagpahayag ng “pasasalamat” ay si dating House Speaker at ngayon ay senatorial candidate (ulit) na si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano, kasama ang kanyang grupong ‘BTS’ (Balik sa Tamang Serbisyo) sa Kongreso.

Kung babalikan kasi, ang BTS at si Cayetano ang “nangulit” sa DOH at kay Sec. Francisco Duque, na mabigyan ng booster shot ng bakuna sa COVID-19 ang mga health workers, mga senior citizens at mga ‘immunocompromised’ mula pa noong buwan ng Agosto.

Aber, ginawa pa ngang “pormal” ang panawagan sa pamamagitan ng isang House Resolution na inihain sa Kamara noong Sept.13, 2021.

Dalawang beses din palang sumulat si Cayetano kay Sec. Duque at IATF upang kumbinsihin ang mga ito na ipatupad ang booster shot sa mga health workers, senior citizens at immunocompromised.

Hmm. Marahil, “nagpalipas” lang ng ilang panahon ang IATF at si Sec. Duque, bago “sundin” ang ‘Cayetano Proposal,’ para lang masabi na “sila” ang “bida” sa desisyong ito? Ano sa tingin mo, incoming Romblon representative, Joey Venancio?

Tandaan natin, kahit may mga mumunting bagay na tayong dapat ipagdiwang sa ating laban kontra COVID-19 tulad na lang ng pagbasura sa mga ECQ, nalalapit na herd immunity ng ibang mga lugar sa ating bansa at pagbasura sa mandatory use ng face shield sa mga lugar na nasa alert level 3 pababa, dapat pa rin na agapan ng booster shot ang mga kababayan natin na nasa peligro ang buhay dahil sa COVID-19.

Isa na nga dito ang ipinupunto ni Cayetano na mga medical frontliners dahil sila ang ‘first and last defense’ sa pagharap sa pandemya.

Sa katunayan, hindi lamang ito isang malaking hakbang para protektahan hindi lamang ang health workers kundi ang buong sambayanang Filipino mula sa COVID-19!

Paliwanag pa ni Cayetano, ito ay isa ring booster shot sa ating ekonomiya dahil marami na namang negosyo ang muling magbubukas at marami na namang hanapbuhay ang maaaring makamtan ng ating mga kababayan.

Lalo na ngayong may itinakdang 3-day national vaccination program sa buong bansa.

Huwag nating kalimutan na hindi sumusuko ang COVID-19 sa pagpapahirap sa buong mundo. Narinig nyo na ba ang bagong ‘sub-variant’ ng Delta variant na nakapasok na sa iba’t ibang bansa sa Europa maging sa Amerika?

Sinasabing ang sub-variant na ito ay 15 porsiyento na mas “mabangis” at mas mabilis makahawa sa iba pang COVID-19 variant kaya hindi talaga tayo dapat magpatumpik-tumpik sa ating mga hakbang sa anti-COVID response.

At ang mga hakbang na ito ay dapat kasabay ng ating mga pagsisikap na maiahon ang ekonomiya ng ating bansa at ang kabuhayan ng milyon-milyong mga Pinoy na iginupo ng pandemya.

Ang sabi pa nga ni Cayetano,“grabe ang sakripisyo ng ating mga health frontliners. Sila talaga ang mga sundalo natin sa efforts natin na labanan ang pandemic. Hindi puwede na puro pasasalamat lang tayo sa kanila. Kailangan nila ang ating tulong at suporta.’’

Tama si Cayetano, napaka importante ng booster shots na ito para sa nasabing ‘priority group’ dahil wika-nga, “time is running out.”

Kailangang mabigyan ng proteksyon ang ating mga health workers dahil hindi lamang COVID-19 ang sakit na kanilang kinakaharap sa pagtupad ng kanilang mga trabaho.

Leave A Reply