MARAMI tayong tinatanggap na reklamo kaugnay ng palakasan sa pamimigay ng ayuda at ibang tulong ng gobyerno sa taumbayan.
Dapat gumawa ng batas ang Kongreso para siguradong makarating sa taumbayan ang mga tulong ng gobyerno.
I-require ng Kongreso na i-post ng mga barangay chairman, mayor at gobernador ang listahan ng mga nakatanggap ng ayuda sa maraming lugar.
Tanggalin sa puwesto ang hindi susunod sa proposed na batas.
Hindi lang yan. Kailangang makulong din sila at hindi na puwedeng humawak ng alin mang puwesto sa gobyerno.
Panahon na para gumawa ng ganitong batas
Kung hindi, baka lumala pa ang problemang ito.
Marami kasing lingkod-bayan na hindi serbisyo ang pakay kundi negosyo.
Tama ba kami, Senador Bong Go at DILG Sec. Ed Año?
***
Noong M artes ay naglunsad ang Bureau of Customs (BoC) ng Online Customer Feedback System sa Port of NAIA.
Ang Port of NAIA ay pinamumunuan ni district Collector Carmelita “Mimel” S. Manahan-Talusan. Ang quick response (QR) code-based system ay konektado sa dashboard ng NAIA.
“It reflects real time statistics on stakeholders’ feedback,” ayon sa report.
Noong trial ng system ay nakatanggap ang Port of NAIA ng overall rating na 3.82.
Ang ibig sabihin nito ay satisfied ang mga kostumer sa performance ng nasabing puerto.
Ang paglunsad ng online feedback system ay alinsunod sa utos ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero.
Ang direktiba ni Sir Jagger ay higit pang pag-ibayuhin ang serbisyo sa pamamagitan ng modernization, transparency at digitalization.
***
Dahil malapit na ang eleksyon, umaali-aligid na naman ang mga politiko, lalo na sa mga probinsiya.
Ayon sa ating miron, nagsimula nang maghanap ng “mabibiling” botante ang mga tatakbo sa 2022 election.
Syempre tuwang-tuwa naman ang mga “nagbebenta” ng boto.
Ang masakit, “vote-buying” ang ugat ng korapsyon at katiwalian sa gobyerno.
Kapag nanalo ang isang vote-buyer ay siguradong babawiin nito ang kanyang ginastos kapag naupo na siya sa posisyon na gusto niya.
Hindi naman ito papayag na basta kalimutan na lang ang kanyang “malaking puhunan.”
Ang iba nga sa kanila ay nangungutang pa para lang may pambili ng boto.
Dapat matigil na ang pamimili ng boto.
Pero sa totoo lang, mahirap patunayan sa korte ang vote-buying.
Walang aaming vote-buyer o vote-seller.
Talagang malaking problema ang pamimili at pagbebenta ng boto tuwing eleksyon.
Wala na ba talagang magagawa ang Commission on Elections sa problemang ito?
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email: tingnannatin@gmail.com. Ilagaya lang ang buong pangalan at tirahan.)