NAKAKABILIB si Doc Willie Ong na ‘sinaktan’ ng ilang tao, dahil iba ang gusto nilang bise- presidente na makatambal ni Manila mayor Isko Moreno.
Naiintindhan naman niya kung ayaw sa kanya, basta si Doc Ong, “Wala akong complain, basta ako, go lang, tuloy lang sa pagkampanya.”
Napakaginoo ng doktor na ito – na sa paniwala natin, ay magiging napakahusay na bise presidente kung mananalo.
Kung maipupuwesto, tamang-tama kay Doc Willie ang maging Health Secretary kasi isa siyang practicing cardilogist at internist, at tunay na mababa ang loob at makamahirap.
Si Doc Willie ang adviser ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa health issues ng Maynila kaya ang bilis-kilos na sagot sa pandemyang COVID-19 ang nagligtas ng maraming buhay ng maraming Manilenyo at taga-ibang lugar.
Ang masaya, kahit may ibang itinutulak na kandidato, matatag ang sabi ni Yorme Isko: Tanging si Doc Willie ang kanyang kapartner, wala nang iba.
At mantra nila sa mga botante: “Wala kaming iwanan, hanggang sa uli, hanggang sa dulo ng eleksyon, buo ang Team Isko-Doc Willie.”
Sabi ni Doc Willie, iginagalang niya ang pasiya ng tao at kung ano ang nasa puso, nasa isip na ibotong bise presidente, “iginagalang ko po, wala pong sama ng loob … basta ang mahalaga, mahal natin ang Pilipino.”
Kaya marami ang nagmamahal kay Doc Willie, kasi iba siya: mapagmalasakit, mapagkalinga, tunay na doktor ng bayang Pilipino.
***
Kahit ayaw ng ilang taga-Maguindanao kay Doc Willie, abah, marami naman ang may gusto sa kanya sa Pampanga, Bulacan, Laguna, sa Cavite, sa Bicol at marami pang lugar.
Sabi nga ni Ernest Ramel, chairperson ng Aksyon Demokratiko, buo, matatag ang tindig at pagtitiwala nila kay Doc Willie.
“Siya lamang ang aming vice president!” sabi ni Ramel.
***
O, mga kapatid sa El Shaddai, maliwanag ang sabi ni Bro. Mike Velarde, malaya kayo na pumili ng gusto n’yong iboto, walang sapilitan.
‘Yung nagpapakalat ng ‘Maritess’ na ititiwalag sa El Shaddai ang kokontra sa gusto ni Bro. Mike e hindi totoo ‘yon: Fake news ‘yon.
So, mga kapatid sa El Shaddai, baka naman, pwede na nyong iboto sina Yorme Isko at Doc Willie, kasi, sila ang da best choice ngayong May 2022 elections.
***
Maraming gustong mag-donate kay Doc Willie, pero ayaw niya, kasi baka raw may hingin sa kanyang kapalit.
“Gusto kong i-maintain ang policy ko na ‘no-strings-attached.’ Kasi baka ma-kompromiso ang kapakanan ng tao, kaya ayaw ko,” sabi ni Doc Willie sa mga reporter.
Basta masaya siya, sabi ni Doc Willie ang paninigurado sa kanya ni Yorme Isko nang sabihin nito sa media: “Kay Doc Willie lang ako.”
At lantaran ang pangangampanya ni Yorme Isko kay Doc Willie na laging sinasabi, kailangan niya ang magaling na doktor sa gobyerno at ang taong iyon ay iisa lang, tanging si Doc Ong, walang iba!
***
Nakakagulat at napakasaya naman ang ipinakitang mainit na pagtanggap ng mga opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) transition government kay Yorme Isko sa pangunguna ni Interim Chief Minister Ahod “Al-hajj Murad” Ebrahim.
Sa pag-uusap nina Chief Ebrahim at Yorme Isko, nagkasundo sila na magtutulungan na maisaayos ang maraming problema sa BARRM para matamo ang matagal nang problema sa kahirapan, kaguluhan; magtutulungan sila para magkaroon ng kapayapaan at mabuting kabuhayan ang mga kapatid nating Muslim sa Mindanao.
Ipinangako ni Yorme Isko, kung siya ang presidente, lahat ng kasunduan, batas at tuntunin nakasaad sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) at sa Bangsamoro Organic Law (BOL), ipatutupad niya.
At ang kamay ng gobyernong Moreno, pangako ni Yorme ay ibibigay ang lahat ng pangunahing kailangan sa BARRM, tulad ng maramihang pabahay, de kalidad na edukasyon, maayos at mabilis na serbisyo ng mga doktor, nars at ng mga ospital.
Sana nga, si Yorme na ang maging presidente para ang matagal nang pinangarap na katahimikan at kapayapaan sa Autonomous Bangsamoro region ay mangyari na rin – sa wakas.
***
Uy, nakakagulat ha, maraming kongresista sa Bulacan ang lumantad at nagpahayag ng suporta sa LUNAS partylist na 1st nominee si Bryan Raymund Yamsuan, kaya magandang balita ito sa mga ‘No Work, No Pay’ workers.
Gusto ni Yamsuan na itong mga arawan o karaniwang trabahador tulad ng food servers, food delivery at courier riders, tindera, mga piyon sa konstruksiyon, mga talent sa entertainment industry at iba pa e masaklolohan ng gobyerno kasi kaawa-awa pag hindi nakapagtrabaho kung biglang may emergency.
Nung mag-lockdown o kung may bagyo, paano makakapagtatrabaho kung sarado ang kompanya, at ang resulta, walang sahod, walang pambili ng pagkain ang pamilya.
Gutom sila at alam natin, pag kumulo ang tiyan sa gutom, sabi nga, walang batas-batas sa taong mauutas sa gutom.
Panukalang benepisyo at ayuda sa mga ‘No Work, No Pay” ang adhikain ng LUNAS partylist at ng inyong lingkod, numero 58 sa balota ang dapat nating markahan sa Mayo 9.
Sana kayo rin!
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).