UMAANI ngayon ng kantyaw, at “tamang hinala” sa social media ang ‘second autopsy’ sa bangkay ni Crestituto Villamor Palaña, aka, ‘Jun Villamor’ na misteryosong namatay sa Bilibid noong Oktubre 18, 2022.
‘Saktong namatay si Villamor ilang oras lang habang isinasagawa ni DILG secretary Benhur Abalos ang ‘press conference’ hinggil sa naging “pagsuko” naman nitong si Joel Escorial, ang ‘self-confessed gunman’ sa pagpatay naman noong Oktubre 3 kay radio blocktimer, Percival Mabasa, aka, Percy Lapid.
Dahil naging ‘sensational’ ang pagkamatay ni Mabasa, buong gobyerno ang “nataranta” at kumilos upang maresolba ang kaso at mahuli ang mga suspek.
Biglaang “natigok” si Villamor matapos sabihin ni Escorial na isa sa mga kasabwat nila sa pagpaslang kay Mabasa ay nakapiit sa “bilibid” (National Bilibid Prison, Muntinlupa) na walang iba kundi siya pala! Inaasahan na si Villamor sana ang makapagtuturo kung sino ang ‘mastermind’ sa Mabasa case. ‘Yun nga lang, dead men tell no tales,’ hehehe, ayy, huhuhu!
Dahil naman gustong malaman ang katotohanan at mahubaran ang mastermind at buong pangyayari, pinayagan ni DOJ secretary Boying ‘Bossman’ Remulla ang hirit ng pamilya Mabasa na magkaroon ng ‘second autopsy’ kay Villamor, kahit pa mayroon nang isinagawang autopsy ang NBI. Sa buod, sinasabi ng NBI na “sakit sa puso” ang ikinamatay ni Villamor.
Translation? Tulad ng pamilya Mabasa, “tamang duda” rin si Secretary Boying sa resulta ng NBI autopsy, sampu ng ating mga kababayan na mahilig sa ‘conspiracy theory.’
Pinagbigyan din ng DOJ ang hiling ng pamilya Mabasa na si Dr. Raquel Fortun, isang kilalang ‘pathologist’ at propesor sa UP College of Medicine ang magsagawa ng ikalawang ‘independent autopsy’ sa bangkay ni Villamor.
Sa isang press conference noong Sabado, Oktubre 29, kasama si Sec. Boying, inihayag ni Fortun ang resulta ng kanyang awtopsiya kung saan, sinabi niyang ‘homicide by suffocation’ o ‘asphyxia’ ang ikinamatay ni Villamor matapos itong “isupot” (nilagyan ng plastic bag ang ulo) kaya ito namatay.
Ayon pa nga sa “opinyon” ni Dr. Fortun: “There is information that he expressed fear for his life shortly before his (Villamor) demise and that he died from suffocation by means of a plastic bag over his head. Based on available information…the manner of death is homicide.”
Natutuwa naman ang publiko na dahil sa kanyang ‘policy of transparency,’ inilabas ni Sec. Boying sa ‘Twitter account’ ng DOJ ang buong autopsy report ni Dr. Fortun.
At dito ngayon pumapasok ang “tamang duda” at pagkuwestyon sa social media sa pagiging expert ni Dr. Fortun, kung saan kahit ang kanyang pagiging kilalang “Dilawan” ay nakaladkad pa, aguy!
Hindi lang kasi mga katulad nating mga walang alam ang nagkokomento, bagkus, kahit ang mga iba pang pathologists na masasabi rin namang mga “eksperto” katulad ni Dr. Fortun.
Aber, dalawa ngang kapwa-eksperto ni Dr. Fortun ang tinanong natin at ang sagot nila?
Eh, “dapat” napatunayan o lumabas sa autopsy ni Dr. Fortun ang mga “sintomas” (symptoms) at “senyales” (signs) na “sinupot” nga itong si Villamor, eh, “bakit” daw wala silang nabasa sa ulat ni Dr. Fortun, ganern?
Ilan na rito ay ang labi at balat ay nagiging ‘bluish’ kapag ikaw ay namatay ‘by suffocation’ at nagkakaroon din ng mga ‘spots’ sa mata at baga (lungs) ng biktima (petechial hemorrhages). Nagkakaroon din anila ng “bula” (foam) sa daanan ng hininga/hangin at ‘mucus’ (plema na may hangin) sa baga ng biktima.
Ang tanong nila, “bakit” hindi naman nabanggit ang mga ito sa autopsy report ni Dr. Fortun?
Translation? ‘Not supported by physical/pathological evidence (daw) ang “opinyon/kongklusyon” ni Dr. Fortun na “sinupot” kaya namatay si Villamor, ganern?
Oops! Hindi natin “minemonos” ang kredibilidad at galing bilang pathologist ni Dr. Fortun– na kapatid ng ating kaibigan na si Atty. Raymond ‘Archie’ Fortun, dating abogado ni Pang. Erap.
Nalulungkot pa nga tayo na dahil sa mga nabanggit at sa kanyang pagiging ‘identified’ bilang Dilawan, nasisira ang kanyang kredibilidad, ang kredibilidad ng kanyang report at siyempre, ang kredibilidad ng DOJ.
At lahat din naman tayo ay gustong maresolba na ang kaso ni Mabasa.
Pero kung ganitong hindi mapaniwalaan ng kanyang mga kapwa-eksperto ang report ni Dr. Fortun, paano na, hindi ba, dear readers?
Abangan!