P1 trilyon koleksyon sa buwis, kaya nga ba?
“A NEW record high!”
Ganito natin ilalarawan, mga kabayan, ang naitalang bagong record ng Bureau of Customs (BOC) pagdating sa revenue collection para sa taong 2023.
At tila talagang malaki ang naging improvement ng ahensiya, na dati ay lagi natin naririnig at nababasa sa mga balita, na isa sa pinaka-corrupt na ahensiya ng ating pamahalaan.
Sa panayam sa ating programang ‘Paul’s Alarm sa Radyo Pilipinas’ nitong Sabado, Enero 6, ibinida ni BOC assistant commissioner at spokesperson na si Atty Vincent Philip “Jett” Maronilla, na pumalo sa halos isang trilyong piso (P1 trillion) o katumbas na P911 bilyon ang nakolekta ng BOC para sa taong 2023, na may surplus na mahigit P10 bilyon.
Ipinagmalaki niya na nagrehistro ang Aduana ng 5.56 porisyento pag-angat ng koleksyon kumpara sa nakubrang P863 bilyon noong 2022 o “pasobra” na mahigit P48 bilyon.
Siyempre pa, hindi magagawa ang mahusay na koleksyong ito kung hindi sa pamumuno ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio, na mula nang maupo sa puwesto, ‘who rose from the ranks,’ wika nga, kaya “kabisado” ang buong operasyon ng ahensiya.
Bukod sa pagtaas ng revenue collection, ipinagmalaki rin ni Atty. Jett na nahigitan din ng BOC ang itinakdang target collection ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) na P874.2 billion para sa taong 2023.
Ipinunto pa ni Atty. Maronilla na ang naging tagumpay sa koleksyon ng ahensiya ay dahil sa maayos na pagpapatupad ng “digitalization” kung saan 99 porsiyento ay natapos na bago matapos ang 2023. Pipilitin aniya, na sa taong ito, na ang lahat ay makatupad na sa 100-porsiyento na “digitalization” ng Aduana.
Sa tagumpay na ito, nagpasalamat pa rin si Atty. Jett sa ating Kongreso at Senado sa kanilang pasuporta sa ‘budget requirements’ ng ahensiya. Ito ay kahit pa nga kapag walang maisip na isyu ang ilang kongresista at mga senador, BOC ang palaging “binabatan” para lang maibalita sila ng midya, hehehe!
At dahil sa pambihirang performance na ito ng BOC, inasasahan hindi lamang ng DBCC, higit sa lahat ng publiko, na maaabot ang P1 trilyon koleksyon para sa taong ito.
Kung ang ating national budget ay nasa mahigit P5 trilyon, ibig sabihin nito na nasa 1/5 o 20 porsiyento nito ay mula sa koleksyon ng BOC.
At bakit natin ibinabalandra ang isyung ito, Finance Secretary Benjamin Diokno? Ito ay upang magsilbing inspirasyon ang inukit na record ng BOC sa iba pang ‘income generating agencies’ ng ating gobyerno. Ika nga, kung nagawa ng BOC, bakit hindi rin magagawa ng iba?
Kung ang lahat ay magtatrabaho ng maayos, malaki ang posibilidad na makabayad tayo kahit paunti-unti sa ating utang panlabas, gayundin, maiiwasan ang sobrang pag-utang dahil makaka-kolekta na tayo ng sapat para sa gastusin sa mga proyekto at pangangailangan ng ating pamahalaan.
Muli, isang bagsak para sa Bureau of Customs! At mabuhay kayo at ipagpatuloy pa ang inyong magandang serbisyo para sa bayan!
At siyempre, ang maiiwang tanong: “Kaya” nga kaya ng BOC ang P1 trilyon koleksyon ngayong taon? Abangan!