Banner Before Header

P147.78-B, koleksyon ng BoC mula sa ‘fuel marking program’

0 229
Masasabi natin na talaga namang tagumpay ang ‘Fuel Marking Program’ (FMP) ng gobyerno.

Kagaya ng inaasahan ng marami, malaking buwis ang nakolekta ng gobyerno sa implementasyon ng programang ito.

Mula Setyembre 4, 2019 hanggang Disyembre 31, 2020, ay “tumataginting” na P147.78 bilyon ang nakolektang buwis ng Bureau of Customs o BoC.

Ang Bureau of Internal Revenue (BIR) naman ay nakalikom ng buwis na umabot ng P23.94 bilyon.

Umabot naman ng 17.55 bilyong litro ng produktong petrolyo ang namarkahan ng gobyerno sa nalolooban ng mga nasabing buwan.

Ang pagmamarka ay ginagawa ng SGS Philippines at SICPA-SA.

Ayon sa record, para sa buong taon ng 2020, umabot ng 15.69 bilyong litro ng produktong petrolyo ang namarkahan.

Napansin ng BoC na tumaas ang volume declarations sa gasoline, diesel at kerosene.

 “Diesel comprised 61.54 percent of the total volume marked, followed by gasoline at 37.93 percent and kerosene with 0.53 percent,” ayon sa BoC.

Ang bulto ng minarkahan, 74.08 porsiyento, ay sa Luzon. Sumunod dito ang Mindanao at Visayas sa 20.92 porsiyento at 5 porsiyento, ayon sa pagkakasunod.

Ang Petron Corporation ang may pinakamaraming produktong namarmakahan.

Sumunod ang Pilipinas Shell Petroleum Corp., Unioil Petroleum Philippines, Inc, Seaoil Philippines Inc at Chevron (Caltex) Philippines Inc.

Sa taong ito ay nakatakdang ipatupad ng BoC at BIR ang susunod na parte ng programa.

Ito ang tinatawag na ‘field testing phase’ ng programa.

Dito ite-test ng BoC at BIR ang mga diesel, gasolina at gas sa mga retail station, tank truck, barko, depot at warehouse.

Dito na mabubuko ang mga nagtitinda ng mga produktong hindi nabayaran ng buwis.

****

Kamakailan lang ay dalawang sungay ng elepante at rhinoceros ang nakumpiska sa Port of Batangas.

Kasama rin sa nasakote ng mga tauhan ni District Collector Ma. Rhea Gregorio at Deputy Collector for Operations Filemon Mendoza Jr., ang 11 mineral stones.

Ang mga sungay at bato ay kinumpiska dahil sa paglabag sa Republic Act No.9147.

Ang batas na ito ay nag-aatas ng conservation and preservation ng wildlife resources at kanilang habitats. Isinalin na ng BoC ang pag-iingat ng mga sungay at bato sa DENR.

Ang mga kontrabando ay nakalagay sa isang shipment na naglalaman umano ng mga ‘household goods.’

Good job, Ma’am Rhea!

****

Handang-handa na ang Bureau of Customs sa pagdating ng mga bakuna laban sa Covid-19.

Sa katunayan, madalas makipag-meeting ang BoC-NAIA sa partner agencies at warehouse operators.

Noong Enero 13 at 14 ay nakipagpulong na naman ang mga taga-BoC-NAIA sa mga kinatawan ng DoH, Global Alliance for Vaccination and Immunization at NAIA warehouses.

Ang NAIA Customer Care Center at Covid-19 one-stop shop for Covid-19 vaccines ay siyang tutulong sa pagdating ng mga bakuna sa NAIA.

Ito ay ayon kay BoC-NAIA District Collector Mimel S. Manahan-Talusan.

Abala rin ang BoC-NAIA sa pagbabantay para hindi makapasok sa bansa ang lahat ng kontrabando.

Ito ay bilang pagtalima sa utos ni BoC Chief Rey Guerrero na lalong paigtingin ang kampanya laban sa ismagling.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Leave A Reply