SA KABILA ng tinatawag na “all-out war” ng administrasyong Duterte laban sa ismagling ay patuloy pa rin ang pamamayagpag ng mga nagpupuslit ng mga kontrabando sa bansa.
Kagaya nang katiwalian at korapsyon, mahirap talagang patigilin ang iligal na negosyong ito dahil sa laki ng kinikita ng mga ismagler at marami din ang nakikinabang dito.
Bukod diyan, marami rin ang islang puwedeng bagsakan ng iba’t ibang kontrabando, na gaya ng sigarilyo, bawal na gamot, bigas, asukal at iba pang produktong agrikultura.
Mahaba ang dalampasigan ng bansa. Kulang ng barko ang Philippine Navy, Philippine Coast Guard at Philippine National Police para bantayan ang coastline.
Kaya naman doble sipag ang mga taga-BoC.
Sa katunayan, nakasakote ang Bureau of Customs (BOC) ng mga kontrabando na nagkakahalaga ng P3.9 bilyon sa unang tatlong buwan ng 2022.
Ito ay resulta ng pinaigting na kampanya ng BOC laban sa iligal na pagpasok ng mga imported na produkto, kabilang na rito ang mga peke o counterfeit goods.
Sa isang kalatas noong nakaraang linggo ay sinabi ng BOC na ang mga tauhan ng Enforcement at Intelligence Groups ang nakasakote ng mga kontrabandong ito.
Ayon sa ahensya, nagsagawa ang kanilang mga operatiba ng 158 seizure operations laban sa mga kontrabando sa ibat-ibang parte ng bansa mula Enero hanggang Marso.
Akala siguro ng mga ismagler ay mawawalan na ng ganang magtrabaho ang mga opisyal ng BOC dahil sa palapit na ang wakas ng panunungkulan ng administrasyong Duterte.
Dito sila nagkamali dahil ang gusto ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero ay makasakote ng maraming ismagler bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte.
Sa ilalim ng ating Saligang Batas, nakatakdang umalis sa puwesto si Duterte at ang kanyang mga co-terminus na opisyal sa tanghaling tapat ng darating na Hunyo 30.
Gaya ng isinasaad ng Constitution, hindi kasi puwedeng tumakbo for reelection ang nakaupong Presidente ng bansa pagkatapos ng kanyang anim na taong termino.
***
Bakit kaya patuloy ang “brain drain” sa Pilipinas?
Ito ang laging itinatanong ng marami sa mga umpukan, lalo na sa mga barberya, tupadahan, terminal ng tricycle, lamayan, kasalan at iba pang pagtitipon.
Sa totoo lang, ang mga manggagawa nating naiiwan sa bansa ay baon na baon na sa utang samantalang asensado na ang mga kababayan nating nagtatrabaho sa ibang bansa.
Pati nga ang mga college graduate na nagtatrabaho lang sa mga shopping mall sa Dubai o Abu Dhabi ay malalaki na ang mga bahay sa Pilipinas.
Hindi lang ‘yon!
Marami rin ang mga nakabili na ng lupa na ngayo’y sinasaka ng mga magulang, kapatid o iba pang kamag-anak.
Sa kabilang banda, ang mga nagtitiyagang magtrabaho sa Pilipinas ay naipagbili na ang mga lupang minana nila sa kanilang mga magulang o ninuno.
Bakit kaya ng mga may-ari ng mga shopping mall sa ibang bansa na pasahurin ng mataas ang kanilang mga sales lady samantalang kakarampot lang ang sahod sa Pilipinas?
Wala talagang magagawa ang mga empleyado sa bansa kundi magtiis!
***
Nananawagan tayo at patuloy rin na nananawagan ang pamahalaan na magpabakuna na ang mga hindi pa nababakunahan upang makaiwas sa malalang sakit na dulot ng COVID 19.
Tinatawagan rin ang mga nauna nang nakakuha ng dalawang dose na magpa-booster upang mapataas muli ang immunity laban sa pesteng virus.
Nakita naman natin na kapag bakunado ang isang tinamaan ng COVID ay hindi lumulubha ang dinaranas na sakit.
Huwag na tayong maniwala sa mga taong kung anu-ano ang ikinakalat na balita kontra bakuna.
Ang importante, buhay pa tayo dahil nabakunahan tayo.
Madyadong delikado at mahal ang gastos kapag tinamaan ng COVID 19 ang hindi bakunado.
Huwag matakot sa BAKUNA!
Iyan ang magliligtas sa ating lahat.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)