HINDI “bombastic” ang dating ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R, Marcos Jr., pero “action man” ang ating idolo na dating senador mula Ilocos Norte.
Alam natin na sa administrasyon ni Apo Bongbong ay talaga namang may kalalagyan ang mga lumalabag sa batas, kasama na ang mga ismagler ng iligal na droga.
Kagaya na lang nitong suspek na inaresto ng mga otoridad sa Cebu City noong nakaraang Lunes, Hulyo 18, 2022.
“Dinampot” ang suspek ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) at PDEA habang tinatanggap ang isang pakete na galing sa The Netherlands sa kanyang bahay sa Cebu City.
Ang pakete ay naglalaman ng 3,984 piraso ng ecstasy na nagkakahalaga ng mahigit P5.072 milyon.
Sinabi ng BOC-NAIA, na pinamumunuan ni District Collector Carmelita Singson Manahan-Talusan, na ang pakete ay idineklarang naglalaman ng damit pambabae.
Si Collector Talusan ay anak ni dating Customs Deputy Commissioner Julie Singson-Manahan na kapatid ni Mayor Chavit Singson, presidente ngayon ng League of Municipalities of the Philippines.
Nahuli ang suspek nang magsagawa ang BOC-NAIA at PDEA, na kasama sa Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG), ng isang “controlled delivery operation” sa Cebu City.
Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act at Customs Modernization and Tariff Act.
Noong 2019, 2020 at 2021 ay nakapagrehistro ang BOC-NAIA ng 31, 43 at 57 drug busts, ayon sa pagkakasunod.
Sinabi pa ni Collector Talusan, na mas kilala sa tawag na “Ma’am Mimel,” na patuloy ang BOC-NAIA sa ginagawang operasyon laban sa mga ismagler na nagpaparating ng mga puslit na produkto sa premier international airport ng bansa.
Ang operasyon ay isinasagawa ng BOC sa pakikipagtulungan sa ibat-ibang ahensiya ng gobyerno.
Naniniwala tayo na magdadalawang-isip ang mga ismagler na idaan sa NAIA ang kanilang mga kontrabando dahil mga “eagle-eyed” ang mga nakabantay sa airport.
Tama ba kami, Collector Talusan?
***
Sa Linggo ay isang buwan na sa puwesto sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at Bise Presidente Sara “Inday” Duterte-Carpio.
Kahit napakaraming mabibigat na problema ang kinakaharap natin ay naniniwala ang marami sa atin, kasama na ang mga ordinaryong tao, na malalampasan natin ang mga nito.
Ang kailangan lang ay tulungan natin ang Malakanyang at ang Kongreso para iwasto ang mga dapat iwasto sa gobyerno.
Iparating natin sa mga kinaukulang ahensiya ang mga problema at puwedeng solusyon sa mga ito.
Malaki ang magagawa ng mga opisyal at kawani ng mga barangay sa buong bansa para iparating naman sa taumbayan ang mga mahahalagang impormasyon.
Sila kasi ang araw-araw na nakakasalamuha ng mga residente at alam din nila ang mga problema at pangangailangan ng mga ito.
Hindi ba, DILG Secretary Benhur Abalos?
***
Mabuti at tinanggal na ang mahigit isang milyong ‘beneficiaries’ ng 4Ps na hindi na raw karapat-dapat na tumanggap ng ayuda mula sa gobyerno.
Sana lang, ang mga ipinalit ay ang mga walang-wala para naman matulungan sila ng gobyerno.
Tama ang ginawang paglilinis sa listahan ng beneficiaries ng 4Ps ng kaibigan nating si Secretary Erwin Tulfo ng Department of Social Welfare (DSWD).
Matagal na kasing reklamo na maraming beneficiaries ng 4Ps ang dapat wala sa listahan.
At huwag na kayong magsingit ng mga kaibigan, kamag-anak at kakilala na may kaya naman sa buhay.
Kapag ginawa niyo ‘yan, siguradong tatamaan kayo kay Secretary Erwin Tulfo.
(Para sa ingong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).