KATULAD nang ibang collection districts, pinaigting pa ng Port of Subic ang kanilang kampanya laban sa ismagling.
Kailangang gawin ito para makatulong sa revenue collection effort ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero.
Dahil sa mga quarantine restriction, apektado ang dating ng mga kargamento sa mga pantalan.
Noong Hulyo 1 ay nakasamsam ang Port of Subic ng mga kontrabandong sigarilyo.
Nagkakahalaga ng P93 milyon, ang mga puslit na sigarilyo ay nakalagay sa tatlong 40-foot container vans.
Ang tatlong containers ay idineklarang naglalaman ng LED lights.
Nabisto na naglalaman ito ng mga sigarilyo nang idaan sa X-Ray examination at ‘100 percent physical examination.’
Nag-isyu na si Port of Subic District Collector Marites Martin ng Warrant of Seizure and Detention laban sa kargamento.
Ang consignee na hindi pinangalanan ay nahaharap ngayon ng imbestigasyon.
Sinabi ni Collector Martin na determinado silang ipatupad ang mga utos ni Comm. Guerrero na protektahan ang mga border ng bansa.
***
Tuloy-tuloy ang pagbabantay ng mga kawani ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA).
Hindi pa kasi natatapos ang problema sa Covid-19, balik naman ang banta ng African Swine Flu (ASF) na makapasok sa Pilipinas.
Kaya naman mula Enero hanggang Hunyo 2020 ay nakakumpiska na ang BoC-NAIA ng 775.6 kilograms na karne at meat products.
Galing sa mga bansang may kaso ng ASF, ang mga karne at meat products ay walang ‘sanitary and phytosanitary clearance.’
Ang mga kinumpiskang karne at meat products ay kinabibilangan ng 268.2 kilograms na karneng baboy, 106.4 kilograms na karneng baka, 298.2 kilograms poultry at 102 kilograms ng ibat-iba pang karne.
Lahat ng mga nakumpiskang karne at meat products ay isinalin kaagad sa kustodiya ng Bureau of Animal Industry.
Ito ay para i-quarantine at mai-idispose kaagad ang mga karne para hindi kumalat ang ASF sa bansa.
Ang mga frontliner ng BoC-NAIA, sa pamumuno ni District Collector Carmelita “Mimel” Manahan-Talusan, ay nananating alerto, lalo na ang mga nasa passenger area at air cargo warehouses.
Siyempre ayaw nilang malingat dahil nandiyan ang Covid-19 at bagong strain ng ASF.
Kabilin-bilinan ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero na bantayang mabuti ang ating mga border.
Tama ba, Finance Secretary Carlos Dominguez?
****
Hanggang ngayon ay hindi pa alam ng mga magulang kung paano mag-aaral ang mga bata sa darating na pasukan.
Kaya nga marami pang ang hindi nagpapa-enroll sa kanilang mga anak.
Sa Maynila lang yata ang sobra na ang dami ng mga batang nagpatala para papasok na school year.
Sa totoo lang, sobra ang nagpa-enroll sa mga pampublikong paaralan.
Paanong hindi dudumugin ang Maynila, eh lahat ng mga papasok sa public schools ay bibigyan ni Mayor Isko Moreno ng tig-iisang “tablet.”
Kaya ayon sa balita, nag-lilipatan sa pampublikong paaralan ang mga batang nag-aaral sa private schools.
Ang mga guro naman ay bibigyan ng tig-iisang “laptop.”
Sana naman may matutunan ang mga bata kahit na wala sila sa loob ng klase.
Ang problema lang, nasa loob na ng klase ay marami pang bata ang hindi nakakabasa ng diretso.
Iyon pa kayang walang nagbabantay na guro.
Maghintay na lang tayo kung ano ang niluluto nina Education Secretary Leonor Briones.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan. )