KUNG nais ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na dumagsa ang foreign direct investment at matupad ang bilyon-bilyong dolyar na pledges na nakuha niya sa ginawang state/offcial visit sa China, Cambodia, Japan, Indonesia at iba pa, pakilusin niya ang Department of Information and Communications Technology (DICT), National Telecommunications Commission (NTC) at pagsabihan niya ang dalawang higanteng telecom na ayusin ang internet connectivity sa Pilipinas.
Anyare po ba PBBM sa DICT, NTC, Department of Justice (DoJ), Competition Commission? E hanggang ngayon ay di inaayos ng mga ito ang internet connection sa bansa, ano nga ba ang problema Pangulong Marcos?
Usad kuhol na, mahal pa ang internet natin at kulelat tayo sa matuling koneksiyon ng internet sa ibang bansa.
Sa 22 bansa sa Asia Pacific region, No. 1 ang Singapore, 122.43 Mbps; No. 2 Hong Kong, 102.96 Mbps; No. 3. Japan, 82.12 Mbps; No. 4. South Korea, 59.77 Mbps; No. 5. Macau, 50.66 Mbps; No. 6. Taiwan, 50.59 Mbps; No. 7 Thailand, 19.62 Mbps (Mbps — millions of bit per second; megabits per second; megabytes per second).
Ang Pilipinas, top 21 sa 22 bansa sa “speed” na 3.64Mbps!
Hanep, thank you, Smart Telecom, Globe telecom, at iba pang telecom kuno.
Sa sobrang “speed” at expensive ng internet connectivity, matuloy kaya ang investment pledges kay PBBM ng mga negosyante sa kanyang mga dinaluhang economic summit?
Tapos, “magnanakaw” pa ng load ang mga tinamaan ng lintek – kalo-load mo lang, isang tawag o text lang, ubos na agad!
***
Problema natin, No 3G, 4G LTE coverage or connectivity, kahit pa panay ang pangako ng mga telecom na kaya nilang bigyang serbisyo sa loob at labas ng Metro Manila.
Kaya ang mga negosyo, ang malaki ang nalulugi kasi, putol-putol ang koneksiyon sa mga katransaksiyon; nabobobo ang mga bata kasi, yung IPad, gadgets sa online learning, di magamit.
Maraming personal at opisyal na relasyon ang nawasak kasi, “poor connection,” “no coverage.”
Nagbabayad tayo nang mahal sa serbisyong di natin natatanggap, aba, ayon sa batas, ito ay ano – grand scale estafa at violation sa kanilang prangkisa!
PBBM, DoJ Sec. Boying Remulla, NTC, DITC mga bossing, ano na po, dekadang taon na kaming “ineestapa” ng mga telcos na yan.
***
Scam yang pakulong “Unlimited service” at walang kuwenta ang Fair Usage Policy aka FUP na anunsiyo ng mga telcos na pag naubos mo na ang data capacity, makakokonekta pa rin.
Nagwarning lang ang DOJ sa telcos na kakasuhan sa unfair practice ayon sa Consumer Act.
Daming expert sa telcos pero yung hacking e isang maunlad na “industriya” sumisira sa kredibilidad ng mga negosyo, tiwala ng taumbayan sa telcos na ikinatutuwa naman ng mga nakikinabang sa panloloko gamit ang internet, mga social media plaforms.
Ginagamit din sa krimeng Cyberbullying at paninira sa kapwa ang social media platform tulad ng Facebook , YouTube, Tiktok, Twitter at iba pa.
Mis at Dis-information ay laganap sa ating bansa, e tayong Pinoy, ayon sa pag-aaral ay top sa “social media addiction.”
Hindi naman masama kung gagamitin sa tama, maayos na paraan at kung susundin ang tamang etika sa pakikipagkapwa-tao.
Kung sobra ang paggamit sa social media, apektado na ang pamilya.
Ginagamit din ang social media na lunsaran ng mga scammer, pornography, pananakot, mga impormasyong di-totoo at pagkakalat ng fake news, identity theft, hoaxes na nagbibigay ng matinding takot sa mga taong madaling mapaniwala sa kanilang nakikita at nababasa.
Nagagamit ang social media sa paghahasik ng binhi ng galit sa gobyerno kaya dapat maging masigasig ang gobyerno at mga ahensiyang ang mandato ay pigilan, arestuhin, kasuhan at parusahan ang mga terrorista sa internet at social media.
Marami ang nananakawan ng pera sa bangko, sa ATM at iba pa ng mga hacker, scammer gamit ang internet service at dito kulang ang kapasidad ng ating pamahalaan.
Sa krimeng gamit ang information technology, kulelat pa rin tayo, kaya kailangang kuhanin ng pamahalaan ang magagaling sa IT upang mabawasan at madakip ang mga scammer, hacker, fake social media sites, at online sextortion syndicates.
At eto ang nakakaiyak, kasi ayon sa pag-aaral, superbagal na nga, expensive na nga, 6 sa 10 Pinoy, wala pa ring internet connection.
Eh, itong internet connectivity ay hindi na luho, hindi na kapritso, ito ay isa nang human rights, ayon na rin sa United Nations.
Kaya po ang aming pakiusap kay PBBM, pakilusin naman nyo ang DICT, NTC, DOJ, Philippine Competition Commission, at ipataw na ang totoong batas ng Consumer Act sa mga greedy telcos na yan.
Kamal-kamal na bilyones na ang kinikita nyo sa aming subscribers, consumers, pero no. 21 tayo sa internet speed na 3.64 Mbps kumpara sa Singapore na mayroong top speed na 122.43 Mbps; HK, 102.96Mbps; Japan, 82.12 Mbps; South Korea, 59.77 Mbps!
Mga telcos, moderate your greed!
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).