GOD is good all the time.
Maraming salamat sa mga panalangin, on the road to recovery na sina dating Presidente-Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada at Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Benny Antiporda, na parehong tinamaan ng nakamamatay na “veerus” ng Covid-19.
Hinay-hinay lang po, mga bossing, marami pa kayong magandang gagawin sa ating bayan.
***
Saludo tayo sa tapang at paninindigan ng ating makisig na Defense Sec. Delfin Lorenzana at sa pagpapatawag sa Chinese Ambassador Huang Xilian at balita natin, mahigit sa 20 na lang ang natitira sa mahigit na 200 militia vessels ng China sa ating Julian Felipe Reef.
Ok na yung dahilan na kaya naroroon ang Chinese militia vessel kasi nagkakanlong sa malakas na alon at bugso ng hangin sa lugar dahil sa sama ng panahon.
Pero mahigit na sa isang buwan na sila roon at ang reklamo ng ating mangingisda, sila ay itinataboy at binabantaang pasasabugin kapag lumapit at mangisda sa bahura ng Julian Felipe.
Tratong kaaway, hindi kaibigan ang ginawang ito ng China at ang nakatatakot, kundi umalma si Sec. Lorenzana, magulat na lang tayo, baka ang Julian Felipe Reef ay mapagtayuan na ng arsenal nukleyar at militar – tulad ng ginawa nila sa Scarborough (Panganiban Reef) Shoal na bahagi ng ating teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Sa huling ulat, muling nagpadala ng malakas na diplomatic protest si Foreign Affairs Sec. Teddy Locsin, matapos ang pagpatawag kay Chinese Ambassabor Huang Xilian.
Una rito, kinastigo ni Foreign Affairs Undersecretary Elizabeth Buensuceso si Ambassador Huang nang sabihin nito na iresponsable raw ang paninindigan ni Sec. Lorenzana at ang panawagan nito na umalis na ang mga militia vessels ng China.
Hoy, amin po ang WPS!
Yan ang desisyon ng International Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands noong 2016 na sinabi na sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas ang ang WPS at iba pang bahura sa Kalayaan Group of Islands.
Ayon sa mga report, mula noong Marso 7, inokupahan na ng China ang Julian Felipe Reef at iba pang isla sa WPS at itinataboy, tinatakot na pauulanan ng bala ang mga barkong pangisda ng mga lokal nating mandaragat.
Sobrang pambabraso na ito, China!
Salamat na lang at nag-abiso na ang US State Department na agad na sasaklolohan nila tayo sa oras na magkaroon ng “armed conflict” sa WPS.
Yan ang kaibigan.
Huling balita, may nagaganap na Balikatan Exercises ang mga sundalo natin at ang sundalong Amerikano, at iniisip ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na bawiin ang banta niya na kanselahin na ang Visiting Forces Agreement (VFA).
Huling balita natin, 20 militia vessel na lang ang nasa WPS, at umaasa sina Sec. Lorenzana at Sec. Locsin na aalis sila sa susunod na mga araw.
Layas kayo diyan!
***
Kumakalat ang tsismis na baka raw dahil sa pandemyang Covid-19, ikansela ang 2022 elections na ayaw mangyari ni Sen. Manny Pacquiao (busy na ang mga supporter niya sa paglilibot sa bansa).
Ayaw rin ng postponement ang 1Sambayan nina ex-SC Sr. Associate Justice Antonio Carpio at dating Ombudsman-SC AJ Conchita Carpio Morales.
Itong 1Sambayan e nagpaparami pa ng miyembro at balita, kung aatras si VP Leni Robredo, baka si Pacman ang gawing standard bearer.
Aligaga rin ang tropa nina ex-Sen. Bongbong Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa pagkalampag sa kanilang tandem sa 2022.
Well, itong isyu ng pandemyang Covid, korapsiyon, EJK, at mga kurakot ng mga opisyal ng gobyerno ang isyu sa May 9, 2022 national and local elections.
Dapat tayong maging mapanuri at matalino sa pagpili ng susunod na Pangulo, VP, mga senador, kongresista, at mga local officials.
Nakakasawa na tuwing eleksiyon, pulos “promising leaders” lang ang naipupuwesto natin.
Magaling lang mangako sa mga pangakong ipinapako.
What we need are leaders who will bring our country and our people to the promised salvation.
Dapat, hindi lang charismatic at makabayan.
They must be revolutionary, visionary, brilliant, at maka-Diyos at alam ang tibok ng puso at pulso ng mas nakararaming Pilipino.
Ayaw na natin sa trapo, mas mahal ang sarili at mas masunurin sa kapritso at agenda ng oligarko.
Dapat, creative at mabilis kumilos – pro-active at maagap gumawa ng plano at solusyon sa maraming problema sa loob at labas ng bansa.
Ayaw natin ng makuda at masatsat na Pangulo at tutulog-tulog na opisyal ng gobyerno.
Dapat matapang sila, buo ang loob sa mga hamon ng problema, may karakter na hahangaan maging ng mundo; may integridad, mas pusong Pilipino kaysa pusong makamundo.
Sabi nga, kailangan natin ng mga lider – who thinks outside the box with brains in his balls and ball in his brains.
Taglay ba ng mga nagkakandarapang kandidato ang mga katangiang ito?
Meron ba sa kanila na tatayo at sasabihin: “Ako ang katubusan ng ating bansa!”
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).