Banner Before Header

Pagtaas pa ng tax collection, prayoridad ni Comm. Rubio

0 203
UNA, ang ating mainit na pagbati kay Dir. Bienvenido Y. Rubio na inianunsyo nitong Biyernes, Pebrero 10, 2023, na bagong Customs Commissioner, kapalit ni OIC-Commissioner Yogi Filemon Ruiz.

Nakitaan si Rubio ng magandang rekord ni Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. kaya itinalaga siya na bagong hepe ng Aduana, at sa paniniwala ng marami, lalo ng mga kawani at opisyal ng Bureau of Customs (BoC), karapatdapat nga siya sa bagong tungkulin.

Maningning ang rekord ni Rubio sa dating trabaho bilang Director of the Port Operations Service sa ilalim Assessment and Operations Coordinating Group (AOCG).

Madalas na nagagawang makapagpalusot ng kontrabando ang mga tiwali sa maling deklarasyon at assessment ng ipinapasok na importasyon, pero batay sa rekord, kahit anong ginawang pressure ng mga protektor ng ismagling, hindi nagawang mayugyog si Rubio na naglingkod din bilang Officer in Charge (OIC) ng Intelligence Division ng Manila International Container Port (MICP). Sang-ayon naman kaya dito si ex-Sen. Panfilo Lacson?

Katuwang ang iba pang BOC intel officers, pinangunahan ni Rubio ang pagkumpiska sa mga smuggled na mga agricultural proiducts at mga ilegal na droga at iba pang kontrabando sa panahong siya ang pinuno ng Intelligence Division sa MICP, ayon na rin sa press release ng BOC,

Mabibigat ang protektor ng mga ismagler na ang iba pa nga ay mga pulitiko pero nananatiling matibay ang dibdib ni Rubio; sabi nga ng mga kasama niya sa Intel Division, e laging dala ang ‘yagbols.’

Napansin ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kisig ni Rubio kaya siya ay ini-appoint na Director III sa BoC, kaya hindi nakapagtataka na siya ang mapili ni PBBM na maupong bagong Customs Commissioner.

Siyempre, kumbaga dumaan sa maraming screening si Rubio; may mga humarang pero hindi nagtagumpay na mapigil ang paghirang sa kanya bilang bagong Customs chief, tama ba, Finance Secretary Ben Diokno, sir?

Muli ang mainit na pagbati ng inyong abang lingkod kay Customs Commissioner Bien Rubio.

***

Sa bago niyang tungkulin, sinabi ni Commissioner Rubio na uunahing targetin niya na makuha at malampasan ang naitakdang revenue target ng Department of Finance (DoF) ngayong 2023 na higit P900 bilyon.

Kasama rin sa bibigyang pansin niya, sabi ni Rubio ay ayusin, pasimplihin ang tuntunin at regulasyon upang mapabilis ang pag-aayos, pagdodokumento at paglalabas ng mga kargamento.

At ang mabigat na parte ng kanyang trabaho: ang “giyera” laban sa ismagling.

Nais din ni Comm. Rubio na itaas ang moral ng mga opisyal at tauhan ng Customs na marami, sabi nga ay nawawalan ng ganang magtrabaho, dahil sa nakakapit na mantsa ng korapsyon na nakikita ng taumbayan.

Nasa isip kasi ng taumbayan — pag sa Customs nagtatrabaho e tiwali na, na hindi naman totoo at itong kaisipang ito ang sisikapin ni Commissioner Rubio na unti-unting mabura na bahid at dumi sa kanilang ahensiya.

Naniniwala si Comm. Rubio magagawang mabago ang pagtingin ng madlang bayan sa Customs at ito ay sa pagpapatupad ng maayos na pamamahala at pagpapalakas sa mga opisyal at tauhan ng Aduana.

Sabi niya: “I believe in promoting good governance by strengthening the Bureau of Customs first through active collaboration with its partner agencies and stakeholders.”

Gagawin niyang katuwang sa pagbabagong ito ang publiko, ang stakeholders, sabi ni Rubio.

At hindi lamang problema sa labas ng Aduana ang titingnan niya.

Tinukoy ni Rubio na tutukan niya ang mga problema mismo sa pagpapalakad sa loob ng Customs, at ito ang kanyang gagawin, pangako niya.

Rerebyuhin at babaguhin niya ang proseso sa mga transaksiyon sa loob, gamit ang digitalization sa Aduana.

Tugon ito, sabi ni Rubio sa utos ni Pangulong Bongbong Marcos na gawing lantad at bukas sa publiko ang trabaho at gawain sa Customs.

Naniniwala siya, sabi ni Rubio kung mapalalakas niya ang tiwala, moral at kakayahan ng mga tao sa Customs, maayos at dekalidad na serbisyong bayan ang maibibigay ng ahensiya.

Siyempre, sabi ni Commissioner Rubio, sisikapin niya na maibalik ang tiwala ng publiko at kakatulungin niya ang media, taumbayan at laging konsultasyon sa Opisina ng Pangulo at ng iba pang departamento na may kinalaman sa paglaban sa korapsiyon at pagpapalakas ng koleksiyon taripa, at iba pang buwis at bayarin sa Customs.

Sa panig ng inyong lingkod, nandito lang kami, Commissioner Rubio na handa laging maging katuwang at alalay mo para sa pagtanggap sa mga hamon ng pagbabago.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply